|
MISYON PARA SA MGA KABATAAN
I. KATURUAN
Ang Malinaw na Utos ni Jesus:
Si Jesus ay kabataan din. Nagsimula Siya ng hayagang pangangaral (public ministry) noong siya ay tatlumpung taong gulang (30) at namatay noong Siya ay tatlumpu’t tatlong taong gulang (33). Mahalaga kay Jesus ang kabataan. Nakikipag-usap Siya sa atin sa pamamagitan ng Kanyang mismong mga halimbawa at buhay:
“Pabayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata…” (Marcos 10:14). Ito ang malinaw na binitiwang salita ni Jesus matapos pagalitan ang Kanyang mga alagad. Tila iba ang pananaw ng mga alagad tungkol sa mga bata; subalit iwinasto ito ni Jesus. “Ito ang tandaan ninyo: ang sino mang hindi tumatanggap sa paghahari ng Diyos katulad ng isang maliit na bata ay hindi mapapabilang sa mga pinaghaharian Niya” (Marcos 10:15) At sa harap ng Kanyang mga alagad, na una’y pinagwikaan ang mga bata, nagbigay Siya ng halimbawa, “kinalong ni Jesus ang mga bata, ipinatong ang kanyang mga kamay sa kanila at pinagpala sila”. (Marcos 10:16)
Makikita ring may kakaibang malasakit at malawak na pang-unawa si Jesus sa mga kabataan kahit na sa “tila” naiiba ang landas. Sa Mabutig Balita ni Marcos, isang binata ang lumapit sa Kanya at nagtanong “Mabuting Guro, ano ang dapat kong gawin para magkamit ng buhay na walang-hanggan?” Sumagot si Jesus sa pamamagitan din nang tanong: “Bakit mo ako tinatawag na mabuti? Walang mabuti kundi ang Diyos.” At nagpatuloy si Jesus ng pagsasalita, “Alam mo ang mga utos; Huwag kang papatay huwag kang mangangalunya; huwag kang magnanakaw; huwag kang magsisinungaling sa iyong pagsaksi; huwag kang mandadaya; igalang mo ang iyong ama at ina.” (Marcos 10: 17 - 19) Pinaalalahanan ni Jesus ang binata ng Salita ng Buhay na mula sa Banal na Kasulatan. Subalit ang kanilang pag-uusap ay hindi nagwawakas doon, dahil ang binata ay nagsabing: “Guro, lahat ng ito ay ginagawa ko mula pa nang pagkabata.” Tumingin si Jesus sa kanya ng buong pagmamahal, “May kulang ka pa; humayo ka at ipagbili mo ang iyong ari-arian at ipamigay sa mga dukha ang pinagbilhan, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. At saka ka sumunod sa akin…” (Marcos 10: 20 - 21) At nagbago ang ihip ng hangin, ayon sa isinulat ng ebanghelista, “Namanglaw ang binata ng marinig ito, at malungkot na umalis, sapagkat siya’y napakayaman.” (Marcos 10: 22) Dito ipinakikita sa atin ni Jesus na kailangang-kailangan ang pagtuturo, paggabay at pagpapalago ng kalooban at pananampalataya ng mga kabataan kung ibig natin silang “sumunod” sa mga yapak ni Kristo at “magkamit ng buhay na walang hanggan”. Subalit kapansin-pansin din na kahit na “tila” iba ang daan na pinili ng binata (na kumakatawan sa sangkatauhan, ayon sa paliwanag ng mga teologo - theologians), walang panunumbat na narinig mula kay Jesus kundi panghihinayang at habag ang namayani sa kalooban ni Jesus.
Taliwas sa palaging naririnig sa mga matatanda na ang kabataan ay laging may hatid na suliranin, alagain at laging mali na dapat iwasto sa kanilang mga “kakaibang” at “hindi masakyang” pag-uugali, ang Simbahan ay kumikilala sa karapatan at dangal, kakakayahan at misyon ng kabataan. “Ang Simbahan ay nagbibigay ng kakaibang pagpapahalaga sa kabataan bilang isang yugto sa buhay ng bawat tao”. (Apostolic Letter to the Youth of the World on the Occasion of International Youth Year, 1.). Wika ng Santo Papa Juan Pablo II, “Ang kabataan ay isang pangarap, isang layunin, isang pag-asa...” (To the Youth of St. Egidio, Italy, 19.9.82, PCL, p. 40). Kasunod nito, sinabi ng Santo Papa Juan Pablo II, habang inilulunsad ang World Youth Day noong taong 1985, “Sa inyo mga kabataan, mayroong Pag-asa, dahil kayo ay nabibilang sa kinabukasan, habang ang kinabukasan naman ay nabibilang din sa inyo. Ang ating pinahahalagahan bilang mga Kristiyano ay nakapaloob sa kinabukasan, katulad nga ng Pangakong iniwan sa atin ni Jesus.”
Ang Kabataan sa Puso ng Diyos sa Lumang Tipan
Mayroong malinaw na koneksyon at batayan ang pagsasaalang-alang ng misyon sa kabataan sa mga salita at turo ng Banal na Kasulatan. Kailanman ay hindi nagbabago ang pagmamahal ng Diyos at ang Kanyang paggalang sa kakayahan ng mga kabataan. Katunayan, mayroong natatanging bahagi ang mga kabataan sa puso ng Diyos. Sa kasaysayan ng Pagliligtas, itinuturing ng Diyos ang kabataan bilang Kanyang kasama at kapanalig - kabilang sa mga kabataang ay sina Isaac (Genesis 21:1 - 7; 22:1 - 18); Moises (Exodo 3 : 1 - 6); Josue (Deuteronomio 31:7-8); Samuel (1 Samuel 3: 1 - 21); David (1 Samuel 16: 1 - 13); Josias (ang batam-batang hari, walong taong gulang (8) lamang, na nagpatupad ng mga pagbabago sa panahon ng papalubog ng ang monarkiya sa lupain ng Juda) (2 Mga Hari 23 : 1 - 23); Jeremias ( Jeremias 1 : 4 - 10); Ruth, Judith at Ester; at ang pitong magkakapatid sa Aklat ng mga Macabeo (2 Macabeo 7 : 1 - 42). Ang mahahalagang yugto sa kanilang buhay, bilang mga kabataan, ay mahahalagang sandali sa kasaysayan ng Pagliligtas. Higit pa rito na dapat bigyang-pansin, ang nag-iingat at gumagabay sa kanilang buhay ay ang mismong kamay ni Yahweh, ang Panginoon.
Subalit sa lahat nang ito, ang pinakarurok ng pagkilos ng Diyos, pag-iingat at paggalang Niya sa mga kabataan ay matutunghayan natin sa kuwento ng buhay ni Maria, ang batam-batang dalaga na piniling maging ina ni Jesus, ang Kristo. Dito, sa pagkakatawang-tao ni Jesus, naipakita ng Diyos sa isang natatangi, malinaw at tukoy na paraan ang Kanyang pangarap at pagkandili sa mga kabataan. (KA-LAKBAY, p.35-36).
Ang Kabataan sa Puso ng Diyos sa Bagong Tipan
Maraming bahagi sa buhay ni Jesus, lalo na sa hayagang pangangaral (public ministry) ang nagpapakita ng Kanyang katangi-tanging pagpapahalaga sa mga kabataan. Ang pagpili Niya ng mga kabataang tagasunod na naging malapit sa Kanya, tulad ni San Juan Apostol, ang alagad na pinakamamahal, na “humilig” pa sa Kanyang dibdib sa sandali ng Huling Hapunan. Gayon din naman, kinilala Niya ang tulong ng isang bata noong Siya ay nagpakain ng limang-libong katao (Juan 6: 1 - 13) Ang makulay na pakikipag-usap sa Kanya ng isang mayamang binata na naghahangad ng buhay na walang-hanggan ay halimbawa rin ng Kanyang pagtatangi sa mga kabataan. (Marcos 10 : 17 - 22). Ang pagpapabangon Niya sa yumaong anak ni Jairo na Kanyang muling binuhay ay malinaw na pagmamahal sa mga kabataan. (Lukas 8:49-56) Gayundin ang katotohanang larawan ng pagbuhay sa namatay na anak ng biyuda sa Nain. (Lukas 7:11-17) Ang pagpapala sa mga maliliit na bata na hayagan Niyang ginawa sa harapan ng mga alagad ay tuwirang paglalahad ng Kanyang pagkiling para sa mga nakababata. (Marcos 10:13-16; Lukas 18:15-17; Mateo 19:13-15). Ang isa sa Kanyang mga panalangin na nagpapahayag ng Kanyang pag-ibig sa mga kabataan ay mababanaagan sa mga salitang ito: “Pinasasalamatan Kita, Ama, Panginoon ng langit at lupa, sapagkat inilihim Mo sa mga marurunong at pantas ang mga bagay na ito at inihayag Mo sa mga taong ang kalooban ay tulad nang sa mga bata… (Lukas 10: 21). Hindi lang Niya ipinakita ang Kanyang pagmamahal at pagtatangi sa mga kabataan, ipinakita rin Niya ang Kanyang hayagang malasakit sa kanila noong Siya ay nagbigay ng babala sa Kanyang mga alagad ukol sa pagiging sanhi ng pagkakasala ng mga maliliit/kabataan: “mabuti pa sa isang tao ang siya’y bitinan ng isang malaking gilingang-bato sa kanyang leeg at itapon sa dagat kaysa maging sanhi ng pagkakasala ng isa sa maliliit na ito na nananalig sa akin…” (Marcos 9: 42) Ang Kabataan sa Puso ng Simbahan
Kung ano ang pangarap at pagpapahalaga ng Diyos sa mga kabataan, gayon din dapat ang pangarap at pagpapahalaga ng Simbahan sa mga kabataan. Walang tutok at hayagang dokumento ang Simbahan katulad ng mga “encyclicals” na nagsasaad ng Katuruan at misyon para sa kabataan. Subalit ito ay unti-unti nang pinag-aaralan at binibigyan na ng pansin ayon sa panawagan ng kasalukuyang panahon. Sa mga pagninilay ng Santo Papa Juan Pablo II, sa paglulunsad niya at pagdiriwang ng mga “World Youth Days”, nagiging mas malinaw para sa Inang Simbahan ang kanyang papel, pananagutan at katungkulan upang kilalanin at pahalagahan, pangalagaan at tulungan, gabayan at turuan ang mga kabataan sa loob ng kanyang misyon ng ebanghelisasyon. Sa Directory for Catholic Youth Ministry in the Philippines na pinamagatang “KA-LAKBAY”, nakasulat doon na “ang ebanghelisasyon ang siyang pinaka-tagapagpasigla, ang siyang pinaka-puso at pinakamalalim na kalikasan ng ministri para sa mga kabataan (KA-LAKBAY p. 14). Sa kabuuan nga nito ay ipinahayag, “ang ebanghelisasyon ang biyaya at bokasyon ng Simbahan…ang kanyang pinakapangunahing gawain” (EN 14).
Bukod pa rito, ang diwa ng “communio” (kaisahan/pagkaka-isa) ng Simbahan ang siyang nagpapatunay ng pangangailangang mag-misyon para sa mga kabataan. “Itong dimensiyon ng “communio” na ito ay tunay na bahagi ng pangarap ng Simbahan dito sa Pilipinas, bilang pakikilahok sa Sambayanan ng mga Alagad, ayon na rin sa aral at pahayag ng Ikalawang Konsilyo Plenaryo ng Pilipinas.(PCP II 155, 195-198). Kung kaya’t ang misyon para sa kabataan ay misyon ng buong Simbahan at hindi lang ng iilang mga tao, samahan o pangkat sa loob ng Simbahan. At habang nakikilahok ang mga kabataan sa buhay ng Sambayanan ng mga Alagad, tulad ng kanilang pagiging kasapi sa mga BEC’s, PREX, Singles for Christ, Youth for Christ, at ng iba pang mga samahang pangsimbahan at mga kilusang pang-laiko, pati na rin sa kanilang pakikisangkot sa mga gawain at pagdiriwang ng mga Pamayanang Parokya, nagkakaroon sila (ang mga kabataan) ng mahalagang pagtuklas at kaalaman na ang Simbahan ay tunay na pamayanan ng mga tao (KA-LAKBAY p. 15). At “upang ang mga kabataan ay maging mabisang tagapagpalaganap din ng misyon ng Simbahan, kailangan ng Simbahan, kung gayon, na bigyan din sila ng akmang pangangalagang pastoral” (Juan Pablo II, Ecclesia in Asia, 47).
Ang Kahalagahan ng Misyon para sa Kabataan
Ang ganitong pagtingin at pagpapahalaga ng Simbahan sa kabataan ay akma at ganap na makikita sa karanasang nilalaman ng pahayag ng Third General Conference of the Latin American Bishops na ginanap sa Pueblo, Mexico na maaari rin nating pagnilayan. Sinasabi nila sa atin kung papaanong huwag natin tingnan ang mga kabataan. “Huwag natin silang tingnan bilang isang pangkat ng mga taong may tukoy lamang na taong gulang (edad). Sa halip, ang kabataan ay dapat tingnan bilang “isang pananaw” o “isang pag-uugali” na laging nagtatanong, naghahanap ng katotohanan at may malikhaing kakayanang tumugon sa nagbabagong takbo ng mundo” (KA-LAKBAY, p.37-38). Kasunod nito, ang Pagpupulong na ito sa Pueblo, Mexico, ay mulat na nagsasabing ang mga kabataan ay hindi lamang “Simbahan ng Bukas”; kundi matibay silang naniniwala na ang kabataan ay “Simbahan din ng Kasalukuyan”! At kung tayo man ay isang “Bansa ng mga Kabataan”, hindi ba’t marapat lamang na tayo ay tawaging “Simbahan ng Kasalukuyan”?
Higit pa rito, binibigyan natin nang sapat na pansin ang Panlipunang Doktrina ng Simbahan na tumutukoy sa Simbahan bilang Simbahan ng mga Dukha, na may “piling pagtatangi sa mga Dukha” “preferential option for the poor (CA 57). Ibig sabihin na ang isang Kristiyanong Pagtatangi ay pagtatangi para sa mga dukha; dahil nga dumating si Kristo upang ipahayag ang KALIGTASAN para sa mga dukha.. (KPK 1187). Subalit kung ating titingnan ang katotohanan sa mas malapit na sulyap, ang karamihan ng ating mamamayan ay mga kabataan at ang mga kabataang ito, madalas at pangkaraniwan, ay kabilang sa mga pamilyang dukha. Kung kaya, maaari nating sabihin na ang tunay na pangangailangan pala ng ating Simbahan, lalo na sa mga bansang nasa ikatlong antas (3rd world countries) ay ang PILING PAGTATANGI PARA SA MGA KABATAAN o Preferential Option for the Young (KA-LAKBAY p.38-39). Dahil nga, ang ating kabataan ay hindi lamang mga dukha, sila, lalong higit, ay nangangailangan ng ibayong pagkalinga, gabay at misyon. Sila ay mahalaga at may tanging pitak sa puso ng Diyos, maging sa puso ng Inang Simbahan.
|
* Best viewed with
| With 800x600 resolution
for better results. | ®All Rights Reserved Diocese of Balanga 2004
Comments, suggestion & Inquiries email the webmaster