Volume I Version I   ☼   Today is 

Home Directory Community History Galleries Contact Us
 

 

 

ANG MISYON SA MGA DUKHA

 

I. ANG KATURUAN

 

A.                Bakit may Dukha?

 

          Hindi natin maitatanggi ang laganap na karukhaan sa ating lipunan lalong higit sa ating lalawigan. Sa harap ng ganitong tanawin, hindi natin maiwasan  ang magsuri at magtanong “BAKIT MAY DUKHA?” Bilang pagtugon sa katanungang ito, ayon sa moral na pagsusuri ng Simbahan, tatlong kadahilanan ang maaring nating tukuyin: di makataong panlipunang kalakaran, pang-aapi bunga ng kawalang-katarungan at malawakang katiwalian. Bukod pa dito, higit na lumalala ang kahirapan dahil sa kapabayaan at kawalang-pakialam.   Masasabi rin natin ito, mula sa moral na pananaw, na ito ay bunga rin ng personal na kasalanan, katamaran at kalabisan/pang-aabuso.

 

B.      Ang Sinasabi ng Banal na Kasulatan:

 

Napakalinaw ng sinasabi sa Banal na Kasulatan, sa Lumang Tipan maging sa Bagong Tipan, patungkol sa mga dukha. Sa mga taong kumikilala sa kanilang karukhaan sa harapan ng Diyos, anuman ang kanilang katatayuan sa buhay, ay tatanggap ng pagtatangi mula sa Diyos. “Ang lumilibak sa mahirap ay humahamak sa Maykapal.” (Kawikaan 17:5)  Kapag ang taong mahirap ay tumatawag, ang Diyos ay tutugon at kung siya ay dumaraing, ang Panginoon ay nakikinig. (Exodo 25:15; Levitico 25:23; Deuteronomio 15:9 at Salmo 72:12-13) Ang Kanyang pangako ay para sa mga dukha; sila ang magiging tagapagmana ng Tipan sa pagitan ng Diyos at ng Kanyang Sambayanan (1 Samuel 2:8; Ezekiel 34:11-16, 23).

 

Sa Bagong Tipan, binigyang kaganapan ni Jesus ang pagtatangi ng Diyos sa  mga Dukha ayon na rin sa pahayag ng Lumang Tipan. Sa natatanging pagmamalasakit ni Jesus sa mga Dukha, hinahamon Niya ang Kanyang mga Alagad na Siya ay tularan sa pagkalinga sa kanila:

 

“Mga kapatid, bilang sumasampalataya sa ating Panginoong Jesukristo, ang dakilang Panginoon, huwag kayong magtatangi ng tao. Halimbawa, pumasok sa inyong kapulungan ang isang lalaking nakasingsing ng ginto at nakadamit ng magara, at isa namang dukha na panay naman sulsi ang damit. Kung aasikasuhin ninyong mabuti yaong magara ang damit at sabihin sa kanya, “Dito kayo maupo,” at sabihin naman sa dukha, “Tumayo ka na lang diyan,” o kaya’y “Sa sahig ka na lang maupo,” nagtatangi na kayo at humahatol ng mali.

 

“Tingnan ninyo mga kapatid kong minamahal! Hinirang ng Diyos ang mga dukha sa sanlibutan upang maging mayaman sa pananampalataya at maging kasama sa Kahariang ipinangako Niya sa mga umiibig sa kanya. Ngunit hinamak naman ninyo ang mga dukha! Hindi ba’t ang mga mayayaman ang sumisiil sa inyo? Hindi ba sila ang kumakaladkad sa inyo sa hukuman? Hindi ba’t sila rin ang dumudusta sa marangal na pangalang ibinigay sa inyo ng Diyos?

 

“ Mabuti ang inyong ginagawa kung tinutupad ninyo ang kautusang ibinigay sa inyo na nagsasaad sa Kasulatan, “Ibigin ninyo ang inyong kapwa gaya ng inyong sarili.” Ngunit kung hindi pare-pareho ang tingin ninyo sa tao, kayo’y nagkakasala at ayon sa Kautusan, dapat kayong parusahan.” (Santiago 2, 1-9)

 

Isinabuhay ni Jesus ang Kanyang itinuturo, “Ibigin ninyo ang inyong kapwa gaya ng inyong sarili” (Marcos 12:31). Maraming malilinaw na pangyayari sa buhay ni Jesus ang nagpapakita ng Kanyang kakaibang pagmamahal at malasakit sa mga dukha, sa mga maysakit, mahihina, maliliit, makasalanan at nagdadalamhati (PCP II 48).  Pinakain Niya ang mga nagugutom (Mateo 15: 32-39; Marcos 8: 1-10), pinagaling Niya ang maraming maysakit, nakisalamuha Siya sa mga publikano at makasalanan, at ibinangon Niya si Lazaro mula sa pagkamatay (Juan 11:1-44). Hindi lamang pinaglingkuran ni Jesus ang mga dukha, bagkus, mga dukha ang unang pinagpala na maging saksi sa Kanyang pagsilang at una ring tinawag Niya na maging katuwang sa Kanyang misyon. Noong Siya ay nagsisimula ng Kanyang Pangangaral, ang tinawag Niyang mga unang alagad ay apat na mga mangingisda. (Mateo 4:18-22; Marcos 1:16-20; Lukas 5:1-11).  Binigyan Niya ng katuparan ang pangakong ipinahayag Niya sa Pangaral sa Bundok, “Mapapalad ang mga dukhang wala nang ibang inaasahan kundi ang Diyos, sapagkat makakasama sila sa Kanyang kaharian..” (Mateo 5:1-3; Lukas 6:20-23).

 

Gayunpaman, hindi dito nagsimula at nagtatapos ang malasakit ni Jesus sa mga dukha.  Isang katotohanan na kailangan natin laging isaisip, nang magkatawang-tao ang Anak ng Diyos, “nagpakadukha Siya dahil sa atin upang sa pamamagitan ng Kanyang karukhaan, magsiyaman tayo” (2 Corinto 8:9).  Mulat tayo sa katotohanan na “inangkin Niya ang buhay ng isang lagalag na mangangaral na walang sariling tahanan” at “kung paano Siya namuhay, gayun din naman Siya namatay – isang dukha, inilibing sa isang hiram ng himlayan” (PCP II  48). At sa katapusan, itinuro ni Jesus sa atin na nakasalalay ang ating pagpasok sa Kanyang kaharian at kaligtasan sa ating pakikitungo sa pinakaaba Niyang mga kapatid (Mt 25: 40 - 45)

 

C.      Ang Sinasabi ng Simbahan:

 

“Ang Diyos ay Pag-ibig!” Ito ang buod ng mga turo ni Jesus. Ito rin ang sinasabi ng ating Santo Papa Benedicto XVI “DEUS CARITAS EST!”(Ang Diyos ay Pag-ibig) .Sa Unang Sulat ni San Juan, sinasabi doon na ang “Diyos ay Pag-ibig”, (1 Juan 4, 8.) at ang Diyos na ito ay hindi lamang nagmamahal kundi nag-uutos din na gawin ang Kanyang ginawa. “Binibigyan Ko kayo ng bagong kautusan. Magmahalan kayo tulad ng pagmamahal Ko sa inyo. Kung magmamahalan kayo, makikilala ng mundo na kayo ay Aking tunay na mga alagad.”(Juan 13:34)

 

Pag-ibig ang dahilan kung bakit tayo ay MAY MISYON at KAILANGAN na mag-misyon para sa mga DUKHA. “Ang Simbahan ay laging kikilos at paiiralin ang pag-ibig lalo na sa mundong sumisikip subalit lumalaki naman sa kahirapan…Ang Simbahan ay hindi maaaring nakatayo lamang sa isang tabi at hindi nakikisangkot para sa katarungan” (Benedict XVI, Deus Caritas Est). Kung kaya’t ang MISYON para sa mga dukha ay hindi lamang isang PAGKILALA sa Diyos, ito rin ay isang PAGKILALA sa ating kapwa. Ang MISYON PARA SA MGA DUKHA ay isang kautusan, isang tungkulin at isang hamon sa ating lahat upang ang Kaharian ng Diyos ay makita at maramdamang “malapit na” tulad ng pangako ni Jesus. (PCP II 39-47; LG 5; KPK 1377-1378)

 

“Ang Panlipunang Doktrina ng Simbahan sa Pilipinas ay tinatakan ng Piling Pagtatangi sa mga Dukha (Preferential Option for the Poor) (Centessimus Annus CA 57). Iginigiit ng PCP-II na ang pagpiling ito na alinsunod sa pagsunod kay Kristo ay ‘nangangailangan ng mabilis na pagtugon sa pangangailangan ng mga dukha sa ating bayan…’ ( PCP II, 312). Kaya ang isang Kristiyanong pagtatangi ay pagtatangi para sa mga dukha…dahil dumating si Kristo upang ipahayag ang mensahe ng KALIGTASAN para sa mga dukha.. (KPK  1187)

 

Ang batayan ng pagtatangi na ito ay ang mga turo at gawa ni Kristo mismo na nagpapahayag ng sariling pag-ibig ng Diyos (CCC 2448). “Sumasaakin ang Espiritu ng Panginoon, hinirang niya ako upang ipangaral ang Mabuting balita sa mga dukha…” (Lukas 4:18) “Bumalik kayo kay Juan at sabihin ang inyong nakita at narinig: nakakakita ang mga bulag, nakakalakad ang mga pilay, gumagaling ang mga ketongin, nakakarinig ang mga bingi, muling nabubuhay ang mga patay, at ipinangangaral sa mga dukha ang Mabuting Balita” (Lukas 7:22) (KPK 1188).

 

Bilang mga Pilipinong Kristiyano, hinahamon tayo ng pagtatangi na ito para sa mga dukha upang tugunan ang kalagayang ito sa isang matapat na “paninindigan sa katarungan” ayon sa pagpapalitan, ayon sa batas at ayon sa pagbabahaginan (Bilang paliwanag, tignan ang “footnote” sa KPK, pahina 394). Sinasaklaw ng pag-ibig na ito ng pagtatangi sa mga dukha ang lubhang maraming bilang ng mga nagugutom, nangangailangan, walang matirhan, mga walang maipang-gamot, at higit sa lahat, yaong mga walang pag-asa sa isang magandang hinaharap. Ang ipagwalang-bahala ito ay nangangahulugan ng pagiging tulad ng “mayamang lalaki” na nagpanggap na di nakakikilala sa pulubing si Lazaro na nakalupasay sa pintuan ng kanyang bahay. (Lukas 16:19-31) (KPK 1189)

 

Noong 1962, bago buksan ang Ikalawang Konsilyo Vaticano, tinuran ni Santo Papa Juan XXIII, “Habang hinaharap natin ang mga hikahos na mga bansa, ipinararating ng Simbahan ang kanyang sarili bilang Siya at kung magiging ano Siya sa lahat, isang Simbahan ng mga dukha” (Arnel Lagarejos, The Church of the Poor: A New Perspective on the Church, The State and the Poor, p.1)

 

Noong 1970, ang Federation of Asian Bishops’ Confrence na idinaos sa Manila, ay nagpahayag na “una sa lahat, aming pinagkasunduan na maging tunay na Simbahan ng mga dukha. Kung ihahanay natin ang ating Simbahan sa panig ng nakararami sa ating lupain, kailangang ang ating pamumuhay ay nakikibahagi din sa kanilang karukhaan”. (Asian Bishops’ Meeting  p.5-6)

 

Noong 1990, ang Ikalawang Konsilyo Plenaryo ng Pilipinas ay nangako na “habang sinasalubong natin ang taong 2000, upang higit na maging kapani-paniwalang taga-sunod ni Kristo, tinatawag ng Diyos ang ating pamayanan… ang laiko, mga relihiyoso at pari ng Simbahang Katoliko sa Pilipinas na maging Simbahan ng mga dukha”. (PCP II 124)

 

“Nangangailangan ng mabilis na pagtugon sa pangangailangan ng mga dukha sa ating bayan,” wika ng PCP II. Gayunpaman, kung tutularan natin si Jesus at isasabuhay ang turo ng Santo Papa Juan XXIII, ng Federation of Asian Bishops’ Conference at ng Second Plenary Council of the Philippines, ang kaganapan ng misyon sa mga dukha para sa  Simbahang Katoliko sa Pilipinas ay nasa pagsisikap nitong maging  Simbahan ng mga Dukha. Hinihingi nito hindi lamang ang pagbabago ng Simbahan kundi ang “natatanging pagsandig sa mga dukha bilang tagapagpahayag ng Mabuting Balita” (PCP II 132).

 

          Hinihimok ang mga  punong-lingkod ng Simbahan na “matutong makipamuhay, kasamang kumilos at matuto mula sa mga dukha” (PCP II, 132). Dahil napuna ng “National Pastoral Consultation on Church Renewal”, sampung taong makalipas pagtibayin ang ganitong panawagan ng PCP II, na marami sa mga atas nito ang hindi natupad  dahil sa katigasan ng puso at pagtanggi sa pagbabago, sapagkat “ang mga bagong pag-uugali at uri ng pamumuhay na hinihingi ng pagiging Simbahan ng mga Dukha ay hindi pa nag-ugat.” (Behold I Make All Things New,” 5), kaya  nga’t tinukoy bilang isa sa siyam na natatanging paninindigan ang “Active Presence and Participation of the Poor in the Church”:

 

Kung tayo ay magiging Simbahan ng mga Dukha, kinakailangan nating maging dukha ayon sa halimbawa ni Kristo (evangelically poor).  Kinakailangan nating matuto mula sa mga dukha at hanaping palayain ang ating mga sarili mula sa mga pagpapahalaga, ugali at uri ng pamumuhay na nagtatangi laban sa mga dukha.  Bilang dukhang kapiling ng mga dukha na nagsisikap kaisa nila tungo sa ganap na kalayaan, isasabuhay, ipagdiriwang at pagsasaluhan ang ating pananampalataya kay Jesus na namatay at muling nabuhay. (“Behold I Make All Things New,” 7c)

 

Maganda at malinaw ang Katuruan ng Simbahan tungkol sa misyon para sa mga dukha. Subalit ang tanong: “SAPAT NA BA ANG KATURUAN NG SIMBAHAN PARA SA MGA DUKHA?” Ang sagot ay HINDI. – “Malinaw ang TEORIYA! Subalit ang tunay na kalunasan ay wala sa teoriya kundi sa PAGSASABUHAY… Kailangan ng isang higit na lakas kaysa sa ‘titik ng batas lamang” upang mabigyan ang bawat isa ng nararapat. Hindi sapat ang katarungan lamang; maaari itong mauwi sa kawalan at pagkawasak ng sarili kung ang higit na malalim na kapangyarihan ng pag-ibig ay hindi hahayaang magbigay-hugis sa buhay ng tao sa iba’t iba nitong dimensiyon”. (Juan Pablo II, Pahayag sa Lupon ng mga Diplomatiko).

 

Marami nang “siyentipikong” pag-aaral ang naisagawa para sa mga dukha, subalit nananatili pa ring mahirap ang ating bayan? Talagang hindi sapat ang pag-aaral lamang at pagpapalitan ng mga kuro-kuro at salita. Kailangan nang masusi at mapagmalasakit na pagsasabuhay ng pagmamahal para sa mga dukha. Hindi sapat ang tayo’y tawagin lamang na “Simbahan ng mga dukha”. Higit sa lahat, dapat tayo rin ay maging “Simbahan PARA SA mga dukha”. Ito ang misyon na dapat tugunan at ipatupad ng Unang Sinodo ng Balanga. Sa pagpupulong na ito, matutugunan at maiaangat ang antas ng pamumuhay at dangal ng mga dukha sa lalawigan ng Bataan. Maihahatid sila sa ganap na kasarinlan at tunay na kalayaan mula sa mapang-aliping karukhaaan.

 

 

 
Home Directory Community History Galleries Contact Us

 

* Best viewed with | With 800x600 resolution for better results. | ®All Rights Reserved Diocese of Balanga 2004

Comments, suggestion & Inquiries email the webmaster