|
BAYANIHAN AT KABAYANIHAN
I. ANG KATURUAN
A. Pag-ibig ng Diyos
Ipinahayag sa atin ni Jesus na ang “Diyos ay Pag-ibig” (1 Juan 4: 8). At ang pag-ibig na ito na katangian ng Diyos ay sinasalamin sa Kanyang gawa ng paglikha. Ang lahat ay nilikha ng Diyos sa pamamagitan ng walang hanggang Salita, ang Kanyang minamahal na Anak. Sa Kanya, ang lahat ay nilikha, sa langit at sa lupa . . . ang lahat ay nilikha sa pamamagitan Niya at para sa Kanya. At walang anumang nalikha nang hindi sa pamamagitan Niya (Juan 1:3). Kaya ang lahat ng biyaya ng Diyos ay na kay Kristo, kasama ni Kristo, sa pamamagitan ni Kristo, at ang rurok at kaganapan ng lahat ng nilikha ay matatagpuan kay Kristo. Nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay hindi para sa Kanyang ikaluluwalhati kundi upang ipamalas at ipahayag ang Kanyang pag-ibig at kabutihan (CCC 293). Ang tanging layunin ng Diyos sa Kanyang paglikha, ay upang ang lahat ng mga nilikha - ang sangkatauhan, bilang rurok ng mga nilikhang bagay, ay makibahagi sa Kanyang mabathalang buhay, isang buhay na ganap sa pagkilala at pagmamahal sa Diyos na siyang hangarin ng lahat ng puso ng bawat tao.
Kaya, hindi dapat mawala sa kamalayan ng bawat Kristiyano ang kabutihan at pag-ibig na ito ng Diyos na bumabalot sa ating buhay, kahit na sa pinaka-mabigat at masakit na pangyayaring dumarating sa atin. Ang mapaglingap na “presensiyang” ito ng Diyos ang siyang matibay na saligan ng ating katatagan at pag-asa. Ito ang pinaka-puso ng ating pagiging Kristiyano: ang katiyakan na sumasaatin ang Diyos na ipinahayag sa atin ni Jesus bilang isang Ama - Kanyang Ama at ating Ama. Kaya hindi tayo nag-iisa.
B. Pag-ibig : Tungo sa Pagkakaisa at Bayanihan
Matapos maunawaan at pagnilayan ang kabutihan at wagas na pag-ibig ng Ama na hindi ipinagkait maging ang Kanyang Anak na si Jesus upang tayo’y pagkalooban ng kaligtasan, ipinahahayag sa atin ni Apostol San Juan ang isang katotohanan: “Mga minamahal, yamang gayon kadakila ang pag-ibig ng Diyos sa atin, dapat din tayong mag-ibigan. Walang taong nakakita sa Diyos kailanman, ngunit kung tayo’y nag-iibigan, nasa atin Siya at nagiging ganap sa atin ang Kanyang pag-ibig” (1 Juan 4, 12). Ayon sa Santo Papa Juan Pablo II: “Ang tao, dulot ng kanyang kalikasan ay tinatawag tungo sa pakikipag-isa sa kanyang kapwa-tao” (Mulieris Dignitatem MD, 7). “Koinonia” ang tawag dito, isang biyayang nagbibigay kakayahan at pananagutan. Bahagi ng pag-ibig ay ang ating tungkuling buksan ang ating sarili sa biyayang ito. Buwagin ang mga hidwaan at alitan sa ating mga puso; isabuhay ang tunay na pagtanggap; isantabi ang pagkakaiba-iba ng lahi at bansa, matutong magpatawad mula sa puso; magsikap umalpas sa sariling kapanatagan upang tumulong at maglingkod sa iba. Ang lahat ng ito ay bahagi ng pagiging Kristiyano. Sa panahon na ito ng “globalisasyon”, lalo nating sikaping palawakin ang bunga ng pagsasama-sama at pagkakaisa kung gusto nating matamasa ang pandaigdig na pagkakasunduan at kapayapaan. Upang ang panalangin ni Jesus na ang lahat ay magkaisa, tulad ng “ikaw Ama at ako ay iisa” (Juan 10: 30) ay unti-unti nating maisakatuparan.
Subalit huwag nating iwaglit sa ating kaisipan na sa pagsasama-sama at pagkakaisa, ang pangunahing dangal ng bawat kasapi ay dapat na mangibabaw (CCC 2235). Ayon kay Santo Papa Juan Pablo II: “Hindi kailanman mabibigyang katuwiran ang anumang paglabag sa pangunahing dangal ng tao o ang mga batayang karapatan na nagtatanggol sa dangal na ito. Umiiral lamang ang mga samahang panlipunan para sa paglilingkod sa tao at para sa pagtatanggol sa kanyang dangal; hindi nito maipagmamalaking naglilingkod para sa kapakanan ng nakararami kung ang mga karapatang pantao ay di napangangalagaan” (JP II, sa Pangulo at sa Bayan, 5).
Malinaw ito sa mga unang Kristiyano, kaya ito ay kanilang isinasabuhay. “Dahil sa maraming himalang nagagawa sa pamamagitan ng mga Apostol, naghari sa lahat ang magkahalong pitagan at takot. At nagsama-sama ang lahat ng sumasampalataya at para sa lahat ang kanilang ari-arian. Ipinagbibili nila ito at ang pinagbilhan ay ipinamamahagi sa lahat ayon sa pangangailangan ng bawat isa. Araw-araw, sila’y nagkakatipon sa templo, nagpipira-piraso ng tinapay sa kanilang tahanan, at nagsasalu-salong masaya ang kalooban. Nagpupuri sila sa Diyos at kinalulugdan ng lahat ng tao. Bawat araw ay idinaragdag sa kanila ng Panginoon ang mga inililigtas” (Gawa 2: 43-47).
Kaakibat ng pagkilala sa pangunahing dangal ng bawat tao ay ang pagpapahalaga sa kalayaan nito. Napakadaling ipagkamali ang kalayaan ng tao sa “basta’t gagawin ko ang gusto ko”. Subalit ang tunay na kalayaang pantao ay ibinabahagi na kakayahan na kasama ng iba sa sambayanan para makapamili hindi “ng kahit ano na lang” kundi kung ano ang mas higit na mabuti, upang maging ganap at totoo sa sarili. Kinabibilangan ito ng parehong kalayaan mula sa anumang humadlang sa ating pagiging tunay na sarili kasama ng iba sa sambayanan, at kalayaan para sa pag-unlad bilang ganap na mga tao sa harap ng Diyos at ng ating kapwa sa tunay na pag-ibig.
C. Pag-ibig: Tungo sa KabayanihanTayong mga Pilipino ay likas na mapagpahalaga sa mga bayani. Ang bayani ay isang kinikilalang tao. Dahil sa ating pagiging matiyaga at matiisin, hindi tayo madaling sumuko o tumanggap ng pagkatalo at kabiguan. Madalas likas nating iniuugnay sa sarili ang anumang mabuting layunin bilang namumuno, kaugnay nito ay ipagtanggol ang mga mahihina at naaapi. Upang ipagtanggol ang ganitong likas na karangalan ng ating pagkatao, tayong mga Pilipino ay handang mag-alay maging ng ating buhay.
Si Jesus bilang Kristong Hari ay lubos na nakatutugon sa Pilipinong mapagpahalaga sa mga bayani. Bilang ipinanganak na mapanuri sa lipunan, nakikita natin si Jesukristo bilang Mananakop ng daigdig sa pamamagitan ng Kanyang misyon bilang propeta, hari at pari (PCP II 57 - 61). Naparito si Jesus bilang sugo ng Ama, upang tuparin ang kalooban ng Ama (Juan 5: 30). Isinugo Siya “upang ipangaral sa mga dukha ang Mabuting Balita, upang ipahayag sa mga bihag na sila ay lalaya at sa mga bulag na sila’y makakakita, upang bigyang-kaluwagan ang mga sinisiil” (Lukas 4:18). Bagaman Siya mismo ay isang “tandang hahamakin” (Lukas 2:34), dinala Niya ang Kaharian ng Diyos sa Kanyang bayan sa pamamagitan ng Kanyang pangangaral at mga tanda. Kaya bilang mga nagpapahalaga sa mga bayani, iniluluklok nating mga Pilipino ang larawan ni Kristong Hari. Tinitiyak Niya sa atin na ang lahat ay magiging maayos sa bandang huli. Lubos na nagtagumpay ang Kristong Hari laban sa kasamaan.
Tayo ay mga tagasunod ni Kristo, mga alagad Niya. Ang pagsunod natin sa mga bakas ng Kanyang yapak ay nangangahulugan ng pagbigkas sa Kanyang mga salita, sa pag-ibig sa kapwa at sa bayan sa bisa ng Kanyang pag-ibig, pamumuhay sa bisa ng Kanyang buhay… Ang paghinto sa pagsunod sa kanya ay pagkakanulo sa ating pagkakakilanlan (PCP II 34).
Samakatuwid, ang pagkilos ng simbahan sa larangang “temporal”, kasama na ang pulitika, “ekonomiya o tekniko”, kultura o kalingangan at kalikasan ay likas na kakambal ng Kanyang pagsunod kay Kristo. Higit sa anupaman, “ang pagkilos alang-alang sa katarungan at ang pakikilahok sa pagpapanibago ng sanlibutan ay ganap na lumilitaw na isang mahalagang sangkap ng pagpapahayag ng Ebanghelyo, samakatuwid, ng misyon ng Simbahan para sa kaligtasan ng sangkatauhan at ang paglaya nito sa lahat ng mapangaping kalalagayan” (Synod of Bishops, 1991 Justice in the World). Nitong mga nakaraang panahon, nagiging malalim sa kamalayan ng Simbahan na tinatawag ni Kristo ang lahat ng Kristiyano hindi lamang sa “personal” na pagbabago ng puso at isipan. Tinatawag rin Niya tayo sa panlipunang pananagutan, na kumilos para sa pagpapanibago ng ating mga pamayanan sa pamamagitan ng pag-ibig, katarungan, katapatan, kapayapaan at kalayaan (KPK 1135).
Antas ng pulitika
Bilang pagsunod sa Ikalawang Konsilyo Vaticano II, naglahad ang Ikalawang Konsilyo Plenaryo ng Pilipinas (PCP II) ng mga pangkalahatang alituntunin na papatnubay sa ugnayan ng Simbahan sa sambayanang pampulitika (GS 74 - 76; PCP II 330 - 353). Ang kasarinlan ng pamunuang pampulitika sa pagkilos tungo sa kabutihan ng nakararami ay kailangang ipatupad sa sakop na hangganan ng moral na kaayusan. Ang gampanin ng Simbahan ay isang mapanuring pakikiisa sa pamahalaan sa pagtatanggol ng moral na kaayusan. Bilang isang mabuting tuntunin na susundin, iminumungkahi ng PCP II na ang mga pari ay magkaroon ng kakayahan sa prinsipyong moral na gumagabay sa pulitika, habang ang mga laiko ay magkaroon ng kakayahan sa aktibo at tahasang pakikilahok sa pulitikang may kinikilingan (PCP II 342). Ngunit “ang kaparian, mga relihiyoso at mga laiko ay kinakailangang makilahok sa larangan ng pulitika kung ang nakasalalay ay ang mga pagpapahalagang moral at maka-ebanghelyo” (PCP II 344).
Maayos na nilagom ng PCP II ang mga katotohanang kailangang gumabay sa pakikilahok ng Pilipinong Kristiyano sa buhay-pulitika:
· ang pangunahing sukatan ay ang pagtatamo ng kapakanang panlipunan; · na nakikilala sa pamamagitan ng pagtatanggol at pagtataguyod sa katarungan; · pinag-aalab at ginagabayan ng diwa ng paglilingkod; · pinupuspos ng pag-ibig sa pagtatangi sa mga dukha; at · upang ang sambayanang binigyan ng kapangyarihan ay maisagawa bilang isang proseso at isang mithiin ng gawaing pampulitika (PCP II 351).
Kailangang sikapin ng mga Katoliko na punan ang kaayusang pampulitika ng pangkalahatang pagpapahalaga sa kaisahan na nagbubunsod sa aktibo at mapananagutang pakikilahok ng lahat sa buhay lipunan.
Antas ng “ekonomiya o tekniko”
Ang paggawa ay isa sa mga katangiang ipinagka-ibang tao sa ibang mga nilikha sapagkat ang paggawa ay palatandaan ng taong kumikilos sa loob ng sambayanan ng mga tao (Laborem Exercens, LE panimula; CCC 2427). Ito ay hindi lamang pantaong karapatan, kundi ito rin ay “isang obligasyon, isang tungkulin ng tao” (LE 16). Tayo ay may moral na tungkuling gumawa; una, upang mapanatili at mapaunlad ang ating pagkatao, ayon sa plano ng Manlilikha; at ikalawa, ang paggawa ay isang pinagmumulan ng tulong at pagtataguyod sa ating mga pamilya, sa ating bayan at sa buong sangkatauhan.
Sa antas na ito ng paggawa ng tao, “ang pangunahing batayan sa kahalagahan ng paggawa ay ang tao mismo, na siyang taga-ganap nito” (LE 3 - 6; PCP II 316). Ang “paggawa ay para sa tao, at hindi ang tao ang para sa paggawa” (LE 6). Sa huli ay ang tao pa rin ang siyang laging layunin ng paggawa. At kapag mas pinahalagahan ang kahit anupaman maliban sa dangal ng taong gumagawa, kailangan itong masusing tingnan, pag-aralan at pag-ukulan ng pansin upang muling maibalik ang tama at wastong antas ng pagpapahalaga sa larangan ng paggawa – itinataguyod ang dangal at karapatan ng bawat manggagawa bilang pinakamahalaga.
Ipinahayag ni Propeta Amos ang matinding pagtuligsa ni Yahweh sa mga tao na habang tumutupad sa mga relihiyosong kapistahan at pamamahinga ng Sabat ay nakikipagsabwatan naman upang kumita ng malaki sa pamamagitan ng pagnanakaw sa iba. “Tataasan namin ang halaga, gagamit kami ng maling takalan at dadayain namin sa timbang ang mga mamimili. Sa halaga ng isang pares na sandalyas, aming bibilhin bilang alipin ang taong dukha. Pati tulyapis ng trigo ay pagbibili namin sa mataas na halaga” (Amos 8:5 - 6).
Antas ng Kultura
Ang kultura ay tumutukoy sa uri ng pamumuhay ng isang sambayanan. Samakatuwid, binubuo ito ng mga balangkas ng ugnayan ng mga kaanib nito sa isa’t isa sa iba’t ibang larangan ng kanilang buhay (“social interactions”), ng kanilang pagkilos (“behaviour”), batas at patakaran ng pagkikipagkapwa, ng wika at iba’t ibang paraan ng komunikasyon. Ngunit ang lahat ng ito ay nakasalalay sa maituturing nating puso ng kultura: ang mga kaisipan, pagpapahalaga at paniniwala ng isang sambayanan. Ang matinding labanan o “drama” sa ating panahon, ayon kay Santo Papa Pablo VI, ay ang “diborsiyo” ng pananampalataya at kultura”. Kaya nga, idinugtong na ang hamon sa Simbahan ay ang “Ebanghelisasyon ng mga kultura sa buong mundo” (EN 20).
Hindi sapat na baguhin ang mga balangkas ng pulitika at ekonomiya sa Pilipinas upang mapabuti ang buhay sa ating bansa dahil ang mga kabutihan at kasamaan na umiiral sa ating bayan ay nakaugat at bumubukal sa puso ng ating kultura (Pastoral Exhortation on Philippine Culture 2). Mahalaga sa ating mga Pilipino, ang pamilya at maayos na pagsasamahan; kaya nga lagi nating isinasa-alang-alang sa ating pagkilos ang hiya, pakikisama at utang na loob. Ngunit, mapapansin natin na sa mga ito rin nakaugat ang palakasan at “sistema” ng “patronage” na nagdudulot ng maraming pang-aapi sa larangan ng ekonomiya at pulitika. Kailangan din nating harapin ang katotohanan na patuloy at mabilis na binabago ang ating kinagisnang kultura ng “globalization and urbanization” sa pamamagitan ng mga makapangyarihang “instrumento” nito; tulad ng diyaryo, radyo, “cellular phones, telebisyon at internet. Bunga nito, naging bagong sangkap ng ating kultura, lalo na ang kultura ng mga kabataan, ang halaga ng personal na kalayaan, personal na kaganapan, personal na kaisipan at paniniwala. Tila baga, wala ng pangkalahatang halaga at batas na makapagtuturo sa tao sa kanyang gagawin; bagkus, ang hanap-hanap ng marami ay yaman at lahat ng mga material na bagay na kaya nitong bilhin.
Hinihingi ng tunay na pagpapahalaga sa dangal at kalayaan ng tao, ang kabayanihan sa antas ng kultura. Kailangan natin ang sama-samang pagsusuri sa ating kasalukuyang kultura sa liwanag ng pananampalataya. Gayundin, kailangan nating gamitin ang lakas ng makabagong “mass media” para sa pagpapanatili ng tama at pagtutuwid ng mali sa ating kinagisnan at nagbabagong kultura.
Antas ng kalikasan
Bilang karagdagan, nauunawaan natin na sa kasalukuyan ay kailangan ang paggalang sa dangal ng tao at karangalan ng sangnilikha (CCC 2415). Hinihikayat ng PCP II “ang maalab na pangangalaga sa ating daigdig at kapaligiran”. Nagaganap ang pagkawasak ng kapaligiran sa kasakiman ng malalaking mamumuhunan (dayuhan at “local”) at pangangailangang mabuhay ng mga maralita. Ngunit ang higit na kasalanan laban sa karangalan ng sangnilikha ng Diyos ay ang kawalan natin ng “responsibilidad” sa pangangasiwa nito na nagdudulot ngayon ng iba’t-ibang pinsala sa atin (baha, tagtuyot at iba pa). Sa madaling salita, kinikilala natin ngayon, na di tulad ng dati, ang moral na pangangailangan para sa mapananagutang pamamahala sa ating likas na yaman. (PCP II 321-24)
|
* Best viewed with
| With 800x600 resolution
for better results. | ®All Rights Reserved Diocese of Balanga 2004
Comments, suggestion & Inquiries email the webmaster