|
PAG-ANTIG SA DIWA NG KRISTIYANONG PAGPAPAKASAKIT
I. ANG KATURUAN
Ibat-ibang Mukha ng Pagdurusa
Kasing-tanda na ng pagsisikap ng tao na unawain ang dahilan ng kanyang pag-iral ay ang pagsagot niya sa katanungang, “Bakit may pagdurusa sa mundo?” Ang pagdurusa ay may ibat-ibang mukha; ang kamatayan ng isang minamahal, ang bigat ng paggawa, ang lumalaganap na kawalang-katarungan, ang di-pagkakapantay-pantay ng tao, ang kakulangan sa pagkain, ang pagkabigo sa pagmamahal at ang ibat-ibang trahedya ng buhay. Ito ay mga katotohanang nagtutulak sa atin na magtanong, hindi lamang tungkol sa kadahilanan ng pag-iral ng pagdurusa kundi pati na rin sa pag-iral ng isang Makapangyarihang Diyos.
Ang mga pagdurusang ito ay nakikita natin bilang mabigat na pasanin na binubuhat natin sa ating mga balikat. Ang pagdurusa ay krus na ating binabata at tinitiis. Sa pagtatangka ng tao na ipaliwanag at bigyan ng kahulugan ang mga pagdurusang kanyang binubuhat, ibat-ibang pag-unawa ang ibinibigay natin sa mga krus na ating binabata.
Una, ang krus ay maaaring maunawaan bilang parusa sa ating mga kasalanan. Ito marahil ang dahilan kung bakit marami sa ating mananampalataya ang nagpaparusa sa kanilang sarili. Tuwing Mahal na Araw, napakarami ang nagsusugat sa kanilang mga sarili, nagpapapalo sa kanilang mga katawan, at ang iba ay nagpapapako pa sa krus. Nakikita nila ang pagdurusa bilang pagbawi sa mga maling ginawa nila sa buong taon. Ang ganitong pananaw ay mahirap iwasan. Maging sa Lumang Tipan ang pagdurusa ay kadalasang inuunawa bilang parusa sa kasalanan.
“Kung ang isang anak ay matigas ang ulo, at ayaw makinig sa payo ng mga magulang , siya ay dadalhin ng kanyang mga magulang sa pintuang-bayan at ihaharap sa matatanda. Ang sasabihin nila, ‘Matigas ang ulo ng anak naming ito; lagi kaming sinusuway at ayaw makinig sa amin. Siya ay lasenggo at nilulustay an gaming kayamanan.’ Pagkatapos, babatuhin siya ng taong-bayan hanggang mamatay. Ganyan ang inyong gagawin sa masasamang tulad niya.” (Deut. 21:18-21a)
Tunay nga, ang krus ay nilikha upang parusahan ang mga masasamang-loob, mga magnanakaw at yaong nagtatangkang pabagsakin ang pamahalaan. Sa lantay na pagtingin sa kasaysayan si Jesus mismo ay ipinako sa krus sa pagbibintang na Siya ay rebelde. Ngunit alam natin na si Jesus ay ipinako sa krus kahit Siya ay walang bahid-dungis. Kung lahat ng nagdurusa ay nagkasala, ang paliwanag na ang krus ay parusa ay magiging sapat na. Ngunit batid natin na marami sa ating dinaranas na pagdurusa ay hindi dulot ng sarili nating kasalanan. Nandiyan ang mga pagdurusa ng mga walang kamalay-malay na mga paslit sa lansangan, ng mga sanggol na nagbabata na ng mga sakit mula pa sa kanilang pagkakasilang. Ito ang kadahilanan kung bakit ang krus ay hindi lamang basta parusa sa kasalanan.
Ikalawa, ang krus ay pagsubok sa ating katatagan sa pananampalataya. Ang pag-unawang ito ay matatagpuan din sa Banal na Kasulatan. Sa Aklat ni Job, sinubok ang pananampataya ni Job sa ibat-ibang pagdurusa na kanyang dinanas. Nawala ang kanyang ari-arian, namatay ang kanyang mga anak at maging ang kanyang katawan ay nakaranas ng sakit. Sa kabila nito, nanatiling tapat si Job sa Diyos. Sa Mabuting Balita, maging si Jesus ay sinubok din, sa disyerto at maging sa halamanan ng Gethsemane. Sa mga pagkakataong ito, napagwagian ni Jesus ang pagsubok na Kanyang hinarap, tanda ng Kanyang katapatan sa Ama. Nalagpasan nga ni Jesus ang mga pagsubok na ito. “Ngunit bakit kailangan pa Niyang mamatay sa krus?” Kung ang krus ay pagsubok ng Ama, maaari itong lumikha ng larawan ng isang Amang sobra ang higpit sa Kanyang anak sa pagtuturo upang hayaan pa itong maghirap at mamatay. Maging ang paliwanag na ang krus ay pagsubok lamang ay mahirap tanggapin kung ang pagdurusa ng tao ay higit na sa kaya pang tanggapin ng kanyang katinuan. Kung gayon, nangangailangan ng isa pang pananaw ukol sa krus.
Ikatlo, ang Krus ni Jesus ay hindi lamang pagsubok at lalong higit, hindi ito pagpaparusa sa Kanyang kasalanan. Ang Krus ni Jesus ay ang tugon ng Diyos sa katanungan ng tao, “Bakit nagdurusa ang mga mabubuting tao at ang mga walang kamalay-malay na paslit sa mundo?”. Ang Krus, na inaakala nating “kahangalan ng Diyos,” sa mga Sumasampalataya, ay ang “kapangyarihan at karunungan ng Diyos” (1 Corinto 1,24-25). Ito ang misteryo ng ating pananampalataya. Sa krus, hindi pinaliwanag o winakasan ni Jesus ang pagdurusa ng tao sa mundo, kundi sa pagyakap Niya sa paghihirap at kamatayan, ibinunyag Niya sa atin kung hanggang saan ang kahandaang gawin ng Diyos para ganap na maki-isa sa taong nagdurusa. Sa krus, naging ganap ang pakiki-isa ng Diyos sa tao at ang pakiki-isa ng tao sa Diyos. Sa ganitong pagtingin, ang Krus ni Jesus ay ang naging daan ng kaligtasan ng tao at pagkakamit ng buhay sa piling ng Diyos. Sa ganitong pag-unawa ang Krus ni Jesus ay pagtubos sa makasalanang kalagayan. Kaya nga, ang turo ni San Pablo,
“Magpakababa kayo tulad ni Cristo Jesus: Na bagamat Siya’y Diyos, Hindi nagpilit na manatiling kapantay ng Diyos. Bagkus, hinubad Niya Ang lahat ng katangian ng pagka-Diyos, Nagkatawang-tao at namatay na isang alipin. Nang maging tao, Siya’y nagpakababa at naging masunurin Hanggang kamatayan, Oo, hanggang kamatayan sa krus. Kaya naman, Siya’y itinampok ng Diyos At binigyan ng pangalang Higit sa lahat ng pangalan. Anupa’t ang lahat ng nilalang na nasa lupa, At nasa ilalim ng lupa ay maninikluhod At sasamba sa Kanya At ipapahayag ng lahat na si Jesu-Cristo ang Panginoon, Sa ikararangal ng Diyos Ama.” (Filipos 2: 6-11)
Ang Pagpapakasakit ni Jesus
Una, nang inihain ni Jesus ang Kanyang buong pagkatao, ang kanyang “OO” bilang hain at handog. “Nakita ni Hesus ang Kanyang pagpapakasakit at kamatayan bilang mapangtubos, ang Kanyang sukdulang paglilingkod sa Kaharian.” (KPK 563) Ang kaisipan ng “pagtubos” ay nagkaroon ng bagong kahulugan kay Kristo. Noong gabi ng Paskuwa, habang pinagsasaluhan ng mag-anakang Hudyo ang korderong pampaskuwa ay inihain Niya ang Kanyang sarili bilang Korderong pagsasaluhan ng mga Apostol. “Sapagkat ang Anak ng Tao ay naparito, hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod at ibigay ang kanyang buhay sa ikatutubos ng marami.” (Marcos 10: 45)
Wala Siyang pinanghawakang posisyon sa mga samahang pang-relihiyon sa Israel; subalit ayon sa Sulat sa mga Hebreo, Siya ang kaisa-isa at bukod-tanging tunay na Pari sa mundo, sa buong kasaysayan ng sangkatauhan. Sa lantay na pagtanaw sa kasaysayan, ang kamatayan ni Kristo ay isang napaka-ordinaryong pangyayari. Siya ay nahatulang mamatay dahil sa lantarang pagsalungat sa Emperyong Romano. Gayunpaman, sa pagtingin dito, gamit ang mata ng pananampalataya, ang kamatayan ni Jesus ang nag-iisa at natatanging ”liturhiya” ng daigdig na nilahukan ni Jesus nang kusang-loob at hayagan sa mundo. Ito ay pinapangyari Niya sa harapan mismo ng Diyos. Siya ay nag-alay, hindi ng bagay, hindi ng dugo ng mga hayop o anupamang makalupang hain – kundi ng Kanyang mismong sarili (Hebreo 9:1ss) nang malaya at may pag-ibig. Ang paghahandog Niya ng sarili nang malaya at may pag-ibig ay ang tunay na pagsamba, ang tunay na pagpapakasakit ng buong sangkatauhan. Tinanggap Niya mula sa mga kamay ng tao ang mga susunuging handog at ang ipinalit Niya dito ay ang inihandog na sarili.
“Minsan lamang pumasok si Kristo sa Dakong Kabanal-banalan, at ito ay sapat na. Hindi dugo ng mga kambing o bisiro ang Kanyang dalang handog, kundi ang sariling dugo, sa ikapagpapatawad ng kasalanan natin.” (Hebreo 9,12) Ang Kanyang dugong handog ay isang malinaw na pagpapahayag ng Kanyang buung-buong pagsuko at paglilingkod. Ang dugo ay kumakatawan sa katotohanang iniaalay Niyang walang labis at walang kulang ang Kanyang buong sarili. Sinasabi sa Sulat sa mga Hebreo na ang ganap na pagsuko Niyang ito ng buo niyang sarili sa pag-ibig ay ang tunay na paraan kung paanong ipinapagkasundo ng Diyos ang mundo sa Kanyang sarili. Wala nang iba pang pagsamba kundi ang pag-aalay na ginawa ni Jesus. Wala nang iba pang Pari kundi si Jesus.
Gayunpaman, ang pagyakap ni Jesus sa krus, bilang paghahandog ng Kanyang sarili sa Diyos at sa tao, ay hindi lamang tanda ng pagibig Niya sa Ama kundi tanda rin ng pagmamahal ng Ama sa atin (KPK 560 - 562). Sa krus, lantarang ipinakita sa atin ni Jesus ang puso ng Ama. Ang pagdurusa ay bunga ng kasalanan ng taong nilikha ng Diyos na malaya dahil hangad Niyang makipag-ugnayan sa Kanya ang tao sa espiritu ng pag-ibig. Sa krus, ipinakita ni Jesus ang Amang nagdadalamhati, nagdurusa at nakiki-isa sa pagpapakasakit at kamatayan ng tao. Dahil dito, turo ng Sulat sa mga Hebreo:
“Magpakatatag tayo sa ating pananampalataya, yamang mayroon tayong dakilang Saserdote na pumasok sa kalangitan sa harapan ng Diyos, walang iba kundi si Jesus na Anak ng Diyos. Ang dakilang Saserdote nating ito ay naka-uunawa sa ating mga kahinaan sapagkat sa lahat ng paraa’y tinukso Siyang tulad natin, ngunit hindi nagkasala. Kaya’t huwag na tayong mag-atubiling lumapit sa trono ng mahabaging Diyos at doo’y kakamtan natin, ang habag at kalinga sa panahong kailangan natin ito”. (Hebreo 4: 14-16)
Hindi tayo kailaman nag-iisa sa mga panahon ng pagdurusa. Ngunit, hindi nagtatapos sa kamatayan ang pakiki-isa sa atin ng mahabaging Diyos, sapagkat sa muling pagkabuhay ni Jesus, ipinahayag sa atin na ang kamatayan ay hindi ang katapusan kundi ang pinto patungo sa maluwahating buhay sa piling ng Diyos kung saan “walang nang kamatayan, dalamhati, pag-iyak, at sakit sapagkat lumipas na ang mga dating bagay” (Pahayag 21: 4).
Ang Ating Pagpapakasakit
May isang “sekular” na kahulugan ang salitang pagpapakasakit. “Ang katagang ito ay ginagamit din sa mga pangkaraniwang kalagayan at maaaring mangahulugan ng pagkakait ng anumang bagay sa sarili para sa isang layunin, mabuti man o masama, kapita-pitagan o hindi.” (New Dictionary of Catholic Spirituality NDCS, 845). Tunay nga na binibigyan ng tao ng kahulugan ang kanyang pagdurusa bilang pagpapakasakit para sa isang layunin, isang paninindigan, para sa isang minamahal sa buhay o para sa pagbuti ng kanyang pamumuhay. Kung ang pangkaraniwang pagtingin sa pagpapakasakit ay i-uugnay natin at iyayakap sa pagpapakasakit na ginawa ni Kristo, ang pakahulugan dito ay lumalalim at nagkakaroon ng bagong-anyo. Naka-ugat sa kahulugan ng pagpapakasakit ni Jesus, ang lubos na pagsuko Niya ng buo Niyang sarili, sa pag-ibig sa Kanyang Ama at pag-ibig sa atin. Kung gayon, ang ating sakripisyo ay tumutukoy sa palagiang pagsusumikap na “magbukas nang lubusan sa Diyos sa pagpapaubaya ng sarili,” sa kalayaan at pag-ibig. Kung pagyayakapin ang lantay na pag-intindi at mas malalim na Kristiyanong pananaw, ang sakripisyo ay nangangahulugang pagsasa-isantabi, pagsuko sa mga bagay na humahadlang sa ating ganap na pagpapaubaya ng sarili sa Diyos at sa ating kapwa, sa pag-ibig at pakikipagka-isa. Mangangahulugan din ito ng pagsuko ng anumang hadlang sa lubusang paghahandog ng sarili para sa mga layunin ng Diyos at para sa paglilingkod sa kapwa na walang pag-iimbot at buong katapatan.
Sa Unang Aklat ni Samuel, sa kanyang pangaral kay Haring Saul, kanyang sinabi, “Akala mo ba’y higit na magugustuhan ni Yahweh ang handog at hain kaysa sa pagsunod sa Kanya? Ang pagsunod sa Kanya ay higit sa handog, at ang pakikinig sa Kanya ay higit sa haing taba ng tupa.” (1 Samuel 15: 22). Hindi kailangan ng Diyos ang pagsamba at ritwal, o anumang gawaing makatao, o mga kambing at bisiro at anupamang maaaring ialay sa Kanya bilang susunuging handog. Sa halip, ang hinahanap ng Diyos ay ang walang-pasubali at walang pag-aalinlangang pag-“OO” sa Diyos. Ginawang malaya ang tao na tumugon ng “OO” o “HINDI”, malayang magmahal o tumanggi. Ang “OO” ng pagmamahal ang tanging hinihintay ng Diyos. Ang kusang pag-“OO” ng pag-ibig ang natatanging pagsamba, ang natatanging pagpapakasakit na maaaring magkaroon ng kabuluhan sa mata ng Diyos. Ang pag-“OO” sa Diyos, kung saan muling ibinabalik ng tao ang kanyang sarili sa Diyos, ay hindi mapapalitan o mapapangatawanan ng anumang dugo ng ating mga alay. Walang makahihigit sa paghahandog ng buong sarili, sa “OO” ng kalayaan at pag-ibig ng isang tao. Ang Kristiyanong pagpapakasakit ay pagiging ganap na bukas upang tumanggap tayo ng mga biyaya ng Diyos sa atin at sa pamamagitan nito ay makilala Siya bilang bukod- tanging Panginoon. Ang Kristiyanong pagpapakasakit ay ganap na pagpapaubaya ng sarili sa Kanya, ang ating “fiat”, “Maganap sa akin ayon sa wika mo.” Hayaan ang Diyos na kumilos sa atin. Ang ating pagpapakasakit ay nagkakaroon ng kahulugan kung tayo ay nakikipag-isa sa pagpapakasakit ni Jesus.
Ang Pagpapakasakit at Kristiyanong Misyon
Sa liwanag ng pag-unawa sa pagpapakasakit ni Kristo, dapat nating unawain ang ating pakahulugan sa ating mga pagpapakasakit, sa ating paghahandog ng sarili. “Sa landas ng pagpapakabanal, iminumungkahi ng layunin ng pakikipagkaisa sa Diyos ang pagpapaubaya bilang mas angkop na kataga para sa pag-aalay ng sarili kung saan hinahangad ang pakikipagkaisa sa Diyos.” (NDCS 845) Ang pagtalikod sa sarili ay dumadaloy mula sa Kristiyanong diwa ng pagiging aba, at hinihingi ng diwa ng pagpapaubaya – laban sa pagiging mapang-angkin (makasarili), na pumipigil sa pagtubo ng biyaya at pag-ibig. Ang diwa ng pagiging aba ay humihingi ng pagtalikod sa sarili. Ngunit ang pagtalikod sa sarili ay makuhuluagn lamang kung ito ay nakaugat sa pag-ibig. Pangunahin sa Kristiyanong buhay-alagad ay pag-ibig, pagmamahal at paglilingkod sa Diyos at kapwa. Kailangan ang pagtalikod sa sarili upang tayo’y matutong umibig, umibig nang tunay, umibig nang mabuti.
Nang dahil sa pagkakasala nagkakaroon tayo ng kahiligang ituon ang ating mga pagnanasa at kilos sa pag-ibig sa sarili. Kahit ang ating mga gawaing pang-relihiyon ay maaaring matuon sa pansariling pakinabang. Kung gayon, kailangan nating laging sanayin ang ating sarili na magapi ang labis na pagpapahalaga sa sarili at ituon ito sa pagmamahal at paglilingkod sa kapwa. Sa pamamagitan ng pag-“HINDI” sa sarili, mas magiging handa tayo sa pag-“OO” sa ating kapwa at sa kanilang mga pangangailangan. Sa kusang pagtalikod sa sarili, maaari tayong umunlad at maging lalong mapagmahal, lalong mapagmalasakit, lalong mapaglingkod sa Diyos at sa kapwa. Sa gayon, maaari din tayong umunlad sa diwa ng pagbabahaginan at pakikipagka-isa na kalakip ng diwa ng pagiging aba, at bahagi ng Kristiyanong pagmamahal. Maaari tayong matutong “mabuhay na wala,” at ariin ang nasa atin, sa paraang di-makasarili bagkus ay mapagkaloob, na nababagay sa mga tunay na lingkod ng Diyos.
Paulit-ulit, itinuro ni Jesus sa Kanyang mga alagad na kaakibat ng pagsunod sa Kanya ang pagbatá sa krus, “Ang hirap na babatahin ko’y babatahin nga ninyo…” (Marcos 10, 39) Itinuro Niya sa kanila na ang pagsunod sa Kanya ay pagtalikod sa sariling buhay upang “matagpuan ito.” Hindi sila sinabihan ni Jesus na hangarín ang pagdurusa kundi ang tanggapin ang hatid sa kanila ng buhay at ng kanilang misyon sa buhay, at ang batahín ang kanilang mga tiisin at dusa bilang pakikipagkáisa sa Kanya . “Kung ibig ninumang sumunod sa akin, limutin niya ang ukol sa kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus at sumunod sa akin.” (Marcos 8,34) Kung gayon, ang mga pasakit na hatid ng kanilang mga pangkaraniwang buhay sa kanila, mga pasakit na dulot sa kanila ng mga pangyayari at ng mga kapwa-tao, ay maaaring i-ugnay sa mga pasakit na tiniis ng Panginoon. Kaakibat ng lahat ng makataong pamumuhay at pag-unlad, ang paghihirap, pakikibaka, at pagdurusa na pinagdadaanan ng lahat at ng buong sangkatauhan ay maaaring i-ugnay sa mga pasakit na tiniis ng Panginoon. At kung gayon, matatanggap ng Kanyang mga alagad ang kanilang sariling mga pagdurusa at ma-iuugnay ito sa misteryo ng gawaing pagtubos ni Jesus.
Tunay nga na may mga pasakit at pagdurusa tayong dapat harapin at tiisin sa pagtalima sa ating misyon. Kasangkot sa pakikibaka para sa katotohanan, kalayaan, katarungan, tunay na kapatiran sa lipunan at makataong kasaysayan sa mundong ito ng kasalanan at kasamaan ang mga hirap, pasanin, dusa, pati na kamatayan, katulad ng kay Jesus. Ang Kristiyanong patotoo sa pamamagitan ng pagbububo ng dugo ay lubusang pagsunod kay Hesus kahit hanggang kamatayan, “alang-alang kay Hesus” at alang-alang sa Kaharian. Ang buhay ni Maria at ng mga Banal ay mabisang huwaran sa pagsasabuhay ng Kristiyanong Pagpapakasakit.
|
* Best viewed with
| With 800x600 resolution
for better results. | ®All Rights Reserved Diocese of Balanga 2004
Comments, suggestion & Inquiries email the webmaster