|
|
NEW YORK REFLECTIONS #3
ISANG IBON, DALAWANG IBON, MARAMING IBON
Nakakagulat talaga
Sa gitna ng lunsod
Na gitna na daw ng mundo
Maraming ibong nagliparan.
Isang ibon, dalawang ibon
At marami pang ibon
Pangala'y ano nga ba?
A, basta, mga ibon sila.
Malayang lumilipad
Sa maraming kalsada
Kahi't sa likod ng hardin, andiyan ka
Kahi't saan, pati sa paanan ng Birhen ng Hardin.
Naalala ko
Wala palang nga ibong nagliliparan
Sa aking bayang sinilangan
Lunsod man o probinsiya
Bakit kaya
Kailan nagsimulang
Ikulong ka at paglaruan
Sa mga puno'y wala ka?
Pero dito
Kung saan may yelo
O may init na parang apoy
Buhay ka at malaya?
Ayan -
Dumapo ka pa sa paa ko
Di ka ba natatakot
Baka hulihin kita?
Mayo 13, 2005
|
|