|
|
New York Reflections
#2
MGA PAA, MGA PANGARAP
Nagmamadali,
Ang lahat ay nagmamadali
Walanga pakialam sa lamig ng umaga.
Isang bus, dalawang bus
At maraming mga paang nag-uunahan
Patungo sa kung saan-saan
Habang ang mga gusaling
Nag-aambisyong abutin ang langit
Ay piping saksi sa umaga.
Naalala ko si Y
Nag-aambisyon ding abutin ang langit
Ng kanyang pangarap
At tanging hangad ay ang dollars ni Uncle Sam,
Di baleng may double job siya
At apat na oras na lang sa apartment
Na singliit ng comfort room sa Greenbelt Cinema
Nakatingin sa malayo kung minsan
Marahil naalala ang naiwan
Sasabay sa mga paang nag-uunahan
Baon din ang pangarap
Sasakay sa bus, kahit nakatayo at siksikan.
O kalsada,
Saksi ng mga paa at pangarap
Sumigaw ka kung nasasaktan ka
Sa masasakit nilang salita
At mabibigat na pangarap
Ng mga paang naghihintay humimlay
Sa maliliit na kama
Pagsapit ng gabi.
|
|