Volume I Version I   ☼   Today is 

Home Directory Community History Galleries Contact Us
 

 

 

 

 

New York Reflections

By Fr. Jun Villanueva


SAAN KA MATUTULOG PATRICIA?
Agosto 21


Madalas kong tanungin ang aking sarili
Saan ka matutulog Patricia
Kapag ang dilim ay naghari na
O kapag ang yelo ay bumagsak na...

Pero hindi dapat magtanong ng ganito
Kasi may mga shelter for the homeless dito
At malaking diskwento sa gamot at pagkain
At may libreng tirahan pa kamo.

Pero marami pa ring Patricia,
Meron pa ngang George, Josefa at Barbara
Ang nangaglipana
Sa iba't ibang sulok ng lungsod
Mapa-subway man o gilid ng gusali.

Magusing din, mga pulubi
Na bawa't isa ay kasabay na bitbit ang bag
Ng alaala ng kanilang kahapon...

Sa labas, lalo na kapag gabi
Parang dalagang may maningning na perlas
Ang lungsod na ito
Halos mapagkamalan mo na ngang bagong solar system
Sa mga mala-bituing ilaw ng bawa't gusali
Halos mapagkamalan na ngang langit
Sa dami ng nagmistulang ligaw na anghel sa kalsada.
(Diyos ko, sana hindi ganito ang langit...)
Kasi ayon sa iba, langit daw dito.

Pero saan ka nga ba sisilong, Patricia?
Dapat ko bang problemahin ito?
Nagtatanong lang naman
Kasi may mga grupo pa ngang nakikipaglaban
Sa mga karapatan ni Dandrel
At ni Swanky at Ruthsie...

(Si Dandrel ay malaking aso may kwintas na akala ko
Ay bagong uso ng cellphone,
Si Swanky ay pusang kulay abuhin
At si Ruthsie ay isang ibong dati ay ligaw
Pero nakatagpo ng tahanan sa isang Ginoong M.)

Kaya magtatanong ka talaga
Saan ka matutulog Patricia???




More Reflections

 

 
Home Directory Community History Galleries Contact Us

 

* Best viewed with | With 800x600 resolution for better results. | ŽAll Rights Reserved Diocese of Balanga 2004

Comments, suggestion & Inquiries email the webmaster