|
|
DIGMAAN
At muli nilang nilait ang mga Pilipino Sa kanilang debosyon sa Birhen at Santo Ninyo Wala ba daw edukasyon ang Simbahan sa Pilipinas Kontra sa mga ritwal na taliwas?
Sabi ko, meron. Marami. Ang nakikita lang nila ay ang panlabas na kilos Hindi nila kayang arukin ang puso Sapagka’t hungkag din ang kanilang buhay.
Pati pagrosaryo, makaluma na daw Pati pagluhod, sa pagano daw Kaya pala ang pagmimisa nila Parang artista, palabas lamang.
Sa di-kalayuan, ang nakapakong Kristo ay parang tulala Parang malungkot, parang nagtataka Hindi ba’t ang mga bata ay pinagpala Sa isang payak na pagluhod, may biyaya?
Pagkatapos ng misa, mawawala na Kung tutuusin, isang oras lang sa dambana At sabay sa pagtanggal ng sotana Naglaho na rin ang pananampalataya. Kaya pala ganito dito.
Hahanapin ko pa rin Isang simpleng Ama Namin Ang pag-awit ng Gloria Na bagama’t sabi nila ay makaluma;
Tanong ko, alin ba ang makabago Alin ba ang hindi taliwas Kung ikukumpara sa mga patay na pagsamba; Oo nga’t mga nakaporma Parang mga robot na nakanganga.
Walang ugnayan sa bayan Kasi daw mga nagtatrabaho naman Kaya pala nang si Jack ay maghingalo Si father na taga-third world na lang daw ang mag santo oleo.
Maghihintay na lang ng suweldo Tulad ni Mary na taga bangko Kaya pala ang malaking seminaryo Ang laman na lang ay pipito.
Oo, nagagalit ako Kapag nilalait kababayan ko At pati na rin ako, third world na kleriko Hindi ba’t ganoon din si Kristo?
Ika-1 ng Hunyo 2006
|
* Best viewed with
| With 800x600 resolution
for better results. | ®All Rights Reserved Diocese of Balanga 2004
Comments, suggestion & Inquiries email the webmaster