|
|
AT BUMUHOS ANG MALAKAS NA PATAK NG ULAN...
Tulad ng inaasahan Tama ang balita sa ulan Mga isa’t kalahating pulgada lamang Ang papatak sa Manhattan.
Ordinaryo na sa akin ang ulan Kaya ako ay lumabas sa daan Sa Deli Store ni Masan Na Bangladesh ang pinagmulan.
Kaya lang sa loob may nagmumurahan Bakit daw sila pinabayaan Ng Diyos na makapangyarihan Bakit sila inuulan.
Nalungkot ako, hindi sapagka’t ako’y tinamaan Kaya lang naalala ko ang tsunaming nakaraan, Ang lindol at mudslide, mga bagyo’t kasungitan Dinanas ng aking mga kababayan.
Siguro may nagalit din, pero tiyak na walang murahan At ano nga naman ang pakialam ng Makapangyarihan Alangan namang sabihin ng Diyos na May-alam, “Tigil bagyo, tigil lindol, si Petra’y tatamaan!”
Ganito dito ang karamihan Kapag ang panahon ay may kasungitan Naalala ang Diyos na Makapangyarihan “God bless America” lang ang alam.
Akala ng karamihan Ang mga nandito’y dapat palakpakan Oo nga sa teknolohiya’y nasa unahan Kaluluwa naman ay nasa hulihan.
Pero hindi ito panahon ng pagmamayabang Ang pobreng si Pedro, Maria at Juan Ng bansang aking sinilangan Mas malalim, may katinuan.
Hunyo 9, 2006
|
* Best viewed with
| With 800x600 resolution
for better results. | ®All Rights Reserved Diocese of Balanga 2004
Comments, suggestion & Inquiries email the webmaster