Volume I Version I   ☼   Today is 

Home Directory Community History Galleries Contact Us
 

 

 

 

 

New York Reflections

By Fr. Jun Villanueva



BASTA GANOON LANG...
hulyo 22


Basta ganoon lang,
Makinig ka lang
Sa usapang Pinoy
Bahala ka na kung maawa ka
Maiyak man o matawa,
Makinig ka na lang.

Una, ang talagang pangalan niya
Ay Anastacia, o di ba kay ganda?
Pero kapag dayuhan ang kaharap niya
Siya ay si EN, hindi Ann, kundi EN.

Ikalawa, si Bridgette Dimaculangan
Ang alam ko, Brigida ang tawag sa kanya
Pero sa kuwentuhan, siya ay si Bridgette
At O'Connor na ang apelyido niya.

O kaya si Tomas, Tom na siya ngayon
At kapag tinatanong siya ng mga puti
Kung "How are you today?"
Dinig ko ay "GED", sagot niya,
Tipong "good" na pinilipit ang dila
At naging "Ged", na may tono pa.

O kaya ay si Josefina
Na kapangalan pa ng kaklase ko
Siya ngayon ay si Jasmine
Kahi't magdududa ka
Kung noong 1925 ay may Jasmine na
Sa itsura niya, at mapinturang mukha
Talagang lola na siyang naka heels pa.

Ewan ko, pero ang alam ko ay summer dito
Pero lagi pa siyang naka winter coat pagsimba
May sombrerong ala reyna ng England
Sabay paypay ng kapiraso ng balikbayan box niya.

O kaya ang pag may narinig ka
Sa loob ng Manhattan Mall nagkukuwenta
Ang katumbas ng dollar niya
Sa pera nating kulelat talaga
Tiyak iyon, may tawad pa
Kababayang nagwiwindow shopping pa.

Basta masabi lang na New Yorker na siya
Kaya labas na rin pusod niya
May drawing pa o tattoo pala
Ng king of hearts sa baraha niya.

Kapag ang sunglass ay nasa buhok niya
Tatlong bag ang dala-dala
May shoulder bag pa at cell phone sa kaliwa
At medyo naagnas na lipstick na parang nabura
Ng hamburger o laway kaya niya
Sa malaking signboard biglang titingala
Sabay ilag, baka kakilala ka pa niya.

Basta ganoon lang
Tumayo ka lang sa tapat ng Ports Authority
Sa kanluran ng 42nd Street ng Manhattan
Magsasawa ka sa mga kababayan
At baka bigla ka pang tawaging "Pader!"




More Reflections

 

 
Home Directory Community History Galleries Contact Us

 

* Best viewed with | With 800x600 resolution for better results. | ŽAll Rights Reserved Diocese of Balanga 2004

Comments, suggestion & Inquiries email the webmaster