Volume I Version I   ☼   Today is 

Home Directory Community History Galleries Contact Us
 

 

 

 

 

 

ANG LAYUNING PANGARAP NG DIYOSESIS NG BALANGA

 

Ang panawagang hamon na “Bataan: Bayani at Banal” ay naisapuso na ng nakararaming Katoliko sa Bataan. Nakapaloob sa hamong ito ang tungkulin ng bawat Katoliko na maging banal na anak ng Diyos at bayaning mamamayan para sa bayang Pilipino.

 

Ang pagiging bayani at banal ay nakapaloob sa layuning pangarap ng Diyosesis ng Balanga na HERO. Ang HERO ay bayani sa Ingles. Ang apat na titik ng salita ay siyang unang titik ng apat na paraan patungo naman sa kabanalan.

 

 

H ay para sa holiness through prayer and charity; E ay para sa evangelization by all, for all and in all; R ay para sa relationship of love at O ay para sa openness to receive and to give.Samakatuwid, sa iisang salitang HERO ay napag-isa natin ang layuning pangarap na maging bayani at banal.

 

Sa H ay ating ipinahahayag na ang kabanalan ay biyaya ng Panginoon na kailangan nating tangggapin. Ang tanda ng ating pagtanggap sa biyaya ng kabanalan ay ang pagsisikap na manalangin tulad ni Jesus at magmahal tulad din ni Jesus. Ang buod ng kabanalan ay buhay ng pag-ibig. Ang buod ng pag-ibig ay buhay ng paglilingkod. Ang buod ng kabanalan ay buhay ng paglilingkod nang may pagmamahal tulad ni Jesus. Ang buhay ng panalangin na walang kakambal na paglilingkod sa kapwa ay walang laman. Sa kabilang dako naman, ang buhay paglilingkod na walang kakambal na buhay panalangin ay walang ugat, hindi magtatagal at matutuyo.

 

Sa E ay pinaninindigan natin na walang bayani at banal kung walang pagpapahayag ng Mabuting Balita. Ang atas na ipangaral at isabuhay ang Mabuting Balita ay tinanggap natin noong tayo ay binyagan. Ang bawat Kristiyano ay katekista. Ang bawat Kristiyano ay alingawngaw ng tinig ng Mabuting Balita. Ang Mabuting Balita ay para sa lahat. Walang kinikilingan at walang iniiwasan. Ito ang nais ipahiwatig ng salitang Katoliko-pangkalahatan. Higit sa lahat, ang Mabuting Balita ay dapat ilapat sa lahat ng mukha ng buhay ng tao- pananalapi at pamamahala, kalinangan at kalikasan, kasaysayan at kinabukasan. Walang mukha ng buhay tao na hahayaan nating maging dayuhan sa Mabuting Balita.

 

Sa R ay ipinahihiwatig natin na ang Simbahan ay bayan ng Diyos. Ang batas ng ugnayan na bayang hinirang ng Diyos ay pag-ibig o “communio”. Walang puwang para sa pataasan o pagtutunggali para sa kapangyarihan. Ang pinakadakila ay dapat na lingkod ng lahat. Ang simbahan ay hindi isang samahan para sa pananalapi o politika. Ang batayan ng lahat ng ating ugnayan ay pag-ibig sa Diyos at pag-ibig sa kapwa. Hindi mahalaga sa atin ang katayuan, mataas man o mababa. Bagamat iba’t iba tayo ng Gawain, tayong lahat ay pantay pantay na anak ng Diyos na dapat magmahalan.

 

Ang O ay ating panawagan na manatiling bukas ang puso, isip at palad. Ang pagiging bukas puso ay tanda ng kagandahang loob. Ang pagiging bukas isip ay susi sa tunay na katalinuhan. Ang pagiging bukas palad ay sagisag ng pagbibigay na walang hinihintay na kapalit maliban na lamang sa katiyakang ang ginagawa ay kalooban ng Diyos. Pangunahin ang atas na maging bukas upang tumanggap, sapagkat ang simula ng buhay kaluluwa ay pangtanggap sa Diyos. Diyos ang pinagsisimulan ng lahat. Anumang mabuting ating gawin at tugon lamang sa dakilang pag-ibig na mula sa Diyos. Wala tayong maihahandog na hindi galing sa Diyos maliban sa kasalanan. Ang lahat ay bunga ng awa ng Diyos.

 

Ito ang ating layuning pangarap. Bataan, peninsula ng mga bayani at banal ayon sa kalooban ng Ama at ayon sa mayamang kasaysayan ng ating lalawigan. Ang ating hamon at pangarap. HERO!

 

 

 

 

 
Home Directory Community History Galleries Contact Us

 

* Best viewed with | With 800x600 resolution for better results. | ®All Rights Reserved Diocese of Balanga 2004

Comments, suggestion & Inquiries email the webmaster