|
|
MARAMING SALAMAT AKO’Y NAGING PARI!!! Reberendo Padre Robert Lim Del Rosario
Tubong Balagtas, Bulacan, ang paring ito ay minarapat ng Diyos na mapunta sa Diyosesis ng Balanga. Naordinahan siyang Diakono noong Agosto 9, 2006 sa Balagtas, Bulacan, at naglingkod sa iba’t ibang Parokya sa Bataan bilang paghubog sa pagpapari. Bagama’t hindi tubong Bataan, naipaloob niya ang kanyang sarili sa kaparian. Isa lamang sa mga talento niya ang musika. Isa sa mga karisma niya ang kabataan at mahilig din siya sa Liturhiya. Ngayon, siya ay nakadestino sa Limay, Parokya ng San Francisco, bilang katuwang na pari ni Fr. Roy Guila. Ang Limay ang naging pangalawang tahanan ni Fr. Robert sapagkat dito siya unang nadestino noong nag-apply siya sa Bataan bilang Diyosesis na kanyang nais paglingkuran. Si Obispo Socrates Villegas na ang sumang-ayon upang dito mamalagi si Fr. Robert sa kanyang paghubog at paghahanda sa pagpapari.
Ang ordenasyon sa pari ay may mahahalagang kilos at galaw sa loob ng Liturhiya:Ang mga sumusunod na larawan ang nakuhanan upang maipakilala, maipaliwanag, at maunawaan ang nangyayari sa mga sandaling iyon ng Liturhiya.
(1) Ang Pagdapa habang tinatawagan ang mga banal sa Litanya ng Panalangin- nangangahulugan ito ng buong buong pagsuko ng isang hinirang upang ipagkatiwala ang sarili sa Diyos. Kaisa ng Sambayanan ng Diyos ang Obispo ang namumuno sa pagtawag sa mga banal at sa ating Panginoong Hesukristo.
(2) Ang Pagpapatong ng Kamay ng Obispo- Tahimik ngunit malalim na sandali upang igawad ang pagpapari sa isang hirang na lingkod. Ayon pa ito sa kaugalian noong Unang Simbahan sa panahon ng mga apostol sa paghirang ng mga Presbiteryo o matatanda ng bayan upang mamuno sa sambayanan ng Diyos. Kasunod din naman nito ang ibang pari upang ipatong ang kanilang kamay sa ulo ng inoordenahan. Tahimik na nananalangin ang sambayanan sa yugtong ito ng Liturhiya.
(3) Ang Pagpapahid ng Krisma ay ginagawa ng Obispo sa kamay ng inoordenahang pari upang pabanalin at ang mga kamay na ito ang magdiriwang ng Banal na Misa at iba’t ibang sakramento; konsagrasyon ng banal na Katawan at dugo ni Hesus; magbibinyag, magkukumpil; maggagawad ng kapatawaran sa Kumpisal, magbabasbas sa kasal; Pagpapalain ang mga tao; Pagpapahid ng langis sa mga maysakit; at iba’t ibang sakramental ng pagbabasbas. Ang mga kamay ding ito ang pagmamanuhan ng mga tao bilang paggalang at pagtanggap sa kinatawan ni Kristo.
(4) Ang Pag-iipit ng kamay ng Obispo sa kamay ng inoordenahang pari ay ang pangako ng Pagsunod na may kalakip na malalim at matalik ng ugnayan ng pari at ng Obispo. Hindi lamang pangako ng pagsunod ng pari sa Obispo kundi pangako rin ng Obispo na hindi niya pababayaan ang kanyang pari. Kung baga ” Sagot kita, ano man ang mangyari!”.
(5) Ang Pagbibihis ng Damit Pangpari ay tanda ng pagbabago sa kalagayan ng pagkatao ng inordenahan. Ang kasulya at stola ay nangangahulugan na ng masusing pananagutan ng pari sa Bayan ng Diyos. Binibihisan karaniwan ng magulang at ng Kura Paroko ang isang bagong hirang upang ang bagong pari ay ipagkaloob na sa Diyos at sambayanan.
(6) Ang Pagyakap ng Obispo ay isang madamdaming tagpo at pagkilos ng puso upang tanggapin at kilalalin ang bagong orden na pari. Ito rin ang yakap ng kapayapaan. Sa yakap na ito ipinapakilala ng kaparian ang kanilang pagmamahal sa isa’t isa at kay Kristo sa paglilingkod sa Santa Iglesia. Muli itong isinasagawa sa Huwebes Santo sa Misa ng Krisma upang sariwain ang pangako sa Pagpapari at ang kanilang matalik na ugnayan sa Obispo. Sunod-sunod, ang mga pari naman ay isa-isang yayakap sa inordenahang pari.
Mabuhay Fr. Robert, maging Maligaya ka nawa sa pagiging pari ni Kristo!
|
|
* Best viewed with
| With 800x600 resolution
for better results. | ®All Rights Reserved Diocese of Balanga 2004
Comments, suggestion & Inquiries email the webmaster