|
|
PASKO
2004
IYAK

May isang
komunistang bansa na minsan ay ipinagbawal ang panganganak. Itinuring na
isang isang malaking paglabag sa batas ang magkaanak sa bansang ito.
Maraming sumunod. Maraming natakot. May mga hindi nakatiis, at sila’y
nagkaanak. Nang malaman ng Komunistang pamahalaan na may mga nanganak,
walang awa at walang pusong pinatay ang mga sanggol at mga magulang nito.
Dugo at takot ang kulay ng kapaligiran.
Lumipas ang isang
taon, dalawang taon, sampung taon. At wala nang isinilang na sanggol sa
bansang ito, sa pagkakaalam ng pamahalaan. Isang araw, at katulad ng mga
nagdaang araw, magrarasyon ng pagkain sa isang gymnasium. Nakapila
ang mga tao sa loob ng gymnasium, habang sa labas ay patuloy ang
pag-snow. Makakapal ang suot ng bawa’t isa, tahimik sa pila. Sa
lamig, sa takot, sa gutom, hindi halos makita ang lungkot sa bawa’t mukha.
Ang paminsan-minsang sigaw ng mga sundalo at tunog ng ikinakasang baril
ang tanging maririnig. Sa loob ng gymnasium ay halos nakabibingi
ang katahimikan. Habang tinatanggap ang rasyong pagkain ng
humigit-kumulang isang libong tao sa loob, at habang nakaamba ang mga
baril ng sundalo sa mga tao, isang iyak ng sanggol ang narinig at
umalingawngaw sa gitna ng katahimikan ang iyak ng sanggol. Saan
nanggaling ito? Bawal ang manganak dito, di ba? At nagkagulo sa loob ng
gymnasium. Hanap dito at hanap doon ang mga sundalo. Mas maputla
ang mukha ng mga tao. Makakikita na naman sila ng papatayin... At sa
wakas, natagpuan ng mga sundalo ang inang namumutla sa takot habang pilit
na niyayakap ang sanggol niya, tinatakpan ng kanyang dibdib ang bibig ng
sanggol, nanginginig sa takot, di malaman ang susunod na gagawin. Itinago
ng inang ito sa kanyang makapal na damit ang anak, paano nga ba niya
iiwan ito sa bahay? Nagbakasakali siyang makalusot, gutom na siya, gutom
na rin ang anak niya.
At dinala ang ina at
ang sanggol sa gitna ng gymnasium. Nakatingin ang lahat, halos
marinig ang sabay-sabay na buntong-hininga. Pinaikutan na ang mag-ina ng
mga sundalo. Isang utos na lang mula sa commander nila, babarilin
na ang mag-ina. Lumapit ang commander. Dahan-dahan ang paglakad.
At nang malapit na sa mag-ina, biglang sinigawan ang mga sundalo. “Umalis
kayo… hayaan ninyong umiyak ang sanggol. Kay tagal na nating hindi
nakaririnig ng iyak ng sanggol. Pabayaan ninyong umiyak ang sanggol.”
Nagulat ang lahat – ang ina, ang mga tao, ang mga sundalo, habang
papalakas ang iyak ng sanggol na bumasag sa katahimikan sa loob ng
gymnasium. Bawa’t mata’y may luha, bawa’t dibdib ay may kaba. Habang
patuloy na umiiyak ang sanggol. O kay tagal na nga nilang hindi
nakaririnig ng iyak ng sanggol! Simula noon, hindi na ipinagbawal ng
pamahalaang ito ang panganganak. Isang iyak ng sanggol ang nagpalambot sa
matitigas na puso.
Mga kapatid, mahigit
nang dalawang libong taon ang nakalilipas nang isinilang ang isang Sanggol
sa sabsaban. Ang pagdating Niya ay naging bahagi ng propesiya, ng mga
hula at ng mga pangarap ng karamihan. Hindi lamang lampin ang nakabalot
sa kanyang katawan, kundi, nababalutan din ng hiwaga ang Kanyang katauhan.
Paano nga ba Siya naging EMMANUEL – ang Diyos na sumasaatin? Narinig din
ba ng marami ang Kanyang iyak? Sa araw ng Pasko, muli nating balikan ang
isang biyayang naririto lagi sa ating piling – ang pagkakatawang-tao ng
Diyos sa atin. Isinilang ang pag-ibig ng Diyos, ang pinakadakilang handog
sa atin ng Poong Maykapal. Pumasok ang Diyos sa ating mundo noong Unang
Pasko. At patuloy Siyang nakakasama natin, ang Emmanuel.
Sa pamamagitan ng
pagkakatawang-tao ng Salita ng Diyos, naisakongkreto ang salitang Pag-ibig.
Pag-ibig ang dahilan kung bakit nilikha tayo ng Diyos. Pag-ibig ang
dahilan kung bakit ipinadala ang Bugtong na Anak sa sanlibutan. Pag-ibig
ang dahilan kung bakit inialay ng Bugtong na Anak ang Kanyang buhay para
sa atin. Pag-ibig ang dahilan kung bakit patuloy Niya tayong ginagabayan
hanggang sa wakas. Ito ang kahulugan ng Pasko – ang ipagdiwang ang
Pag-ibig na ito, ang maging bahagi ng Dakilang Pag-ibig ng Diyos sa atin,
ang maisalarawan ang Pag-ibig na ito sa ating araw-araw na buhay sa ating
pakikipag-kapuwa. Ang laging ipagdiwang ang pagdating ng Mesisyas.
Hindi ba, mga
kapatid, dapat lang nating laging buhayin ang ningas na ito sa ating buhay,
araw man ng Pasko o karaniwang panahon? Hindi ba mas maganda kung lagi
nating sinusuri ang ating relasyon sa Diyos at sa ating kapuwa?
Gusto mo bang laging
naririnig ang Iyak ng sanggol? Baka nasa loob ng iyong sariling bahay –
nang magloko si Bunso at nalulong sa masamang bisyo, minsan humingi
siya ng tawad? Nang umuwi si Mulo sa bahay, mahina ang loob, wala
pa ring trabaho, nang umiyak si Odet nang namatay ang kanyang
pangalawang anak sa aksidente sa may Lucanin, nang sumigaw ang sambayanan
sa panloloko ng mga nanunungkulan at ginagawa silang bobo sa mga pangako
bago maghalalan, nang umuwi si Jessica galing sa Singapore at
nangakong hindi na iiwan ang mag-anak, nang bumalik si Abet galing
sa hindi malamang kaguluhan sa isip niya at nangakong maglilingkod muli sa
bayan ng Diyos, nang maghawak-kamay tayo sa pag-awit ng “Ama Namin”, at
marami pang iyak ng buhay sa gitna ng atubiling panahon.
Patuloy nating
pakinggan ang bawa’t isa. Patuloy nating balikan at suriin ang mga
pangako nating maging alagad Niya. Patuloy nating palalimin ang kapatiran
bilang mga Anak ng Diyos. Ito ang diwa ng Pasko. Ito ang kahulugan ng
pagbabatian ng “Maligayang Pasko” – ang masayang pagsasa-ngayon ng
Pag-ibig ng Diyos sa ating lahat. Ito ang dahilan kung bakit naririto
tayo ngayon, ang bayan ng Diyos na naghihintay ng pag-ibig ng bawa’t isa.
May higit pa sa pagbabatian sa araw na ito. May malalim na sigaw ang puso
– Pag-ibig! Sa muli nating pagbabatian ng “Maligayang Pasko!”, alalahanin
natin ang unang Iyak sa sabsaban na nagpabago sa takbo ng kasaysayan.
Bawa’t isa sa atin ay may sabsaban na naghihintay ng Muling Pagsilang ng
Pag-ibig. Ipadama natin sa salita at gawa ang Pag-big na ito sa bawa’t
isa. Maligayang Pasko!
|
|