|
|
ika-23 Linggo sa Karaniwang
Panahon
Setyembre 4, 2005
Mateo 18, 15-20
Sa isang parokya na napuntahan ko, nagkaroon ng gulo sa isang pamilya.
Isang kaso ng "incest". Nagsimula kong malaman ang kuwento sa pamamagitan
ng Misang Batibot. Ang batang si X ay laging gusto akong yakapin at
parang may laging gustong sabihin. Nang malaman ko ang kanyang gustong
sabihin, ang lahat ay parang isang bombang sumabog sa aking harapan. Nasa
grade 3 si X. At ang alam niya, pati ate niya ay may ganoon ding
karanasan. Kinausap ko muna ang ina at hindi ako nagpahalata. Pero
nabuking ako kasi matagal na pala niyang alam ang lahat. Nagalit pa nga
sa akin kasi nakikialam ako. Sa maikling salita, hindi siya papayag na
malaman ito ng marami kasi "nakakahiya raw". Kinuha ko ang tulong ng
ilang malapit na kaibigan. Sa madaling salita, nakakulong na ang ama at
lumipat ng tirahan ang pamilya, at ang mga batang biktima ay nasa
mabubuting kamay na.
Likas yata sa mga Pilipino ang maglagay ng bakod sa sariling pamilya. "Huwag
kang makialam". "Buhay namin ito." At iba pang uri ng pagbabakod. Mga
kapatid, sa araw na ito, may isang mahalagang pahiwatig ang ating
Panginoon: Kabilang tayo sa isang komunidad. Ang ating relihiyon ay
hindi isang "ako at ang aking Diyos" lamang. Ang pagiging Katoliko ay
hindi lamang isang personal na relasyon sa Diyos. Nagkakaroon ng mukha
ang lahat kasi may ibang "ako", may mga "ikaw" sa ating kapaligiran. May
mga kapwa tayo sa ating kapaligiran. Ang kapaligiran na ito ay ang ating
tahanan, komunidad, at iba pang samahan. Paano mo nga naman masasabing
mahal mo ang Diyos kung hindi mo mahal ang iyong kapwa? Madalas pa nga
nating awitin na "walang sinuman ang nabubuhay para sa sarili lamang,
walang sinuman ang namamatay, para sa sarili lamang. Tayong lahat ay may
pananagutan sa isa't isa..."
Ang pagtutuwid na tinutukoy ni Hesus ay hindi upang ikondena ang isang
nagkamali, kundi upang, maibalik muli siya sa komunidad; upang maisaayos
muli ang kanyang buhay at relasyon sa kapwa at sa Diyos. May pananagutan
tayo sa bawa't isa. Pero higit sa lahat, may pananagutan tayo sa Diyos.
Ang itinatag ni Hesus ay hindi mga eksklusibong grupo kundi isang
pamayanan na nagdadamayan, sa hirap at ginhawa.
|
|