|
“MAGKABILAAN…” (Mga samut-sari at tilamsik ng diwa) Fr. Perry V. Medina
Balikan muna natin ang kalendaryong Romano! Ang buwan ng Enero ay hango sa diyos ng paganong Romano na ang pangalan ay JANUS. Magkabilaan ang kanyang mukha, nakalingon sa nakaraan, at nakatanaw sa kinabukasan. Siya rin ang diyos ng pinto at bagong simula. Marahil ito rin ang dahilan kung bakit January ang unang buwan ng taon. JANUS, kambal na mukha, magkabilaan, nakaharap sa noon…at…bukas!
Nazareno at Santo Niño, parehong sikat at dinudumog na debosyon ng mga Pilipino, parehong buwan ng Enero, magkasunuran, katangi-tangi lamang sa ating bansa! Magkabilaan din! Salamin ng ating buhay bilang Pinoy! Paghihirap… sa mukha ng Hesus Nazareno, at Pagsasaya… sa mukha ng Niño Hesus! Hindi naman tayo baliw, na magkahalong iyak at tawa! Sa isang malalim na pang-unawa at biyaya ng Diyos, ang Pinoy ay ganito:
“Tawanan mo ang ‘yong problema!” (ayon kay Freddie Aguilar); ”Mga pagsubok lamang ‘yan, huwag mong isuko, at ‘yong labanan…”(Ayon sa Orient Pearl) ”Sa dami mong problema, nakuha mo pang ngumiti. Noypi ka nga astig…Dinig mo ba ang bulong ng lahi mo, Isigaw mo kapatid ang himig natin… Hoy, Pinoy ako, buo aking loob, may agimat ang dugo ko!” (Ayon sa bagong platinum album ni Bamboo).
Mahusay tayong magdala ng problema, palagay ko ay nalulutas din naman at hindi tayo sumusuko sa mga pagsubok. Masdan mo ang Pinoy, kahit trahedya ay kaya pang maging masaya! Hindi kaya ito rin ang iisang Nazareno at Santo Niño sa buhay natin bilang Pilipino? Magkaibang larawan ng Diyos! Magkabilaan ang mukha ng ating lahi! Kayang-kaya natin ang lungkot at tuwa; kabiguan at pag-asa; pagkadapa at pagbangon…napakalaking BIYAYA NG DIYOS!
Ano kaya ang nangyari sa batang iniharap ni Hesus sa gitna ng madla? Nauunawaan kaya niya ang lahat ng sinabi ni Hesus tungkol sa paghahari ng Diyos? Nalalaman kaya niya na siya at mga katulad niya ang tinutukoy ni Hesus? Nauunawaan din kaya niya na katulad niya ang pinakadakila? Palagay ko ay HINDI! Basta’t ang alam niya. ito’y kakaiba at kamangha-mangha…Na may tinig na tumawag at kamay na humalina sa kanya. Na may bisig na yumakap sa kanya. Na may dibdib na mag-iingat sa kanya. At ito’y sapat na upang maging handa na siya sa PAGLAKI AT PAGLAGO! May mga hindi tayo maunawaan nguni’t magugulat na lamang tayo na may paglago sa ating pagkatao, sa hiwaga ng pagkabata, paglaki at pagtanda!
NIÑO AT NAZARENO…IISANG HESUS, HAWAK MO ANG AMING MAGKABILAANG MUNDO! AMEN!
|
* Best viewed with
| With 800x600 resolution
for better results. | ®All Rights Reserved Diocese of Balanga 2004
Comments, suggestion & Inquiries email the webmaster