|
|
Ika-labingpitong Linggo sa Karaniwang Panahon
JUAN 6:
1-15
”HIMALA
SA PAGPAPARAMI NG TINAPAY AT ISDA”
Samut-saring HIMALA!
May himala sa Limang
Tinapay at Dalawang Isda!
Salat, Kulang, Iilan?
Minsan
masarap balikan ang simpleng pangangailangan. Dahil noon ang kapiranggot
ay minamahalaga. Mas nalalasap, mas napapansin, mas tumatalab sa mga
kakaunti...May higit pa rin ang Kulang! Di ba ganito ang mahihirap na tao?
Di ba ganito ang naranasan natin noong mayroon tayong ilang laruan, damit,
kaunting merienda, sapatos, gamit, at mga kasangkapan!Simple lang, kahit
kulang ay maligaya!
Masdan mo
naman ang maluluho, iba’t ibang palit na gamit, sasakyan, lote, mansion,
at iba’t iba pang relasyon? Walang kasiyahan! Mentras nagkakamal ng
salapi, lalong nagiging makasarili at sakim! Metras malalaki ang palasyong
bahay, walang katahimikan ang walang kibuan! Aalog-alog ang walang lamang
silid dahil walang laman ang puso ng mga nakatirang tao! Sobra-sobra
putahe, ngunit wala namang panglasa sa asin at bagoong ng dukha! Busog na
busog ang tiyan, gutom na gutom, at uhaw na uhaw ang diwa at kaluluwa.
Malalambot na higaan, matigas naman ang kalooban sa pamamalakad ng
negosyo. Mabangong banyo, ngunit nakasusukang bisyo!
Paslit na Bata ang pinagmulan! Bakit hindi sa matanda?
Naalaala
mo pa ba nang ikaw’y bata pa?Labas lahat ang laman ng bulsa! Walang
naitatago, basta’t masaya ang lahat at nailalabas, at naikakalat sa mesa
ang lahat ng abubot! Tanda ko pa, hirap na hirap kami sa pagmamamno at
pamamasko, ngunit labas pa rin kapag hiningi ng nanay bilang dagdag na
gastusin sa pamilya! Madaling maglabas ang bata! Madaling utusan ang bata,
walang pasubali! Madaling mamangha sa mga bagay bagay na parang tunay!
Manika ay masahol pa sa isang ”anak” na may buhay at pakiramdam! Maliit na
laruang trak ay tila isang malaking bus paluwas ng Maynila. Mga lumilipad
na bagay ay may tunog, masahol pa sa makina ng jet. Napakarami ang
nagagawa ng isip ng bata! Mga pangarap sa ilalim ng puno ng mangga. Mga
sulyap sa langit sa mga ulap na iba’t iba ang larawan! Mga patak ng ulan
kasabay ng mga patak ng luha dahilan sa pangungulila sa kaibigan o kaya sa
sinturon at latay ni tatay!
Bakit hindi
matanda? Mentras matanda ay may kandado ang bulsa, aparador, cabinet, at
refrigerator. Madalas ang matanda ay maglalabas ngunit pabalat bunga at
sinungaling! Ang matanda ay mahirap nang
hubugin ang baluktot na isip at halang na kaluluwa! Madalas magmalaki ang
matanda sapagkat maraming pera at karangalan. Nguni’t napakalakas ng
lagapak kapag nalugi at nawaldas ng sinuman. Mag-iipon ng maraming pera,
gamit at lupa, pag-aaway awayan naman ng mag-anak sa ibabaw ng iyong
malamig na bangkay! Tsk! Tsk!Tsk! Hanggang kailan, hanggang saan na ang
matatanda ay huwag lumago nang pababa bilang mapagpakumbabang bata at anak
ng Diyos? Ang matatanda bukod sa malabo ang mata ay malabo rin ang puwang
sa nakasanayang mundo. Wala nang dapat baguhin, sanay na ako dito.
Napakasikip n ng daigdig? Wala ring pagtingin sa kabataan at walang
nililingong landas kung bakit narating ang katandaan? Walang himala sa
mapanuring mata at nagngangalit na ngipin! Hindi nakikita ang mga hiwaga
ng ngayon, bagkus pa nga ay nakatutok sa ngitngit ng pagkabugnot at takot
sa karimlan ng kamatayan!
Samu’t saring Kuwento mula kay De Mello
Ang
Langit at ang Uwak
Minsa’y
lumipad ang uwak sa kalangitan na may dala-dalang kapirasong karne sa
kanyang tuka. Hinabol siya’t matinding sinalakay ng dalawampung uwak!
Sa
wakas, inihulog ng uwak ang karne. Iniwan siyang nag-iisa ng mga uwak, na
nagsiliparan para habulin ang kapirasong karne. Wika ng uwak: ” Nawala sa
akin ang kapirasong karne ngunit napasaakin naman ang mapayapang
kalangitan!”
Libo-libong tao ang binusog ni Hesus sa pagpaparami ng tinapay at isda.
Mula noon ay nagsunuran na ang lahat kay Hesus na mapaghimala. Hinahanap
siya hindi dahil sa kanya ngunit sa kabusugan ng tiyan!Libo-libo ang mga
pinagaling na may sakit. Libo libo ang mga nakatanggap ng mga aral kay
Hesus! Libo-libo...Ang Madla nga naman? Madaling mawala!
Ilan ang
natira sa paaanan ni Hesus na nakabayubay? Nasaan ang libo-libong taong
nakinabang sa ”himala?” Nasaan sila? Wala yata talagang himala? Sapagkat
ang tunay na Himala ay yaong walang himala sa mata ng marami. Ngunit
nag-iisang Himala sa mata ng Diyos. Nakabayubay siya sa kandungan ng
Daigdig at nakangiting lumuluha sa pisngi ng Langit! Amen!

|
|