|
|
TINAWAG KITA...
Fr. Jun Villanueva
May
kuwento ang bawa’t bokasyon.
Noong maliit pa ako,
ayaw kong magpari kahi’t lagi kaming nagsisimba. Kasi masungit ‘yong pari.
Sabi ng nanay ko, parang matandang dalaga daw, hindi ngumingiti, ayaw sa
mga bata, namimingot kapag may batang nag-iingay. Kaya sa tuwing
magsisimba kami, doon kaming mga bata sa playground ng simbahan. Ang alam
ko, sasama kami sa pagsimba kasi pagkatapos kakain kami ng toasted siopao
sa restawran. Ganoon lang.
Nang mag-grade six
ako, sa aming graduation Mass, naghanap ng sakristan ang pari. Ibang pari
siya, mas bata, mas mabait, ngumingiti at nakikipagkuwentuhan sa amin.
Napilitan akong mag-volunteer. Matapos ang Misa, sabi niya, magsakristan
ka. Hindi pa rin ako sumunod. Sa high school, may mga seminaristang
pumunta sa
University of
Nueva Caceres.
Nag-vocation campaign. Nagtawanan lang kami. Pero, may kakaiba nang
hiwaga ang katedral sa Naga kung ako ako tatanungin. Hindi nila alam,
kahi’t hindi Linggo, pumupunta ako doon para magdasal. Nang dumating ang
Martial Law, ang lahat ay natahimik. Pati ang simbahan. At lumipas ang
maraming taon. Nagtapos ako ng kolehiyo, BSC – Accounting. Nakapasa sa
CPA Board Exams, nagtrabaho sa BPI Audit bilang Junior Auditor, sa Herdis
Group of Companies bilang Financial Analyst, tapos sa Petron Corporation
bilang Internal Auditor. Walong taon ako doon. Wala na ang simbahan sa
buhay ko. Nang pinatay si Ninoy Aquino, birthday ko pa naman, isa ako sa
mga nagtanong kung saan patungo ang ating bansa. Isa ako sa mga sumama sa
mga rallies.
Doon,
muli kong nakita ang simbahan na aktibo sa pakikibaka para sa bansa.
Doon ko
muling nakita ang altar, ang insenso, ang mga kandila, ang mga pari at
madre, at ang Diyos na kapiling ng bayan. Doon ako muling nagtanong,
kasabay ng pagtanong ko kung saan patungo ang bansa – ang tanong ko – saan
ako patungo bilang Kristiyano. Dumami ang mga rallies, Pero ang napuna
ko, ang hinahanap ko na ay ang Salita ng Diyos pagkatapos ng mga rallies.
Hinanap ko ulit ang sabsaban sa puso ko.
Nagdesisyon ako.
May ibang buhay at landas na tatahakin ako. Isang alternatibong buhay.
Nagsimula akong magtanung-tanong sa pagpapari. Mag-isang nagsearch-in.
Hanggang sa tulong ng ilang kaibigan, nakita ko ang San Jose Seminary sa
Ateneo Campus, matapos ang pagdalo ko sa KOMPIL (Kongreso ng Mamamayang
Pilipino) na nagpulong sa Ateneo gym kung boycott ba o hindi ang ATOM na
kasama ako. Mag-isa akong nag-apply sa seminaryo. Nakapasa. Itinago ko
sa mga kaopisina ko at sa aming bahay. Nang sigurado na ako na magpapari,
nagEDSA People Power 1. Hindi muna ako nagreport sa seminaryo para magpa-interview.
Kaya lang, ang mga nakilala kong pari at seminarista ay nakasama ko sa
EDSA. Ang sabi ko, pwede pala, pwede palang pagsabayin ang bayan at
simbahan.
Lumalim pa ang
pag-unawa ko sa bokasyon, sa pakikibaka, at sa patutunguhan ng buhay ko.
Pumasok ako sa
San Jose
Seminary pagkatapos ng EDSA 1. Ngayon, pakalipas ng maraming tag-init at
tag-ulan, maglalabing-dalawang taon na akong pari sa July 10, sa aking
pagbalik-tanaw, nakita ko kung paano tumawag si Hesus sa akin. Ngayon,
may isa rin akong kapatid na matapos ang 6 na taong pagtrabaho sa Abu
Dhabi Commercial Bank, mag-aapat na taon na rin sa seminaryo upang magpari,
nakita ko kung paano tumawag si Hesus sa bawa’t isa at ipakita ito bilang
isang bokasyon.
Mga kapatid, sa
linggong ito, narinig natin ang pagtawag ni Hesus sa mga unang alagad niya.
Bawa’t isa sa atin ay may kuwento ng bokasyon. Magandang sariwain,
magandang pahalagahan. Ang lahat ay nagsimula sa mga pagkakataong hindi
inaasahan.
|
|