|
|
ika-21 Linggo sa Karaniwang
Panahon
SINO DAW?
Sino daw si Hesus? Tanong sa mga alagad, tanong din sa atin...
Sabi kasi ni Sister, siya raw iyong namatay sa krus. Siya rin iyong
ipinanganak sa sabsaban. Siya rin iyong hinanap ng mga magulang noong
bata pa siya, nagparami ng tinapay, naglakad sa tubig, iniwan ng mga
kaibigan, nagpasan ng krus, hanggang sa siya ay namatay. Nguni't sa
ikatlong araw, muling nabuhay. At kung anu-ano pa.
Sabi rin ni Father, siya iyong nagtatag ng Huling Hapunan, na hanggang
ngayon ay ating pinagsasaluhan. Siya rin iyong nagtawag ng mga alagad
upang maging kaibigan niya sa pagpapalaganap ng kaharian ng Diyos, siya
rin iyong nagpaliwanag kung ano ang kahulugan ng maging alagad ng Diyos,
pagpapaliwanag na kasabay ng pagsasabuhay nito. Siya rin iyong
nagpakilala sa atin kung paano mag-alay ng buhay para sa kaibiagn.
E, ano ngayon? Ngayong alam na nating lahat ito, simula pa sa Katesismo
noong bata pa tayo. Simula noong panahon na marami pang gumagalang sa
matatanda, nagmamahal sa mga pari, nag-uunahan magpa-upo ng matanda sa
bus, nakabelong nangasisimba... noon pa ito di ba? E ano ngayon kung alam
na natin itong lahat.... Nang makilala mo ba si Hesus, nagbago ang buhay
mo? Nang makilala mo ba si Hesus ay iniwan mo na ang pagiging lasenggo at
sinunggaling? Nang makilala mo ba si Hesus, nagbago ang direksiyon ng
buhay mo?
Ang hinahanap ni Hesus na sagot ay hindi iyong mga de-kahon at
naka-kwadrong kasagutan na na minsan ay parang display ng mga larawan.
Ang hinahanap na sagot ni Hesus ay isang simpleng pagtanggap na - noong
nakilala mo Siya, nagdeklara ka ng digmaan laban sa kasalanan at magulong
buhay, at nagpasya kang sundan Siya, ano man ang kahahantungan nito.
|
|