|
|
SI YAEL, ANG MUSLIM CAP at ang
ADBIYENTO
Fr. Jun Villanueva
Maraming nagtaka nang
makita nila na meron akong isang Muslim cap. Alaala ng isang kaibigan, si
Yael (hindi tunay na pangalan). Hindi na ito ang original na souvenir
niya sa akin. Nawala na ang original na cap. Matalik kong kaibigan si
Yael Singwatt noong 2nd year college kami sa Bicol, sa ROTC, (CMT
na yata ngayon?), 1978
noon. Dayo sila sa Bicol. Ang mga magulang niya ay nagtitinda
ng mga perlas galing sa
Mindanao. Basta Mindanao. Ganoon lang. Naging kaibigan
ko na rin ang mga magulang niya at 2 kapatid. Umalis sila at bumalik sa
Mindanao at
hindi ko na siya nakasabay mag graduate.
Simula 1978 hindi na
kami nagkita hanggang noong 1992, sumali ako sa isang nationwide
songwriting contest, bagama’t hindi ako nanalo, nakasama ako sa 10
finalists. Nakalagay ang aking litrato sa Inquirer. Makalipas ang 2
linggo, may bisita ako sa seminaryo. Si Yael. Pagkatapos ng 14 taon
nagkita kami. 2 linggo daw siya sa Maynila at nagpasyang hanapin ako. Maraming
pag-aalinlangan. Pareho kami hindi nagkakilala. Pareho na mataba.
Maraming nagtaka sa seminaryo. Ano ang ginagawa ng isang Muslim sa seminaryo.
May mga pangamba. Una daw, nag-alinlangan siya. Lalo na nang mabasa niya
na ako ay isang seminarista. Sabagay noong nasa college kami, hindi naman
namin pinag-uusapan ang relihiyon. Sabi niya, baka mas mangingibabaw ang
pagkakaibigan namin kaysa pagkakaiba ng relihiyon. Kasama na siya ng
isang grupo na hindi nakikipagkaibigan sa pamahalaan. Marami na kaming
pagkakaiba. Matingkad na sa akin ang pagiging Katoliko. At siya rin, sa
kanyang Allah. Ang isang pinag-usapan namin ay tungkol sa sitwasyon namin
noon. Inirereklamo niya ang kapayapaan sa Mindanao. Ang kanyang 12 taong
gulang na anak ay baka maging sundalo na rin. Totoo nga kasi noong isang
taon, may isang TV documentary tungkol sa mga batang sundalo sa Mindanao.
Magkaiba kami ng pananaw dito. Pero ang punto ay iisa. Pareho kami
naghahangad ng kapayapaan. Ang hanap niya ay kapayapaan ng Muslim na
makipamuhay kasama ang mga Kristiyano. Ibinigay niya sa akin ang isang
muslim cap bilang alaala na kahi’t magkalayo kami, pag nakikita ko ang
muslim cap na bigay niya, hiling niya ang aking panalangin sa aking Diyos,
at siya sa kanyang Allah – panalangin para sa kapayapaan.
Marahil may pagkakaiba. Pero sa aking palagay,
kapag hinanap natin ang pagkakaiba, laging meron. Pero pwede rin nating
hanapin ang pagkakapareho. Sa Unang linggo ng Adbiyento, nais kong
hintayin ang pagsilang ng isang bagong sabsaban sa ating puso – ang
pagsilang muli ng Prinsipe ng kapayapaan sa ating makabagong sabsaban – sa
ating puso.
|
|