|
|
SI ERIKA, at iba
pa...
(Pagninilay sa
Kapistahan ng Sto. Niño)
Ang
taon ay 1995. Isang Linggo, kapistahan
noon ng Sto. Niño,
ako ay nakadestino pa sa Balanga
noon.
Sa lumang kumbento na ang hagdan paakyat ay parang “hanging bridge”,
isang tanghali, ay nakita kong paakyat ang isang babaeng parang Nanay ko
na sa edad. Dahan-dahan ang kanyang pag-akyat, sinalubong ko at
inalalayan. Pinaupo sa kawayang upuan na hanggang ngayon ay buhay pa sa
bagong kumbento, ang babae ay nagpakilalang labandera sa isang restawran
sa may kalsadang papuntang Tuyo. Hindi lang daw restawran ito.
Pag gabi, may mga patay-sinding ilaw at mga babaeng may pinta ang mukha,
sabi niya. Sa kamay ng babaeng ito ay isang kahon ng katol.
“Pababasbasan ko po, Father”, sabi niya. “Hindi po nanay binabasbasan
ang katol”, sabi ko. “Hindi po katol ito, Father. Ang laman nito ay si
Erika”. May halong pagkamangha at pagkalito, kinuha ko ang
kahon ng katol, binuksan, at nakita ko si Erika. Isang
batang patay – inabort daw ng ina sa restawran, inihulog sa
toilet bowl, at napulot ng babaeng nagpakilalang labandera na ayaw
sabihin ang pangalan. Kinabahan ako. Sa itsura ng bata, babae nga siya.
Humigit kumulang 4 na pulgada ang haba, maitim o dark violet ang
kulay. Siya pala si Erika. Ang sanggol na si Erika.
Hindi na mawala sa
isip ko si Erika tuwing darating ang Kapistahang ito.
Masyadong ironic. Masyadong malungkot. Matapos kong magmisa ng 4
noong Linggong iyon, ang mukha ni Erika ang pumasok sa isip ko at
kanyang higaang kahon ng katol. Matapos kong maipahayag ang Salita
ni Hesus na “Ingatan ninyo na huwag hamakin ang isa sa maliliit na ito.
Sinasabi ko sa inyo: sa langit, ang kanilang mga anghel ay laging nasa
harapan ng aking Ama.”, dumating ang isang kagaya ni Erika,
at marami pang hindi na nabasbasan, at marami pang naihulog sa toilet
bowls, at marami pang itinapon na lamang sa kung saan. Ang sabi ni
Hesus...”Ingatan ninyo na huwag hamakin ang isa sa maliliit na ito...”
Ewan ko lang kung ilan pa ang susunod kina Erika.
Sana ay natuto na
siyang sumayaw ng otso-otso ngayon o kaya ay “Totoy Bibo” at
kung anu-ano pang “pasaway” na tugtog. O baka sila na ang mga ipinanganak
na magiging politikong magpapabago sa mukha ng ating lipunan, o magbibigay
ng pag-asa sa kapuwa....
Mga kapatid, ano ba
ang nasa isang bata na dapat matutunan nating matatanda? Marami. Pero sa
ngayon, nais kong magbigay lamang ng isa: ang kakayahan ng mga bata na
pahalagahan ang ngayon, ang kasalukuyan. Tayong matatanda, hindi na
mapakali sa ngayon at dito ng buhay natin. Oo nga, ang relo natin at
kalendaryo ay para sa oras at araw na ito, pero ang diwa ay para sa bukas:
ano kaya ang daratnan ko? Babatiin kaya ako ni ganito at ganoon? Okay
kaya ang bagong pari? Papasa kaya siya sa panlasa ni kuwan at ganoon? At
kung anu-ano pang abalahin ng bukas. O pwede ring nasa nakaraan pa ang
diwa natin. Na stroke si Tisya kasi galit na galit siya nang
makita si Weng na nakasagutan niya noong isang taon sa may palengke.
Nanginginig sa galit si
Petra kasi hindi
siya napagbigyan sa kanyang request na magbakasyon noong isang
buwan....
Ang bata ay walang
pakialam sa kahapon at sa bukas. Paluin mo siya. Bukas, babalik siya sa
iyo. Hindi man niya iniiisip kung ang mga loyalista ni FPJ ay mag-aalsa.
Ang mahalaga sa kanya ay ito: yakap siya ng kanyang ina, kinakantahan ng
kahi’t na sintunadong “Bulaklak” ng SexBomb, basta si nanay lang,
wala nang iba. Hindi naman sinasabing hindi na tayo dapat magnilay sa
kahapon para matuto sa kasaysayan. Hindi naman sinasabing hindi na tayo
maghahanda para bukas. Basta ngayon. Basta si Hesus lang ang Diyos ko,
Hindi ang kung sinu-sinong diyos na nagbabawal maglibing kung lunes, bawal
magpakasal kung biyernes, bawal ang itim na pusa... basta si Hesus lang
ang Diyos sa buhay ko, hindi ang diyos ng papuri, ang diyos ng salapi, ang
diyos na laging pumapansin, at kung sinu-sino pang diyos ng lipunang
Pilipino. Basta magkakasama tayo ngayon, pahalagahan ang mga sandsaling
ito kasi hindi na ito maibabalik pa: pahalagahan mo ang pagiging pari:
hindi na mauulit ito; pahalagahan mo ang pagiging ina ngayon, bukas,
malalaki na sila, hindi mo na madadala sa isang tingin lang; pahalagahan
mo ang pagiging ama ngayon, bukas, lolo ka na; pahalagahan mo ang pagiging
layko ngayon, bukas, iba na naman ang mga karansan.... pahalagahan mo ang
ngayon at dito ng buhay mo.
Mga kapatid, may
matututunan tayo sa mga bata. Kung hindi, hindi ka makakapiling ni Hesus.
Fr. Jun
|
|