|
|
BAGONG TAON 2005
TULAY
Sa Mt.
Samat, noong ika-27 ng Nobyembre ay nakilala ko sina Aling Mameng,
64 taong gulang, at si Wilson, 9 na taong gulang. Sila ay dalawa
lamang sa humigit-kumulang na 15,000 Katolikong nagdasal, naglakad paakyat
sa bundok, nagbalik-alaala, at nangarap. Sila ang naging tulay ko upang
balikan ang nakaraan at mangarap sa isang mabiyayang bukas.
Sa
pag-akyat ni Aling Mameng, binalikan niya ang alaala ng kanyang
amang namatay sa digmaan. Hindi man niya naalala ang mukha ng kanyang ama,
sa pamamagitan ng mga kuwento ng kanyang ina, nakilala niya ang katapangan
ng kanyang ama. Tatlong taong gulang pa lamang si Aling Mameng
nang makipaglaban ang kanyang ama at mamatay sa kamay ng mga Hapon. Alam
niya, matapang ang kanyang ama. Alam ni Aling Mameng na sa bawa’t
paghakbang niya sa bundok na ito, may mga natuyong dugo ng mga bayani ang
nagdilig sa lupang kanyang sinilangan. Alam ni Aling Mameng na marami
pang ibang katulad ng kanyang ama ay nagdilig din ng buhay sa peninsulang
ito.
Sa isang
bahagi ng pulu-pulutong na Katoliko ay si
Wilson.
Biyernes pa lang daw ay hindi na halos ito makatulog. Tulad ng ibang bata,
ang pagpunta
sa Mt. Samat ay parang sine, may dalang excitement. Hindi man halos
ininda ang pagod, hindi man halos maintindihan ang pagsindi ng mga kandila,
hindi man halos maunawaan ang dahilan ng krus sa bundok, nagpatuloy siya,
nakasaya, nakiawat, at tiyak, nakidasal din.
Mga
kapatid, ngayong bagong taon, ang ating Diyosesis ay nasa gitna ng mga
Aling Mameng at mga
Wilson.
Napapagitnaan tayo ng kahapon at bukas na punong puno ng kabayanihan at
kabanalan. Kabayanihan at kabanalan ng mga nauna sa atin at ng mga
susunod sa atin. O marahil, wala talagang linya kung nasaaan tayo.
Parang baybayin sa dagat, hindi mo alam kung hanggang saan ang lupa o
hanggang saan ang dagat. Marahil nga ay kabilang pa tayo sa mga
henerasyon nina Aling Mameng at
Wilson.
Ito ang lalong nagpapalalim sa kahulugan ng pagdiriwang ng Bagong Taon.
Hindi
lingid sa kaalaman ng bawa’t isa ang nararanasang krisis ng ating bansa.
Minsan, nauuwi tayo sa sisihan. Minsan pa nga, kasama ang Simbahan sa
paglutas nito, katulad ng Pondo ng Pinoy ng Maynila at karatig lugar.
Minsan, nakakasawa nang pakinggan ang mga balita ng katiwalian, ng
kawalang-trabaho, kawalang-pag-asa, panloloko, at pag-aabuso sa buhay ng
tao. Naitatanong pa nga minsan, bakit mura ang buhay sa isang bansang may
mayamang tradisyon ng Kristiyanismo. Saksi tayo sa mga balita ng mga
namumuno sa ating bayan na sangkot sa katiwalian at habang ginagawa nila
ang panloloko ay may imahen pa ng Santo Niño at ng Mahal na Birhen sa
kanilang mga opisina. Mas higit sa ano pa man, ang ating bansa ay
nangangailangan ng mga bagong bayani at banal.
Kailangan
natin ang isang pagpapanibago ng kahulugan ng kabayanihan at kabanalan.
Hindi na katulad ng kabayanihan ng ama ni Aling Mameng, o ng iba
pang nagbuhos ng dugo at buhay sa Death March, simula Mariveles
hanggang Tarlac. Ang kabayanihan ay maipapakita natin sa katapatan sa
paglilingkod bilang gobernador, congressman, mayor, barangay captain,
kagawad, guro, pari, driver, mangingisda, magsasaka, tindera at kung
nasaan ka sa ngayon at dito ng buhay mo. Maipakikita natin ang
kabayanihan at kabanalan sa pagiging huwaran sa mga
Wilson
ng ating panahon. Marahil nagsisimula sa disiplina sa sarili, sa
paggalang sa matatanda, sa pagiging tapat sa pagbabayad ng buwis, sa
pag-iwas sa mga bisyo, sa pagiging isang honest na pulis, na politiko at
mamamayan. Maipakikita natin ang kabanalan hindi lamang sa loob ng
simbahan o sa pagsuot ng abito at belo at paghawak ng rosaryo. Kabanalan
din ang pagsusumikap na damayan ang kapwang tunay na nangangailangan ng
kalinga. Kabanalan din ang magpakumbaba at sundin ang kalooban ng Diyos,
kahi’t hindi ka pari o madre.
Saan na
tayo pupunta simula sa bagong taon na ito? May maibibigay tayo sa ating
bansa. Ibang-iba ang
Bataan
– narito ang libu-libong bayani noong nakaraang pahanon. Narito ang
maraming banal na nag-alay ng dugo para sa bayan. Narito ang maraming
nagpasan ng krus upang magkaroon ng kalayaan ang ating bansa. Hindi tayo
dapat mawala sa ugat ng kasaysayan. Ang ating Diyosesis ay maaring maging
isang launching pad ng isang pangarap. Kaya natin ito. Hindi tayo
pababayaan ng Diyos sa banal na pangarap na ito. Hnidi tayo iiwan ng
mahal na Birhen sa landas ng buhay na ito.
Magiging mabiyaya
ang taong ito kung pagsusumikapan nating baguhin ang mukha ng mga dati at
nakaugalian na. Ngayon ang simula ng bagong pangarap. Ngayon ang unang
hakbang sa mahabang paglalakbay tungo sa kabayanihan at kabanalan. Bawa’t
isa ay may papel na gagampanan sa paglalakbay na ito. Gawin nating
makahulugan ang pagdiriwang ng Bagong Taon. May higit pa sa mga paputok,
may higit pa sa mga minsang hungkag na pagbabatian ng “Happy New Year!”
Ito ang pagsamo ng ating peninsula – muling iaalay ang pangarap, muling
patunayan ang kabayanihan at kabanalan. Ito ang tunay na Bagong Taon ng
ating kasaysayan. Muli, Happy New Year!
|
|