The Roman Catholic Diocese of

Home BishopStude SundayMassMP3 FromthePriests Directory Offices Schools NewsArchives Gallery BalangaRocks

ANG BUHAY- PANALANGIN

 I. ANG KATURUAN:

 BUHAY-KRISTIYANO AT BUHAY-PANALANGIN

 Si Jesu-Kristo ay nanawagan sa simula ng Kanyang ministeryo, “Sumunod kayo sa Akin, at gagawin Ko kayong mamamalakaya ng mga tao” (Mateo 4,19).  Sa katapusan naman ng Kanyang misyon sa daigdig, ipinagbilin Niya sa mga alagad, “Humayo kayo at gawin ninyong alagad Ko ang lahat ng bansa” (Mateo 28:19).

 

Ang buhay-Kristiyano ay pagtahak sa landas ni Jesu-Kristo na ating nakasalubong sa paglalakbay sa daan ng buhay at tumawag sa atin na sumunod sa Kanya.  Pagsunod ang kahulugan ng pagiging disipulo o alagad.  Pagsunod upang maging kaibigan Niya (Juan 15: 14 -16) at kasama-sama Niya (Marcos 3:14). Lumalapit tayo sa Kanya upang makilala Siya, upang ang kalooban Niya’y maging kalooban natin at upang ang landas Niya’y maging landas natin. Bukod-tanging sa ganitong paraan lamang tayo maaaring maisugo bilang Kanyang kinatawan.

 

Ang isang alagad ay ganap na alagad lamang kapag isinugo bilang apostol.  Tayo - bilang pamayanan - na pinagkalooban ng iisang Espiritu at naging buhay na Katawan ni Kristo, ang magpapatuloy sa Kanyang gawain sa kasalukuyang panahon: ang maibalik ang paningin ng mga bulag, ang pandinig ng mga bingi, ang mapalakad ang pilay, mapabangon ang mga patay at maipahayag ang Mabuting Balita sa mga dukha (Landas ng Pagpapakabanal 110-111).

 

Minsan, pagkatapos manalangin ni Jesus, sinabi ng Kanyang mga alagad, “Panginoon, turuan po ninyo kaming manalangin, katulad ng ginawa ni Juan sa kanyang mga alagad” (Lucas 11:1).  Si Jesu-Kristo ay naglaan ng maraming oras sa pananalangin at pakikipag-usap sa Ama.  Ang sinumang nagnanais sumunod sa Kanya ay dapat ding maglaan ng mahabang oras sa panalangin upang lumalim at tumibay ang kanyang personal na kaugnayan sa Diyos.  Ang pananampalataya ay lumalago at nabubuhay sa pamamagitan ng panalangin (PCP II 74-75).

 

Kung pagsunod ang pinakadiwa ng pagiging alagad ni Jesus, panalangin ang pinaka-unang tungkulin ng isang tunay na alagad yayamang si Jesus ay hindi lamang isang panlabas na huwarang dapat sundin at tularan tulad ng mga tanyag na ating hinahangaan. Ayon kay San Pablo, itinalaga tayo ng Diyos na “maging tulad ng kanyang Anak” (Roma 8:29).  Kung gayon, sabi ni San Pablo sa atin: “ang Panginoong Jesu-Kristo ang papaghariin ninyo sa inyong buhay” (Roma 13:14), “magpakababa kayo tulad ni Kristo Jesus” (Filipos 2:5), upang tayo ay mabago “sa ating anyo…hanggang sa maging mistulang larawan Niya” (2 Corinto 3:18).  Mithiin natin ang makapagsabi kasama ni San Pablo: “Namatay na akong kasama ni Kristo sa Krus.  At kung ako ma’y buhay hindi na ako ang nabubuhay kundi si Kristo ang nabubuhay sa akin.  At habang ako’y nasa daigdig, namumuhay ako sa pananalig sa Anak ng Diyos na umibig sa akin at nag-alay ng Kanyang buhay para sa akin” (Galacia 2:19-20).  Maipapahayag ng isang ganap na alagad, ang sinabi ni San Pablo: “Tularan ninyo ako, gaya ng pagtulad ko kay Kristo” (1 Corinto 11:1).  Pagkilala, pag-ibig at pagtulad kay Jesus ang bunga ng tunay na panalangin.  Sa pamamagitan ng kanyang palagiang pananalangin, ang isang Kristiyanong alagad ay nagsisikap “mag-asal Kristo” (Katesismo para sa mga Pilipinong Katoliko - KPK 1486).

 

Sa Kanyang pagtuturo, sinabi ni Jesus, “Ako’y bumaba mula sa langit, hindi upang gawin ang kalooban Ko, kundi ang kalooban ng nagsugo sa Akin” (Juan 6:38).  Paliwanag Niya, “Wala Akong ginagawa sa sarili Ko lamang. Humahatol Ako ayon sa sinasabi sa Akin ng Ama, kaya’t matuwid ang hatol Ko; hindi ang sarili Kong kalooban ang Aking sinusunod kundi ang kalooban ng nagsugo sa Akin” (Juan 5: 30).  Sa larawan ni Jesus na iginuhit ni San Lukas, kapansin-pansin na nanalangin si Jesus:

 

·            bago Niya sinimulan ang Kanyang misyon (Lucas 4:1);

·            bago Siya umalis sa Galilea para mangaral sa ibang bayan tulad ng Judea (Lucas 4:42);

·            bago Niya pinili ang Labindalawa sa Kanyang mga alagad na maging apostol (Lucas 6:12-13);

·            bago Niya ipinagtapat sa kanyang mga alagad na Siya ay ipapapatay (Lucas 9:18);

·            bago Siya nagbagong-anyo (Lucas 9:28);

·            bago Niya tinuruan kung papaano manalangin ang Kanyang mga alagad (Lucas 11:1);

·            bago Niya buong-loob na niyakap ang malagim na kamatayan sa krus (Lucas 22:41); at

·            bago Siya nalagutan ng hininga (Lucas 23:46).

 

Panalangin ang paraan ni Jesus para malaman ang kalooban ng Kanyang Ama. Kaya nga, panalangin din ang pinaka-unang pananagutan ng isang apostol upang patuloy niyang maka-ugnayan ang Panginoong nagsugo sa kanya at upang tapat niyang maipagpatuloy ang Kanyang gawain sa kasalukuyang panahon ayon sa kalooban ng Ama.  Ayon sa Ikalawang Konsilyo Plenaryo ng Pilipinas, “sa panalangin, hayagan nating binubuksan ang ating kalooban sa Panginoon at pumapasok sa isip at puso ng Diyos nang sa gayon magagawa natin ang Kanyang gawain sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo” (PCP II 170). 

 

“Makikilala ninyo sila sa kanilang mga bunga” (Mateo 7:16).  Ang tanda ng dalisay at tunay na buhay-panalangin ng isang alagad ay ang pagkilala at pagtulad kay Jesus at ng isang apostol ang pagtuklas at pagtupad sa kalooban ng Diyos.

                                       

ANG PINAKABUOD NG PANALANGIN

 

Sumasampalataya tayo sa Diyos na ipinahayag ni Jesu-Kristo, isang Diyos na personal na nakikipag-ugnayan sa atin sa Kanyang pag-angkin sa atin bilang Kanyang mga anak.  Ang panalangin ay pakikipag-ugnayan sa Diyos taglay ang personal na pananampalataya (NCDP 321; PCP II  76).  Ang pinakabuod ng Kristiyanong panalangin ay:

 

1) ang mapagmahal, mulat at personal na pakikiugnay o pakikipag-isa sa Diyos, ang ating mapagmahal at mabait na Ama;

 

2)  sa pamamagitan ng Kanyang pinakamamahal na Anak, si Jesu-Kristo, kasama ng Espiritu Santo;

 

3)  sa piling at bilang mga kasapi ng Katawang Mistiko ni Kristo, ang Kristiyanong Sambayanan;

 

4)  nakasentro sa hapag ng Eukaristiya;

 

5)  at nagpapalalim sa pananampalataya, nagpapatibay sa pag-asa at nagpapa-alab sa pagmahal at paglilingkod sa kapwa.   

 

1. Biyaya at Gawa

 

Ang Panalangin ay Biyaya. Paano ba natin makakausap ang Diyos maliban kung una Niya tayong harapin, ibunyag ang Kanyang Sarili at biyayaan ng Kanyang Espiritu? Unang nagsalita sa atin ang Diyos.  Hindi natin mararating o maaabot ang Diyos kung hindi Siya unang lumapit at nakipag-ugnayan sa atin. Paliwanag ni San Pablo: “Hindi tayo marunong manalangin nang wasto, kaya’t ang Espiritu ang lumuluhog para sa atin, sa paraang di magagawa ng pananalita.  At nauunawaan ng Diyos na nakasasaliksik sa puso ng tao, ang ibig sabihin ng Espiritu, sapagkat ang Espiritu’y lumuluhog para sa mga banal, ayon sa kalooban ng Diyos” (Roma : 26-27).  Ang panalangin ay maisasagawa lamang sa pamamagitan ng biyaya ng Espiritu at hindi sa sariling kapangyarihan ng tao.  Sapagkat hindi ganap na natatalos ng ating “karaniwang pag-iisip” ang pagbibigay-kapangyarihan ng Espiritu, pinapaliwanag ng Katesismo (KPK 1484):  

 

          Kalimitang iniisip natin ang panalangin bilang indibidwal na         gawain o bilang tungkuling nakapataw sa atin – isang bagay na dapat nating gawin sa takdang oras at tiyak na lugar.  Iniisip nga      ng iba sa pagdarasal, gumagawa sila  ng “mabuti” para sa Diyos,           kung kaya tunay na sinusubukan nilang “makipagtawaran sa        Diyos” – nangangako ng dagdag na panalangin para makamit ang       mga natatanging kahilingin. Nakakalimutan nila ang turo ni    Jesus, “wala kayong magagawa kung kayo’y hiwalay sa Akin”    (Juan 15: 5).

 

Gayunpaman, kailangan nating tanggapin ang biyaya ng Espiritu at makipagtulungan sa Kanya sa pamamagitan ng mga gawang kalakip ng pananampalatayang (Santiago 2: 14). Hindi kusang kumikilos ang biyaya; kaya hikayat sa atin ni San Pablo: “halina at sundan ang pamumuno ng Espiritu” (Galacia 5: 25).  Ang kasaysayan ng Kaligtasan ay kasaysayan ng Pagpapakilala ng Diyos at Pagtugon ng tao. Magaganap natin itong pagtugon sa pamamagitan ng masiglang BUHAY-PANALANGIN – ang matapat at matiyagang pagsisikap natin para makipag-ugnay sa Panginoon, makipag-usap sa Kanya, maglakad sa Kanyang piling, sa tulong ng Espiritu Santong nananahan sa atin.        

 

2. Dalawang Antas ng Buhay-Panalangin

 

Ang Buhay-Panalangin ay may dalawang pangunahing antas: ang personal at ang pansambayanang panalangin o Liturhiya.  Hindi magkatunggali bagkus nagtutulungan ang dalawang antas ng panalangin: pareho itong kailangan para sa tunay na Kristiyanong buhay-panalangin.  Humaharap tayo sa Diyos bilang taong katangi-tangi na nilikhang kalarawan Niya; iniligtas, inangkin maging Kanyang anak at kaanib ng Simbahan, ang Katawang Mistiko ni Kristo, sa binyag.  Mayroong laging pansambayanang kalalagayan sa ating personal at panloob na paglalakbay sa panalangin, at isang kalaliman ng personal na kapanatagan sa lahat ng tunay na Liturhiya.    

 

A. Personal na Panalangin

 

Ang personal na panalangin ay ang taos pusong pakikipag-usap sa Diyos na nagmamahal at nananahan sa ating kalooban (Juan 14:23). Ito ay maaring gawin  sa pamamagitan ng makahulugang pagbigkas o pag-awit at mulat na pag-uulit ng mga naisaulong panalangin tulad ng Ama Namin, Aba, Ginoong Maria, Luwalhati, Sumasampalataya, at iba pa. Gayunpaman ang walang-malay at wala-sa-loob na pagbigkas o pag-awit ng mga dasal, kahit lakipan pa ng sayaw, ay hindi nagpaparangal sa Diyos o nagpapabanal sa tao (PCP II  76).

 

Maari ding gawin ang personal na panalangin sa pamamagitan ng pananatiling tahimik at nag-iisa sa kaibuturan ng ating puso kapiling ang Diyos na sumasa-atin. Ang “popular” na larawan ng panalangin ay ang pakikipag-usap sa Diyos na itinuturing na parang isang rebultong hindi nagsasalita. Ngunit, higit na magandang unawain ang panalangin bilang personal na pakikipagtagpo sa Diyos na nakikipagtagpo sa atin.  Bilang pakikipagtagpo, ang panalangin ay ang pagbubukas ng ating isip at puso sa Diyos.  Ang pakikinig ay isang magandang larawan ng panalangin tulad ng ginawa ni Maria, ang kapatid nina Lazaro at Marta, na tahimik na nakaupo sa paanan ni Jesus at nakikinig sa Kanyang itinuturo (Lucas 10:39).  Sa pakikipag-usap sa isang minamahal, may mga sandali na tayo’y nagsasalita at may mga sandali rin naman na tayo’y nakikinig.  Kung isang taong tinitingala ang kausap, mas malimit tayong makinig kaysa magsalita.  Ang Diyos ay nagsalita, noong una, sa pamamagitan ng mga Propeta; ngunit ngayon, Siya ay nagsalita sa pamamagitan ng Kanyang Anak (Hebreo 1: 1-20). Si Jesus, ang Ikalawang Persona sa Banal na Santatlo ay nagkatawang-tao at nakipamuhay sa ating piling. Siya ang kaganapan at kabuuan ng Salita ng Ama. Ang Biblia ay pangunahing aklat-dasalan ng mga Kristiyano dahil ang Biblia ay ang Salita ng Diyos at sa Biblia makikilala si Jesus, ang larawan ng Ama. 

 

B. Pansambayanang Panalangin  

 

Matatagpuan ang bukal at tugatog ng kabuuan ng ating buhay-panalangin at buhay-Kristiyano sa Liturhiya (SC 9). Ang Liturhiya ay:

 

1) ang “opisyal” at pansambayanang pagsamba sa Banal na Santatlo,

 

2) ng buong Simbahan sa pamamagitan ng Pagdiriwang ng Misteryong Pampaskuwa ni Kristo,

 

3) nakasentro sa Eukaristiya at ibang mga sakramento,

 

4) na nagpapatibay sa misyon ng mga Kristiyano na maging liwanag ng mundo at lebadura ng masa at nagbubunga ng paglilingkod sa kapwa

 

5) at nakapaloob sa “eskatolohikal” na pagtanaw tungo sa lubusang kaganapan sa hinaharap  (KPK 1514). 

 

Ating ginugunita sa pagdiriwang ng Eukaristiya ang Pagpapakasakit, Kamatayan, Muling Pagkabuhay at Pag-akyat sa Langit ni Jesus; at ang Pagsugo ng Espiritu Santo (SC 5).  Sa pagdiriwang naman ng Binyag, Kumpil, Pagkikipag-kasundo, Pagpapahid ng Langis sa Maysakit, Kasal at Orden, nararanasan natin ang mabiyayang pakikipagtagpo ni Kristo sa lahat tao sa mga mahahalaga at karaniwang sandali ng ating buhay.  Sa Liturhia, ang Kristiyanong Sambayanan ay nagkakatipon, “bilang handog na buháy, banal at kalugud-lugod sa Diyos” (Roma 12:1), upang maka-ugnayan at makapiling ang Panginoon:

 

1) sa kanilang pagtitipon,

 

2) sa katauhan ng pari na kumakatawan kay Kristo bilang Ulo ng Simbahan na Kanyang Katawang Mistiko,

 

3) sa pagpapahayag ng Salita ng Diyos,

 

4) at lalo’t higit sa Kanyang Katawan at Dugo sa Eukaristiya (SC 7). 

 

Ang pitong mapagligtas na gawang masagisag (Sakramento)  na “nagmumula sa ministeryo ni Kristo at ipinagpa?papatuloy ng Simbahan, sa pamamagitan ng Simbahan, at para sa Simbahan kapag ipinagdiriwang nang may pananampalataya, ay humihikayat sa atin na maging kawangis ni Kristo sa Kanyang Mis?teryong Pampaskuwa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo" (KPK 1531).  Ang pakikipagtagpo sa atin ng Panginoon ay mayroong natatanging KA?PANGYARlHAN, mula sa Espiritu Santo, para hubugin ang ating mga kamalayan, paunlarin ang ating mga pandama at ituon ang ating mga pagkilos sa "pagtulad sa bata" upang unti-unting panibaguhin tayo ayon sa kung paano mag-isip, kumilos, manalangin, umibig, magpatawad at maglingkod katulad ni Kristo.  Hinihikayat din tayo sa isang ganap, mulat at aktibong pagdiriwang ng mga sakramento sa matalik na pakikipag-ugnayan sa Simbahan at sa gayo'y pakikipag-ugnayan mismo kay Kristo, sa Espiritu at sa Ama (KPK 1529). Kaya nga, ang pakikisangkot ng bawat Katoliko sa pansambayanang pagsamba ay nagtataguyod ng pagkakaisa ng Sambayanan, “dahil hinihikayat silang lampasan ang matalik na ugnayang pampamilya” tungo sa “kaisahang pansambayanan” at tungo sa “pagkakaisa at pagtutulungang nakasalig sa pagiging Kristiyanong alagad at hindi lamang sa mga ugnayang panlipunan” (KPK 1508). 

 

Hinahangad ng Inang Simbahan na maakit ang lahat sa ganap, mulat at aktibong pakikilahok sa mga panLiturhiang pagdiriwang kung saan ang bawat kaanib sa Kristiyanong Sambayanan, na “isang lahing hinirang, mga saserdote ng Hari, isang bansang nakatalaga sa Diyos” (1 Pedro 2:9), ay may karapatan at pananagutang dulot ng kanilang binyag (SC 14).

 

MGA SAKRAMENTAL AT KINAGAWIANG PAGPAPAKABANAL

 

A. Mga Sakramental

 

Kinilala ng Simbahan ang ilang natatanging bagay, kilos, salita, lugar at panahon bilang tulong sa atin na mamulat sa tigib-biyayang “presensiya” ni Kristo sa ating piling.  Tinutulungan tayo nitong mga “sakramental” o banal na tanda upang maging higit na mabu?nga ang pagtanggap natin ng mga Sakramento at "maglaan ng iba't ibang mga banal na pagkakataon sa buhay" (SC 60).  Itinatag at ginagamit ng Simbahan ang mga “sakramental” upang pabanalin ang pang-araw-araw na buhay. Hindi tahasang binabago ng mga “sakramental”  “ang ating mabiyayang kaugnayan kay Kristo kundi inaantig tayo upang kumilos ayon sa kabutihan at kabanalan na nagpapatibay sa umaapaw na biyaya ng “presensiya” ng Diyos sa ating sariling kalooban at sa gitna nating lahat” (KPK 1532).  Bilang paghahanda sa mabungang pagdiriwang ng mga Sakramento, maaring  ituring ang mga “sakramental” bilang "pagpa?palawak" o "pagpapatuloy" ng mga sakramento.”  Halimbawa, ang pagwiwisik ng banal na tubig sa simula ng Misa ay "pagpapatuloy" ng sakramento ng Binyag; ang Pagbebendisyon sa Banal a Sakramento ay "pagpapatuloy" sa sakramento ng Eukaristiya; ang pagbabasbas sa lugar na ating pinagtatrabahuhan ay "pagpapatuloy" ng Sakramento ng Kumpil. Pinababanal ng mga sakramento at mga “sakramental” ang halos bawat pangyayari sa buhay ng tao sa pamamagitan ng biyayang nagmumula sa Misteryong Pampaskuwa ni Kristo.

 

Ang mga tanyag na “sakramental” sa mga Pilipino, na matatawag din nating mga Kinagawiang Gawaing Pagpapakabanal, tulad ng pagbabasbas o pagmamano, pag-aantanda, haplos sa banal, banal na abubot [eskapularyo sa leeg o rosaryo sa bulsa], banal na panahon [pasko at mahal na araw], banal na gawain [simbang gabi, pabasa, salubong], kapistahan  ng patron, banal na imahen [Santo Nino, Kristong Hari, Nazareno, Santo Entierro], banal na lugar [Orani, Antipolo, Manaoag] at mga panalanging nobena, ay hindi lamang bunga ng pagtatalaban ng Kristiyanong Pananampalataya at Katutubong Kalinangan kundi mabisang tulong din sa pagpapasigla ng Buhay-Panalangin, maging ito man ay personal o pansambayayan.

 

B. Kinagawiang Pagpapakabanal

 

Ang pagpapanibago o pagpapasigla ng Buhay-Panalangin ay nangangahulugan ng paggamit sa mga Kinagawiang Pagpapakabanal na mayaman sa pagpapahalaga dahil nagpapamalas ang mga ito ng pagka-uhaw sa Diyos at nanghihikayat sa mga tao na maging bukas-palad at maging mapagtiis sa pagpapatotoo ng kanilang pananampalataya.  Dahil may halong pamahiin o ibang sangkap mula sa katutubong kalinangan na hindi katanggap-tanggap ang ilang kinagawiang pagpapakabanal, ipinahayag ng Ikalawang Konsilyo Plenaryo ng Pilipinas na kailangang "pa?unlarin itong mga karaniwang kinagawiang pagpapakabanal sa paraang hindi nito sinisira ang relihiyon o nananatiling mababaw na anyo ng pagsamba, kundi maging mga tunay na pagpapahayag ng pananam?palataya.”  Matutupad ito kapag ang mga kina?gawiang pagpapakabanal ay "humahantong sa Liturhia at malalim na naka-ugnay sa buhay ng Pilipino sa pamamagitan ng paglilingkod sa ad?hikain ng ganap na pantaong pag-unlad, katarungan, kapayapaan, at ang karangalan ng paglikha" (PCP II 173-75).  Kailangang tiyakin ang mapanuring paggamit sa mga kinagawiang pagpapakabanal na mananatiling nakasentro kay Kristo ang pananampalatayang Katoliko (KPK 1536).  Ang turo ng Katesismo para sa mga Pilipinong Katoliko tungkol sa mga panrelihiyong ritwal ay mabisang pamantayan sa ganitong pagsusuri:

 

Ang Ritwal, sa pinakamalawak na kahulugan nito, ay kinabi?bilangan ng mga seremonyang makasanlibutan at panrelihiyon. Maitu?turing ito bilang gawaing panlipunan at nakaprogramang sagisag na may kapangyarihang nakalilikha, nakapag-uugnay, nakapupuna at naka?pagpapabago ng mahalagang kahulugan ng buhay-pampamayanan… Higit nating kilala ang mga panrelihiyong ritwal sa mga daki?lang kapistahan ng Pasko at Mahal na Araw, ang di-mabilang na pista, at iba pa… Ang mga tunay na panrelihiyong ritwal ay nakatutulong sa pagpapalalim ng personal na kaugnayan sa Diyos sa pamamagitan ng mga pagkilos na  may apat na palagiang katangian: (1) masagisag, (2) nagpa?pabanal, (3) paulit-ulit at (4) kinasasangkutan ng paggunita. Masimbolo ang mga ritwal na gumagamit ng mga likas na tanda upang palitawin ang banal; kinabibilangan ito ng natatanging pagpapabanal na nagpapaubaya sa mga kalahok upang makibahagi sa banal na kapangyarihan o pag-ibig.  Nakadisenyo ito, na paulit-ulit na ginagamit ang mga tradisyonal na panalangin at mga pagkilos na nag-uugnay sa mga nagdiriwang sa kanilang nakaraan at sa orihinal na pangyayaring panrelihiyon na ipinagdiriwang sa rit?wal (alaala) (KPK 1500-1501).

 

C. Mahal na Birheng Maria

 

Ang debosyon sa Mahal na Birheng Maria ay isang mahalagang kinagawiang pagpapakabanal para sa maraming Pilipinong Katoliko.  Angkop lamang sa paglalahad na ito tungkol sa Panalangin at Sakramental na ipaliwanag ang Katolikong “Pamimintuho” kay Maria.

 

Ang “Pamimintuho kay Maria, ayon sa Konsilyo Vaticano II, ay nakabatay sa katotohanan na “dahil sa grasya, itinampok si Maria higit sa lahat ng mga anghel at tao bilang pinakabanal na Ina ng Diyos na kaugnay sa mga misteryo ni Kristo. Kaya, marapat na pinararangalan siya ng Simbahan sa natatanging pagbibigay-pitagan” (LG 66).  Itinuro naman ng Santo Papa Pablo VI na “kay Kristo nagmumula at nagkakabisa ang debosyon kay Maria, natatagpuan ang kabuuang pagpapahayag ng debosyong ito kay Kristo, at lumalapit sa pamamagitan ni Kristo kaisa ng Espiritu Santo patungo sa Ama.  Ang bawat tunay na pag-unlad sa pagsambang Kristiyano ay dapat nasusundan ng naaangkop na alab sa pagpipitagan para sa Ina ng Panginoon” (Marius Cultus, Pambungad).  Gayunpaman, paala-ala ng Konsilyo Vaticano II na ang pamimintuho o kulto kay Maria ay "naiiba sa diwa sa kulto ng pagsamba na parehong iniaalay sa Nagkatawang-taong Salita at sa Ama at sa Espiritu Santo" (LG 66).  Malinaw na ipinahahayag ng Konsilyo na hindi sinasamba ng mga Katoliko si Maria. Sa halip, ang kanilang debosyon kay Maria ay "makabubuti" sa kataas-taasang pagsamba sa Diyos.  Kaya, masigasig na pinalalaganap at pinahahalagahan ang debosyon kay Maria lalo na ang liturhikal na kulto sa Mahal na Birhen na nakasentro sa mga mapagligtas na pangyayaring kinasasangkutan ni Maria (LG 67).

 

Sa paggabay ng Konsilyo Vaticano II at para masugpo ang maling pagpapahalaga ng mga deboto ni Maria, iniatas ng mga Pilipinong Obispo (CBCP) na kailangang magkaroon ng pagpapanibago sa larangan ng pagtuturo hinggil sa papel ni Maria sa kasaysayan ng kaligtasan batay sa doktrina, Biblia at Liturhia upang sugpuin ang mga namamayaning makamundong pag?kiling. Mariin nilang itinuturo sa mga Katoliko na dapat: “pagpitaganan si Maria dahil sa pag-ibig sa kanya at pagpapahalaga sa kanyang dangal, at hindi mangibabaw ang makatanggap ng mga per?sonal at materyal na kahilingan. Dapat nilang makita ang bahagdan ng mga Kristiyanong pagpapahalaga at katungkulan sa buhay-Kristiyano sa pamamagitan ng higit na pagpapahalaga sa pakikilahok sa pagdiriwang ng Eukaristiya sa Linggo kaysa sa ibang uri ng debosyon” (Ang Mahal na Birhen  81).  Gayundin, upang mai-angkop ang panawagan sa kabanalang batay kay Maria sa nasasaksihang kahirapan at pang-aapi sa milyon-milyong Pilipino, sinabi nila: “naipakikita mismo ang debosyon kay Maria sa mga gawang kinaka?ilangan sa Pilipinas ngayon, ang mga gawa para sa katarungan at kalayaan mula sa pang-aapi. . . ang ating misyon ay maging buhay sa kalagitnaan ng sanlibutan, nagpapahayag ng Mabuting Balita sa mga mahirap, kalayaan sa mga inaapi, at kagalakan sa mga nagdurusa” (AMB  96).

 

Ang Orasyon at ang Rosaryo, kasama ang mga panalangin at misteryo ng kaligtasan, ay nananatiling sentro ng debosyong ng mga Pilipino kay Maria. Dahil sa katangiang-likas ni?to, nag-aanyaya ang Rosaryo sa isang matahimik na indayog at banayad na pagninilay (KPK 1546). Kung wala ang ganitong pagninilay, ang Rosaryo ay nagiging katawang walang-kaluluwa, isang pag-ulit-ulit ng mga por?mulang "gaya ng ginagawa ng mga Henti na akala nila' y pakikinggan sila ng Diyos dahil sa dami ng kanilang salita" (Mateo 6:7).  Sinasalamin ng mga misteryo ng Tuwa, Liwanag, Hapis, at Luwalhati ang kauna-unahang pagpapahayag ng pananampalataya na itinakda sa tanyag na awit ng kenosis ni San Pablo: ang pag-aalay ng sarili-kamatayan-?pagpaparangal (Filipos 2:6-11).

 

MGA URI NG PANALANGIN

 

Personal at taimtim na pakikipagusap sa Diyos na nagmamahal sa atin ang panalangin.  Ang pinakamatalik na pakikipapag-ugnayan sa Diyos ng taong sumasampalataya ay kadalasan nagaganap sa katahimikan at pag-iisa.  Ang uri ng ugnayan ng taong nagdarasal at ng Diyos na dinadasalan, at ang uri ng kanilang usapan ay nagsisilbing saligan ng iba’t ibang uri ng panalangin (KPK 1476).

 

• PAPURI ang panalangin ng taong pinaparangalan ang Diyos sa Kanyang kabutihan at kadakilaan.

 

• PAGSAMBA ang panalangin ng taong nilikha sa Diyos na lumikha at nagmamay-ari sa kanya.

 

•  PASASALAMAT ang panalangin ng anak na tumanggap ng biyaya sa Diyos na kanyang Amang mapagmahal.

 

• PAGSUSUMAMO ang panalangin ng taong may pangangailangan sa Diyos na di nagsasawang magbigay sa mga umaasa sa Kanya. 

 

• PAGSISISI ang panalangin ng isang taong makasalanan sa Diyos na mahabagin. 

 

• PAG-AALAY ang panalangin ng isang taong tumatanaw ng utang-na-loob at naghahandog ng kanyang kaisipan, salita at asal sa Diyos.

 

Datapwa’t kung ang pagbabatayan naman ay ang mga damdaming pantao na ating matatagpuan sa mga Panalangin sa Liturhia ng Lumang Tipan na mababasa sa Aklat ng mga Salmo at inaring sarili ng Simbahan, may mga panalangin ng KAGALAKAN ng nananampalataya (Salmo 1:1-2), PAPURI sa  Manlilikha (Salmo 8:1), PAGHAHANGAD sa Diyos (Salmo 42:1), DALAMHATI AT PAGSISISI ng makasalanan (Salmo 51:1)  at PAGTITIWALA sa Diyos na Mabuting Pastol (Salmo 23:1).

 

MGA PAGSASALUNGATAN SA BUHAY-PANALANGIN

 

Kapansin-pansin na sa buhay-panalangin ng Pilipinong Katoliko ay may agwat sa pagitan ng pansariling debosyon at ng Liturhiya ng Simbahan na kadalasa'y "labis pa ring pormal at labis na nakasentro sa pari" [NCDP  330]. Tunay ngang kailangan ang "Pinanibagong Pagsamba" kaugnay ng kabuuan ng buhay, kasama na ang buhay panalangin, mga 'popular' na panrelihiyong kaugalian, at pagbabagong pangLiturhia.  Kailangan ng mga  Pilipinong Katoliko ang higit na masigasig at magiliw na pagsamba na pupukaw at magbibigay-?daan sa aktuwal na pagtupad at pagsasanay; upang isalig ang kanilang personal na debosyon at pagpapakabanal sa Banal na Kasulatan at Liturhiya ng Simbahan [PCP II 167-81).

 

Ngunit, ayon sa Ikalawang Konsilyo Plenaryo, ang pinakamalawak na agwat ay nasa pagitan ng ating panalangin/pagsamba at sa ating moral na pamumuhay.  Madalas na nahihiwalay ang pagsamba sa kabuuan ng buhay.  Karaniwang nauuwi ang panalangin sa panlabas na pagsunod lamang sa mga kinaugaliang panrelihiyon [PCP II 167).  Lubusang binago ni Kristo ang diwa ng pagsamba sa pagtalima sa Kanyang Ama sa pagpapasinaya ng Bagong Pakikipagtipan:

 

                   “Ang mga hain at handog na mga hayop ay di mo ibig,

                   Kaya't inihanda mo ang aking katawan upang maging hain.

                   Hindi mo kinalugdan ang mga handog na susunugin

                   at ang mga handog dahil sa kasalanan.

                   Kaya't aking sinabi, 'Narito ako, 0 Diyos,

                   upang tupdin ang iyong kalooban.”  [Hebreo 10:5-7]

 

Ginawang dalisay ni Jesus ang pagsamba sa tuwirang pag-ugnay nito sa araw-araw na moral na pamumuhay.  Ipinahayag Niyang "dumarating na ang panahon. . . na ang mga tunay na sumasamba sa Ama ay sasamba sa Kanya sa espiritu at sa katotohanan" (Juan 4:23).  Katulad ng mga Propeta, binatikos ni Jesus ang ritwalismong walang saysay at nangakong isusugo ang Espiritu Santo para lik?hain ang panibagong malaparing sambayanan, na nakikibahagi sa kanyang pagkapari (KPK 1498].

 

TANDIS

News Archives

 @ 2007 Diocese of