The Roman Catholic Diocese of

Home BishopStude SundayMassMP3 FromthePriests Directory Offices Schools NewsArchives Gallery BalangaRocks

ANG PANIBAGONG PAGPAPAHALAGA SA EUKARISTIYA

 I.  ANG KATURUAN

 Ang Eukaristiya sa Buhay ng Simbahan

 “...Noong gabing Siya’y ipagkanulo, si Jesus ay dumampot ng tinapay, nagpasalamat, at pinagpira-piraso ito, at sinabi, ‘Ito ang Aking katawan na inihahandog para sa inyo. Gawin ninyo ito bilang pag-aala-ala sa Akin.’ Gayundin naman, matapos maghapunan ay hinawakan Niya ang saro at sinabi, ‘Ang sarong ito ang bagong tipan na pinagtitibay ng Aking dugo. Tuwing iinumin ninyo ito, gawin ninyo bilang pag-aala-ala sa akin.’”  (1 Corinto 11: 23-25). Ibinigay sa atin ni Jesus ang Eukaristia, bilang paggunita sa Huling Hapunan at pag-aala-ala sa pagliligtas na Kanyang nakamit para sa atin sa pamamagitan ng Kanyang buhay, kamatayan at muling pagkabuhay (PCP II 55).  Sa pamamagitan ng Banal na Misa ang dakilang kaganapan ng pagliligtas na ito ay laging inaala-ala,  sinasariwa, isinasa-ngayon at inihahandog sa atin. (CCC 1409).

 

          Sa lahat ng panahon, pinahahalagahan ng Simbahan ang Eukaristiya bilang pinagmumulan at tugatog ng buhay ng Simbahan.  Walang tunay na buhay Kristiyano na hindi naka-ugnay at nakasandig sa Eukaristiya.  Ang buhay Kristiyano ay nabubuo, napaparangalan at napapanariwa ng Banal na Eukaristiya (PCP II 523, Theologians 6). Itinuturo ng mga Ama ng Simbahan (Fathers of the Church) at ng mga dakilang teologo (theologians) na, “Hinuhubog ng Simbahan ang Eukaristia, kung paanong hinuhubog ng Eukaristia ang Simbahan.” (“The Eucharist builds the Church and the Church makes the Eucharist”, EE 26)  Ibig sabihin, kung wala ang Banal na Misa ay mawawalan ng sigla at buhay ang Simbahan.  Kailangang matutunan ito ng lahat ng Kristiyano, upang magkaroon nang mas malalim na kahulugan sa kanila ang pagdalo sa Banal na Misa higit sa lahat kung Araw ng Linggo at Pistang Pangilin.

 

          Ang Banal na Misa ay isang binalangkas na ritwal at pagdiriwang, na ang bawat bahagi ay magkakaugnay at bumubuo ng makahulugang pagkasunod-sunod:

 

1.     Liturhiya ng Salita ng Diyos

 

a.     mula sa pambungad na ritu ng “pagsisisi,” kung saan hinihingi natin ang awa ng Diyos, at

 

b.     sinusundan ng pakikinig sa Salita ng Diyos, na umaantig sa ating kalooban.

 

2.     Liturhiya ng Eukaristiya

 

a.     na maghahatid sa atin sa paghahandog ng sarili

 

b.     upang sa gayon ay maganap natin ang “alaala” ng Huling Hapunan ng Panginoon,  ang “alaala” ng pagpapakasakit, kamatayan at muling pagkabuhay ni Jesus. Ito ang Misteryo Paskuwa ni Jesus.

 

Sa pamamagitan ng Kanyang Katawan at Dugo, na ibinibigay sa atin sa komunyon ipinag-iisa tayo ni Jesus sa Kanyang sarili upang makibahagi sa kanyang banal na buhay: tayo ay nagiging “isang katawan at isang diwa kay Kristo” (Aklat ng Pagmimisa sa Roma, Ikatlong Panalangin ng Pagpupuri at Pagpapasalamat).

 

          Sa pangkalahatan ay batid ng mga Katoliko na ang pagdalo sa Banal na Misa ang pinakamahalagang gawain sa Katolikong pagsamba, subalit kakaunti lamang ang nakababatid sa napakayamang kahulugan at kahalagahan nito sa ating buhay. Bunga nito, nararapat na ating pag-aralan, unawain at pagnilayan ang Banal na Misa, na itinuturo ng Simbahan bilang puso at sentro ng buhay Kristiyano.

 

Maraming mabubuting bunga ang idudulot ng malalim na pag-unawa sa Banal na Misa. Kung “ang pamilyang nananalangin ng samasama ay mananatiling sama-sama,” karapat-dapat lamang na mapagmuni ng mga pamilya na ang Banal na Misa ang panalangin na magbubuklod at magpapatibay sa pagsasamahan ng mag-anak sa pamamagitan ng mismong buhay at pagmamahal ni Jesus.

 

Ang lingguhang pagdiriwang ng Banal na Misa sa bawat parokya ay isang panlahatang kilos ng mga nakikipagdiwang. Ito ay sama-samang pagpapahayag ng pananalampataya kay Jesus na namatay at muling nabuhay, na sa pamamagitan ng Banal na Espiritu ay ibinibigay at tinatanggap ng bawat kasapi ng Kanyang sambayanan – ang Simbahan. Sa pagsasalong Eukaristiko ang pagkakaisa ay sinasagisag at ginagawang ganap at totoo.  Ang mismong pagdiriwang ng Eukaristia ay isang malalim na pagpapahayag ng pananampalataya ng sambayanan na si Jesus ay tunay na kasama natin, kumikilos sa mundo, at tunay na nagpapanibago nito (PCP II 457).

 

 Sa katapusan ng Banal na Misa, tayo ay “isinusugo” upang isabuhay ang ating pagiging Kristiyano, “upang gamitin natin ang ating pagkapari bilang binyagang Kristiyano” sa isang buhay na puno ng pananampalataya, pag-asa at pag-ibig.  Bagamat kaaya-aya ang mamuhay ng walang kasalanan hindi magiging sapat at ganap ang buhay Kristiyano kung hindi ito pupunan ng pagmamahal at paglilingkod sa kapwa (Sacrosanctum Concilium (SC) 7, General Instructions on the Roman Missal (GIRM)  7).

 

Ang Eukaristia at Ang Buhay Kristiyano

 

Ang Banal na Misa ay buod ng ating buhay Kristiyano. Binibigyan tayo nito ng kapangyarihang buksan ang ating sarili sa iba lalo na yaong mga taong nasa labas ng ating nakasanayang mga kasama lalo’t higit ang mga dukha at aba, ang mga nahiwalay, naiwan at naliligaw sa lipunan.

 

          Ang Banal na Misa din ayon sa aral ng mga Santo Papa at mga Obispo ay nag-aanyaya sa atin tungo sa pakikipagkasundong panlipunan, katarungan at kapayapaang nakasandig sa pagkakaisa at pagmamahalan.  Ang Eukaristia ang siyang nagbibigay kapangyarihan sa atin na maisagawa ito. 

         

Ang mga debosyon o pagsamba sa Kabanal-banalang Sakramento, bagaman hindi ipinagbabawal ng Ikalawang Konsilyo Vaticano, ay may kahulugan lamang kung ito ay dumadaloy mula sa Banal na Misa.  Natuklasan ng hindi mabilang na mga Pilipinong Katoliko na nakapupuno sa kanilang buhay ang personal na debosyon kay Kristo sa Banal na Sakramento sa isang bukod-tanging paraan. Ang pagdarasal sa harap ng Banal na Sakramento ay walang sawang umaakit sa higit na malalim na pakikibahagi natin sa Misteryong Pampaskuwa ni Kristo. Nalulugod tayo sa Kanyang matalik na pakikipagkaibigan, ibinubuhos natin ang ating puso sa Kanya, at kasama Niya, iniaalay natin ang lahat ng isip at gawa sa Ama sa pamamagitan ng Espiritu. Nararanasan natin ang paglalim ng ating pananampalataya, pag-asa at pag-ibig. Binubuhay ang ating tunay na mga ugali at kaloobang Kristiyano, upang higit tayong maka-abot sa iba sa mapagmahal na paglilingkod. Sa madaling sabi, sa pamamagitan ng paglapit kay Kristo sa Banal na Sakramento, natutulungan tayong tipuning sama-sama ang mga bagay upang higit na maisabuhay kung paano tayo nagdarasal at sumasamba (KPK 1734).

 

Ang Eukaristia at Misyong Kristiyano

         

Ang Eukaristia ay “communio” para sa “missio”.  Sinabi ng Santo Papa Juan Pablo II sa “Ecclesia de Eucharistia”  na ang misyon ng Simbahan ay pagpapatuloy ng misyon ni Kristo.  Mula sa pag-aalaala sa Misteryo Paskuwa ni Kristo, hanggang sa pagtanggap ng Katawan at Dugo ni Kristo, ang simbahan ay tumatanggap ng kapangyarihang espiritwal – ang kapangyarihan ng pagkamatay at muling pagkabuhay ni Jesus – upang magampanan nito ang kanyang misyon sa mundo (EE 22).

         

Lahat ng mga Sakramento, lalo na ang Banal na Eukaristia, ay nagtuturo kung ano ang Simbahan at maging kung ano ang nararapat niyang marating. Ang Simbahan ay hindi lamang isang komunidad ng mga taong nagkakaisa ang kaisipan, kundi isang sambayanang pumapalaot sa mundo, upang dalhin ang pagmamahal ng Diyos upang isagawa ang layunin ng Diyos sa kasaysayan, at upang maitatag ang Kanyang Kaharian – kaharian ng katotohanan, kalayaan, katarungan at pagmamahalan.

 

Sa pamamagitan ng paghahati-hati at pagsasalu-salo sa iisang tinapay sa Banal na Eukaristia, ang lahat ay inaanyayahang mamuhay kay Kristo, makiisa sa Kanyang misyon sa mundo sa bawat araw at oras at hindi lamang tuwing Linggo. Inilalarawan ng PCP II ang Simbahan sa Pilipinas bilang Isang Pamayanang nasa Misyon” “Community in Mission” (PCP II 102 - 106). Dahil nasa sentro ng pag-iral ng Simbahan ang misyon, ang buong Simbahan ay misyonero. Nangangahulugan ito na “misyonero tayo, higit sa lahat, dahil sa kung ano tayo bilang Simbahan at kahit bago pa tayo maging mga misyonero sa salita o gawa’ (RMi. 23).

 

Sa nakalipas na panahon, iniisip ng karamihan ng Katoliko na ang misyon at misyonero ay tumutukoy lamang sa mga pari at ibang relihiyosong ipinapadala sa mga misyon sa ibang bansa. Ang misyon ay naging para lamang sa iilan na may di-pangkaraniwang tawag. Ngayon natanto na natin na “ang bawat alagad ni Kristo ay may tungkuling palaganapin ang pananampalataya sa abot ng kanyang makakaya” (LG 17). Inilarawan ng PCP II ang natatanging misyon ng mga laikong mananampalataya sa loob ng iisang pandaigdig na misyon ng Simbahan. Binibigyan nito ng batayan ang “Apostolate of the Laity” sa turo ng Ikalawang Konsilyo Vaticano. “Ang apostolado ng mga laiko ay isang pakikibahagi sa mapagligtas na misyon ng Simbahan. Sa pamamagitan ng Binyag at Kumpil, inaatasan mismo ng Panginoon ang lahat sa apostoladong ito. Taglay ng mga laiko ang natatanging bokasyon na pairalin at gawing mabunga ang Simbahan doon sa mga lugar at kalalagayan kung saan sa pamamagitan lamang ng mga laiko maaaring maging asin ng lupa ang Simbahan” (LG 33; CL 14; PCP II 402 - 411).

 

News Archives

TANDIS

 @ 2007 Diocese of