![]() |
||
Home BishopStude SundayMassMP3 FromthePriests Directory Offices Schools NewsArchives Gallery BalangaRocks |
||
Ang kahulugan ng Salitang “Sinodo"
Buhat ito sa mga salitang Griyegong “syn” (kasama) at “hodos” (daan). Kaya nangangahulugan ang sinodo ay paglalakbay upang magtagpo at magsama-sama. Sinimulang gamitin ng Inang Simbahan mula noong ika-14 siglo ang salitang “sinodo” upang tukuyin ang mga natatanging pagpupulong sa Simbahan.
Ang Sinodo ng Diyosesis?
Tumutukoy ang Sinodo ng Diyosesis sa isang kapulungan, na binubuo ng mga pari, relihiyoso, relihiyosa at laiko, na hinirang ng Obispo. Ang kapulungan ito ay pangunguluhan niya upang talakayin at pagtibayin ang mga mahalaga at kinakailangang batas sa kapakanan ng diyosesis. Sa Sinodo, isinasagawa ng Obispo ang kaniyang gampanin at ministeryo ng pangangasiwa sambayanang ipinagkatiwala sa kanya sa pamamagitan ng pag-aangkop ng mga pangkalahatang batas at alituntunin ng Simbahan sa lokal na kalagayan at panahon, sa pagbibigay-pansin sa panuntunan at programa ng gawaing apostoliko ng diyosesis, sa paglutas sa mga suliranin ng apostolado at pamamanihala, sa pagbibigay-sigla sa mga proyekto a gawain at sa pagpapaliwanag sa mga katuruan ng pananampalataya at moralidad.
Sa isinagawa niyang pagsangguni sa iba’t ibang samahang pangdiyosesis, sa mga hinirang niyang kaanib sa Sinodo at sa mga inanyayahang bihasa sa teolohiya, buhay pastoral, at batas, pinapatunayan naman ng Obispo na may diwang pakikiisa at pagkakaisa ang kanyang pangangasiwa sa sambayanan. (Tingnan Directory for the Pastoral Ministry of Bishops, 166-168).
ANG SINODO AYON SA IKA-2 KONSILYO BATIKANO
Ang Sinodo at Inang Simbahan
Sa unang Sinodo ng Simbahan na binanggit sa Ang mga Gawa ng mga Apostol ang bawat Konsilyo ay itinuring na “pagpupulong sa Espiritu Santo” (Gawa 15:28). Batay dito, ang Simbahan ay isang KOINONIA, isang salitang Griyego na ang kahulugan ay komunidad na nagpapahiwatig ng pagkakaisa ng mga mananampalataya. Ang katangian ng pagiging isang kapulungan o Sinodo ay likas at kaloob-ng-Diyos sa Simbahan.
Ang katangian ng Simbahan bilang isang komunidad ay tumatawag ng isang pagtitipon-tipon ng mga kasapi para sa panahon ng pagpapasiya at pagpapanibagong-sigla at gayon din naman para sa pagsamba at pagtuturo. Ang pakikibahagi at pag-aabuloy, pakikisama at pakikiisa ng lahat ng kasapi sa isang Kristiyanong komunidad o pamayanan ay nagagawa sa mga pana-panahong pagpupulong. Natutupad, ipinapahayag at nakikita ang Simbahan bilang Koinonia o Komunidad sa pagdiriwang ng isang Sinodo.
Ang Sinodo at Simbahang Lokal
Sa Bagong Tipan, ang Simbahang lokal ay hindi isang bahagi lamang ng buong Inang Simbahan, bagkus ganap na Simbahan ng Diyos kahit na hindi ito ang buong Simbahan ng Diyos. Ang “kaisa-isa, banal, katoliko at apostolikong Inang Simbahan ay tunay na naroroon at umiiral” sa Simbahang lokal na nakikiisa sa kanyang Obispo at “magkasamang tinitipon niya sa Espiritu Santo sa pamamagitan ng Ebanghelyo at Eukaristiya.” (Christus Dominus, CD 11).
Itinuturo ng ika-2 Konsilyo Batikano na dapat isaalang-alang ng Simbahang lokal ang mga kaisipan, tanong, suliranin at hangarin ng lipunan na kanyang kinapapalooban (Gaudium et Spes 4). Sa diwa nito, ang Sinodong pangdiyosesis ay isang mabisang kasangkapan sa pagpapatunay ng kalikasan ng Simbahang lokal. Sa pag-aangkop ng mga pahayag at dekreto ng Sinodo ng Diyosesis sa turo ng Inang Simbahan, napagtitibay ang pagiging kaisa-isa ng Bayan ng Diyos. Sa pag-aangkop naman ng mga turo at disiplina ng Inang Simbahan sa natatanging kalagayan at pangangailangan ng Simbahang lokal, pinatitingkad ang pagiging katoliko ng Inang Simbahan.
Ang Sinodo at Panibagong Pag-unawa sa Kapangyarihan sa Simbahan
Pinatingkad ng ika-2 Konsilyo Batikano ang pagunawa sa kalikasan ng “kapangyarihan” bilang “paglilingkod,” na noong unang panahon ay pangkaraniwang napagkakamalang karapatang mamuno (Lumen Gentium 24). Sa mga Banal na Kasulatan, makahulugan itong tinawag na “Diakonia” o ministeryo (cf. Gawa 1:17, 35; 21:19, Ro.11:13; Tim 1:12). Kaya inilalarawan ang mga obispo na mga pastol at lingkod ng Diyos, at lingkod ng mga lingkod ng Diyos na sa malawak at walang pasubaling saligan ay lumalapit at nakikinig sa mga pari, relihiyoso, relihiyosa at laiko (CD 16).
Nagbunga ang panibagong pag-unawa ng kapangyarihan sa Simbahan sa pag-uusap at pagtutulungan ng buong pamayanang sa iba’t ibang antas at paraan ng pagbuo ng mga kapasiyahang makabubuti sa bawat isa sa pamayanan.
Napagtitibay ang lahat ng ito sa pagdaraos ng mga sinodo. Dito, ang mga kinatawan ng mga pari, relihiyoso, relihiyosa at laiko, kasama ng obispo bilang pastol at bukal ng pagkakaisa, ay nagkaroon ng makabuluhang pagsasabuhay sa “diakonia” at pangangasiwa ng Simbahang lokal.
Ang Sinodo at Misyon ng Laiko
Sa bisa ng Binyag, nakikibahagi ang bawat Kristiyano sa misyon ng Simbahan. Bagaman ang pananagutan ng mga inordenahang ministro ay kakaiba sa mga taong hindi tumanggap ng ordenasyon, ang misyon ng Simbahan ay pananagutan ng lahat ng mga binyagan. Ang mga karisma o natatanging kaloob taglay ng mga Kristiyano ay ipinagkatiwala sa kanila ng Espiritu Santo upang patatagin ang Simbahan sa kanilang pakikianib at pakikibahagi. Ang pagpapahayag ng Ebanghelyo, ang pagsaksi ng pamayanan at ang paglilingkod sa kapwa tao ay tungkulin ng buong Simbahan.
Kung mayroong isang pamamaraan na ang mga gawaing ito ng Simbahan ay maipaliliwanag at masusuri ng husto, at kung saan ito maisasabalikat at magagampanan ay dili iba kundi ang Sinodo.
LAYUNIN NG SINODO NG DIYOSESIS
1. Pasiglahin ang buhay-pananampalataya ng sambayanan.
2. Palalimin ang kaalaman bilang isang Simbahang local tungo sa higit na pag-unlad ng diwa ng pagkakaisa at pakikibahagi.
3. Isulong ang edukasyong pang-relihiyon at paghubog sa pananampalataya at moralidad.
4. Papagalabin ang ugnayan ng mga namumuno at kaanib ng sambayanan sa pagpalitan ng pananaw para matugunan ang pangangailangan ng bawat isa.
5. Pagsasaayos ng mga pandiyosesis na balangkas at sangay na ang panuntunan ay ang paglilingkod para sa lalong ika-uunlad ng sambayanan.
6. Bigyang-diin ang pagsusuri at pag-aaral sa mga pangangailangan ng Bayan ng Diyos ayon sa Tawag ng panahon; at magtakda ng layunin at magka-isa sa paggawa ng mga alituntunin at patakaran.
Sa paliwanag ni Msgr. Willy Fabros Parokya ng Mahal na Birhen del Rosario Orani, Bataan |
||