The Roman Catholic Diocese of

Home BishopStude SundayMassMP3 FromthePriests Directory Offices Schools NewsArchives Gallery BalangaRocks

 

SA KANDUNGAN NG IMAHEN ...

(Kay Patricia, ang Pulubing Negrang Laging Natutulog sa Loob ng

Simbahan ng Our Lady of Peace sa 62nd Street)

 

Doon ka tiyak hihimlay

Matapos ang maghapong paglalakbay

Sa kung saan-saan

Sa kung kani-kaninong anino

At kung anu-anong naglahong pangarap

Ang muli mong bibitawan

Tuwing daraan ang mga deboto ng Birhen

Sa iyong paanan.

 

Sabi mo baliw ka na

Nang iwan ka ng isang anak na suwail

At asawang mahilig kang saktan

At pangako ng ibinoto mo noong halalan

Na sabay na naglaho

Nang pumatak ang unang yelo sa daan

At ng luha sa iyong kulubot na mukha.

 

Pero nakita kita kahapon

Huwag kang magkaila

Nakaluhod ka sa may paanan ng imahen

Ng Birhen na sabi mo ay bingi at bulag

Sa katulad mong nangangarap.

 

Ano ba ang ibinubulong mo?

Tiyak na hindi ang tungkol sa Olympics

O kaya ang bagong stadium sa Brooklyn;

May dasal ka ba na nais iparating

Sa Diyos na sabi mo ay hindi namamansin?

May natitira pa bang pag-asa

Sa puso mong sabi mo ay punit-punit na

Sa kahihila sa mga bagahe ng kahapon

At kabibingwit ng mga dahon ng nakaraan?

 

Alam kong may natitira pa rin

Ga-butil man ang pag-asa at damdamin

Hindi ka nag-iisa sa iyong mga naisin

Bingi man ang lipunan sa iyong pag-aakala

May natitira pang kamay sa iyo ay aakay

May ga-hibla pa ng liwanag

Sa mga gabi mo ay tatanglaw

Sa isang pusong nasugatan ng nakaraan.

 

Sige nga, isigaw mo ang nasa iyong isipan

Sa imahen na lagi mong pinagtatawanan

Malay mo, isang araw, sagutin ka niya

Tulad ng kuwento ni Barbara

Na nakakita ng anghel sa ilalim ng tulay

Nang magdasal siya sa simbahang madilim

Sa birhen ng mga birhen.

 

 

more Reflections

 @ 2007 Diocese of