The Roman Catholic Diocese of

Home BishopStude SundayMassMP3 FromthePriests Directory Offices Schools NewsArchives Gallery BalangaRocks

 

HINDI KO MAKITA ANG MGA BITUIN...

ika-18 ng Hulyo

 

 

Siguro natakpan ng mga gusali

Pero hinanap ko sa gitna ng Union Square

Talagang wala, parang isang papel

Na kinulayan ng pinturang asul

Ng kamay ng batikang pintor

At isinabit sa itaas ng aking mata.

 

Siguro nagtampo nang sunud-sunod na mamatay

Mga kabataang gising sa gabi

Mga nabundol ng mabibilis na taxi

O nakursunadahan o napag-initan

Nang magkatitigan at magkainisan

Mga nag-iinuman sa lansangan

Habang may baril sa kanilang baywang.

 

Nag-iba ang kulay ng gabi, ng maraming gabi

Akala ko ang madilim ay itim

Pero minsan ang madilim ay pula

Lalo na't may dugo ang mga kalsada.

 

Talagang hindi kita makita kahi't minsan

O baka ikaw ay nangibang-bayan

O kaya ay dumalaw sa mahal kong bayan

na kung tawagin ay Pilipinas

Kahi't na may kaguluhan

Ang gabi ay itim, ang langit ay asul

Ang gabi ay may bituin

Ang bawa't ngiti ay masasalamin

Sa mga kababayang kahi't nahihirapan.

 

O bituin, kung nasaan ka man

Dalhan mo ako ng liwanag o anino man lang

Sa iyong kandungan, ang gabi ay kulayan

Ang puso ay awitan, kaluluwa'y iduyan.

 

more Reflections

 @ 2007 Diocese of