The Roman Catholic Diocese of

Home BishopStude SundayMassMP3 FromthePriests Directory Offices Schools NewsArchives Gallery BalangaRocks

 

BALE WALA

Agosto 21

 

Ang lahat ay bale wala

Ang tagumpay ay bale wala

Kung wala kang natatanging ikaw

Na kasalo mo

Pagdating ng gabi

Pagkatapos ng trabaho

Sa maghapong pakikibaka

Sa nag-uunahang kalsada ng Manhattan...

 

Ito ang karanasan ni Eillen

Ni Paul, ni Bibsy, ni Gene, ni Robby

At ng marami pang puti ang lahi

At minsan, pati na rin ibang kulay

Kung ang buong buhay

Ay iniaalay sa trabaho

At naging matagumpay nga sila

May bahay, o apartment

At mataas na sweldo

At maraming credit at debit cards

At maraming burgers, steak at fries

At maraming broadway shows

At sine at billboards

At laptops at pabango at pangkulay ng buhok

At pangmarka sa katawan, sa paa o sa labi.

 

Pag-uwi daw ng bahay, apartment man o boarding house

Nag-iisang kakain ng galing sa paboritong fastfood

O kahi't na laging galing sa microwave

Mag-isang kakain habang nanonood ng cable tv

Na may mahigit dalawangdaang channels

At gigising na nagmmadali

Lalakad sa subway na dala ang kape sa basong papel

Habang ang isang kamay ay bitbit ang libreng dyaryo

At magmamadali pagbukas ng pintuan ng tren

At hindi titingin sa kung kani-kanino

Kasi babasahin ang dyaryo

Nakatayo habang hindi halos marinig ang malakas na ugong ng tren

At pagdating sa opisina, subsob ulit

Na parang hindi kilala ang lahat

Maliban sa mga hungkag na "how are you today?"

At "hello" at "hi"

At pag-uwi, ganoon ulit

Minsan aabangan ang weather channel

Kung anong uri ng damit ang dadalhin

May ulan ba ng 2 inches o showers lang

(Ewan ko pag winter na....).

 

Nagtaka ako nang minsan ay sabihin nila ito

Akala ko nagbibiro lang sila

At doon ko napahalagahan

Ang kultura ng pamilya sa atin

Kasi sila pag ayaw na sa isa

Pwedeng maghanap na naman ng iba

Tulad ng pagpalit ng sapatos

Na pang-summer o pang- winter

Kaya walang panghabangbuhay na relasyon

At wala ring hamon na kilalanin ang bawa't isa

At hindi rin maunawaan

Na kapag alam mo ang "bakit"

Lahat ng "gaano", lahat ng "paano"

Ay iyong tatawirin

Kasi sa kanila, ang lahat ay instant

Tulad ng kape at mga pagkain.

 

Hindi rin magkaroon ng kabuluhan

Hindi rin magkaroon ng lalim

Ang kahulugan ng buhay.

Doon ako nakaramdam ng awa sa kanila

Noong una ay inggit, pero hindi pala dapat

Kundi awa

Kasi ang lahat ay bale wala

Kung walang natatanging ikaw

Na makakasalo mo sa tagumpay at tuwa,

Sa lungkot at luha,

Ang lahat pala ay bale wala...

 

more Reflections

 @ 2007 Diocese of