ika-32 Linggo sa Karaniwang Panahon

Nobyembre 8, 2009

 

Ayaw nating pag-usapan ang pera sa Misa. Ang sinasabi natin:

"Ano ba 'yan? Pera na naman!"

"Akin 'iyon, ano'ng pakialam mo sa pera ko?"

Pero ang Ebanghelyo ay nagsasalita ukol dito. Tayo rin ay nagsasalita tungkol dito sa araw-araw ng buhay natin. Nagtatrabaho tayo para dito. Ginagastos natin ito para sa mga pangangailangan. Iniipon natin ito. Nagsasakripisyo ang pamilya kasi nangingibang-bansa ang isa o dalawang miyembro ng pamilya para kumita ng pera. May mga nagpapatayan dahil sa pera. Maraming krimen ay sanhi ng pera.

 

Bakit? Sapagka't ang pera ay isang napakalakas na puwersa sa lipunan at sa buhay ng tao. May mga balita ng nahahalal na lingkod ng bayan gawa ng pera. May mga balita ng botong binibili at ibinibenta dahil sa pera. May mga balita ng mga paring mukhang-pera. Ayon kay Fr. William Bausch ng New Jersey, sa Banal na Kasulatan,
-sa mga talinghaga ni Hesus, 16 sa 38 na talinghaga ay tungkol sa kung paano pamamahalaan ang pera at mga ari-arian

-sa 4 na Ebanghelyo, 1 sa bawa't 10 talata ay tungkol sa pera

-kung ang Biblia ay may 500 talata tungkol sa panalangin, may hindi bababa sa 500 talata tungkol sa pananampalataya, pero may higit sa 2000 talata tungkol sa pera!

 

Ano ngayon ang dapat nating pagnilayan sa pera?

1. Una, ang pera ay isang kaakit-akit na tukso. Ito ay makapangyarihan, nagbibigay buhay at nagdidikta ng maling respeto sa lipunan. Hindi batayan ng pagkatao mo kung meron kang pera, kung malaki ang pera mo o kung wala kang pera!

2. Ang pera, sa disenyo o isip ng Diyos, ay isang PAMPUBLIKONG bagay, hindi pribado. Sa isip ng Diyos, ang pera ay ipinagkatiwala lang sa atin. Sa isang simpleng pananalita, ang pera na nasa bulsa natin o naiipon natin ay hindi atin!

3. Maaring maging panukat o batayan ng pagiging mabuti o hindi mabuting Kristiyano ang pera. Depende sa kung paano mo tinatrato ang pera sa buhay mo. Mabuting Kristiyano ka kung hindi ka kuripot - kung nagbabahagi tayo ng pera o yaman sa mga dukha, sa mga maysakit, sa mga nangangailangan - hindi lang barya! Mabuting Kristiyano ka kung ituturing mong bagay at hindi diyos ang pera. Hindi pinag-uusapan kung malaki ang naitutulong mo, kundi ang kahandaang magbigay o tumulong.

Hindi ka mabuting Kristiyano kung ang diyos mo ay pera at ginagamit mo ito upang kontrolin ang tao - kung binibili mo ang dangal ng tao, ang dignidad ng tao, ang boto ay binibili o ibinebenta ng tao gawa ng pera.

 

Bilang paglagom, uulitin ko ang 3 bagay tungkol sa pera:

Una, ang pera ay dapat pag-usapan sapagka't pinag-usapan ito sa Banal na Kasulatan nang higit pa sa panalangin at pananampalataya!

Ikalawa, bagama't kailangan natin ang pera, maging alisto tayo sa 2 mukha nito - oo nga, kailangan natin ito sa araw-araw, pero baka maging alipin tayo ng pera. Ikatlo, ang paraan ng paghawak ng pera ay maaring maging batayan o panukat sa ating pagiging mabuti o di-mabuting Kristiyano.

 

Ngayon, pag-usapan natin ang balo sa mga pagbasa:

 

Sa orihinal na intensiyon ng mga pagbasa, ang balo ay isang sagisag o simbolo ng kahi't na sinong nangangailangan pero sa gitna na kanilang pangangailangan, may kadakilaan pa rin sa puso upang tumulong. Nakita natin ito sa Unang Pagbasa. Kailangan ng balo ang kumain pero may dakilang puso siya upang magbahagi sa dayuhan. At kinalugdan ng Diyos ito. Sa Ebanghelyo, ang balo ay nagbigay ng buong budget niya sa maghapon, bagama't hindi hamak na mas maliit sa halaga kaysa sa ibinigay ng mayaman sa templo. Ang ibinigay ng mayaman ay barya lang. Pero ang balo ay nagbigay ng buong budget niya sa maghapon.

 

Ayon sa ilang Spiritual Fathers, ang regalo ay regalo kung kasama ang buhay mo sa pagbibigay mo nito. Hindi pinag-uusapaan ang laki ng halagang ibinigay mo kundi ang bahagi ng buhay mo na kalakip ng regalo. Oo nga nagbigay ka ng 5 libo sa simbahan, pero barya lang naman ito sa kinikita mo; oo nga nagbigay ka ng 5 kahon sa relief operations ng mga nasalanta ng bagyo at baha, pero ang mga ito naman ay hindi mo na ginagamit at mga pinaglumaan, mga pinaglakihan - sa mata ng Diyos, mabuti pa ang nagbigay ng 1 tshirt na bago na sana ay ireregalo mo sa anak mo sa darating niyang birthday. Ipagpaumanhin ninyo, mga kapatid, iba ang isip ng Diyos, hindi ito tulad ng isip ng tao.

 

Ngayon, pag-uwi ninyo sa bahay, tingnan ninyo ang mga gamit ninyo - kailangan ba ang mga ito o gusto mo lang magkaroon ng mga ito? Suriin ninyo ang inyong mga pera at ari-arian - para kanino ba ang mga ito? Sila ba ang diyos ninyo?

Home BishopStude SundayMassMP3 FromthePriests Directory Offices NewsArchives Gallery BalangaRocks

item1
item1a
oldmananddog3

poemBlogs_and_more

beyondBorders.

PERA

 @ 2007 Diocese of

Home

FrJun