![]() |
||
Home BishopStude SundayMassMP3 FromthePriests Directory Offices Schools NewsArchives Gallery BalangaRocks |
||
MULI...
Sa muling pagsikat ng araw
Sana makita ang Iyong mukha
Kahi't sa pangarap ng batang kalsada
Sa uyayi ng isang ina
At awit ng isang dukha.
Sana may muling indayog ang duyan
Na minsa'y nagpatulog sa bunso
Ang haplos ng iniwang alaala
At sayaw ng alon sa dagat
Sana naroon Ka, isang umaga.
Sa Iyong piling muling yakapin
Sa Iyong dibdib muling damhin
Bigyang ilaw ang dilim ng gabi
Bigyang liwanag ang pusong naghahanap.
At muli, mawawala ang araw
Sa kanluran, sa malayong nandoon
Ikaw pa kaya ang muling gigising
Sa natatakot na pagkahimbing
O Hesus, muli akong akayin.
10 Nobyembre 2007