|
Naka alis na ang mga maghahatid, muli ako ay nag-iisa sa bagong tahanan sa pagsalubong ni Ate Aida at Allan, mga lingkod ng parokya. Hindi alam kung saan mag-uumpisa at hindi alam ang patutunguhan, subalit may bagong pagmamahal mula sa Diyos na pinaglilingkuran.
Ano itong aking nadarama, hindi maka kilos at hindi mawari kung saan mag-uumpisa. Unang gabi sa parokya muling nilunod ng luha at ang gabi ay naparam. Kinabukasan, unang misa sa parokya; inialay ng buong puso para sa Mahal na Ina. Sa aking pangungulila, ako ay nagpasya, kailangang bumisita sa bagong komunidad na aking kinatatayuan. Ginugol ang maghapon sa pakikipag-usap at pagbisita sa mga matatandang nakahiga na sa banig ng karamdaman. Hindi ko napansin ay maghahapon na, 16 na matanda ay aking nakilala. Sinuot mga suluk-sulok na bahagi ng parokya, malapit lang subalit hindi pala nabibisita. Kaya gayon na lang ang tuwa ng iba, abot tanaw ng simbahan subalit hindi nayayapakan. Hindi ko alam kung makasariling pagbisita sapagkat ang sanhi ng kalungkutan ay siyang nagpadama na ako taga-Immaculada na.
|