The Roman Catholic Diocese of

Home BishopStude SundayMassMP3 FromthePriests Directory Offices Schools NewsArchives Gallery BalangaRocks

 

Si UNO at iba pa…

 

 KAPISTAHAN NG KRISTONG HARI

Si Uno.  Ang pangalan talaga niya ay Avelino.  Siya yong 12 taong gulang na batang minsan ay nai-homily ko sa inyo na nagsa-shine ng sapatos sa Cubao, na humina ang kita nang mauso ang mga instant shine na nabibili sa mga malls.  Uno ang tawag sa kanya ng kanyang nanay kasi panganay siya.  Apat silang magkakapatid, panay lalaki.  Ang tawag din sa kanila ng nanay nila ay dos, tres at cuatro. 

Minsan ay dinalaw ko si Uno sa kanilang bahay sa Parang, Marikina na isang apostolate area ng mga seminarista sa San Jose, mga taong 1990.  Naabutan ko ang nanay nila.  Naglalaba.  Labandera siya. 

P 150 ang bawa’t laba niya, may plantsa na yon.  Sa mga bahay sa katabing subdivision siya kumukuha ng labada.  Kung 3 bahay ang napagsisilbihan niya, masuwerte na daw.  Basta kaya niya, para sa kanilang mga anak.  Ang asawa niya ay karpentero.  Dating security guard sa isang pabrika , kaya lang tinanggal kasi Katoliko siya.  Ayaw daw nila ng mga Katoliko kasi nagra-rally.  Ewan ko kung totoo talaga ito pero yon ang bali-balita ng mga kapwa trabador niya.  Nakausap ko rin siya.  Pa-extra-extra sa mga ginagawang bahay minsan hanggang Antipolo.  Pareho sila ng dahilan ng asawa.  Ang pagpupunyagi nila ay para sa kanilang mga anak.  Upang matupad ang kanilang mga pangarap – ano man yon, di ko na inusisa.  Ang mahalaga, gusto nilang magbanat ng buto para sa kanilang pamilya. 

Sa aming pagninilay sa seminaryo, iba ang sharing na napagnilayan ko sa pamilya nina Uno. Hindi talaga karpentero ang tatay niya.  Hindi talaga bahay ang ginagawa niya.  Ang ginagawa niya ay isang lipunan, isang bansa. Hindi talaga karpentero ang tatay niya.  Ang bawa’t martilyo at lagari at paghahalo ng semento ay pagbuo ng isang pangarap, pagbuo ng isang pag-asa sa lipunang aandap-andap ang pakikipagkapuwa tao at pagsasabuhay ng pagiging Kristiyano.  Ang nanay ni Uno?  Hindi talaga labandera ang kanyang nanay.  Hindi mga damit ang nilalabhan niya kundi mga kasalanan ng lipunang mahirap ipakilala ang Diyos.  Mga kasalanan ng isang bansang sa halagang P200.00 ay kayang ibenta ang boto.  Mga kasalanan ng isang bansang madaling makalimot sa kasaysayan, isang bansang laganap ang krimen, imoralidad at pang-aapi sa mga maliliit na katulad nina Uno. 

Sila ang mga inspirasyon ko sa kapistahan ng KRISTONG HARI.  Hindi man nila binabanggit na si Kristo ang Hari nila sa buhay, sa pakikipagniig ko sa kanila, mas nakikita ko ang pagiging malapit nila sa Diyos.  Wala na silang inaasahang iba kundi ang Diyos.  Mga  kapwa manggagawa sa ubasan ng Diyos na di ko mawari kung nalalaman pa natin sa gitna ng mga makabagong teknolohiya na tayo ay pansamantala lamang na nabubuhay dito sa lupang ibabaw.  Si Uno, ang kanyang tatay na karpentero, ang kanyang nanay na labandera, sila ang mga tahimik na naglalakbay sa landas na ang tawag ay Buhay.  Sila ang mga tahimik na napapabayaan ng lipunan pero patuloy ang pagpupunyagi para maabot ang mga pangarap – sa abot ng kanilang makakaya, walang panlalamang sa kapwa, may kapayapaan sa gitna ng di-katiyakang pag-ikot ng gulong ng buhay.

Tayo, mga kapatid, para saan at para kanino ang pagpapagod natin?  Para ba ito sa sarili lamang, sa lipunan, o sa bansa at Simbahan?  Mga kapatid, alalahanin natin ang mga katulad nina Uno.  Kung tunay ang pagsunod natin kay Hesus, dapat, sa iba’t ibang yugto ng buhay natin, makita ang sakripisyo, ang paninindigan sa panig ng katotohanan at katarungan, sa pagiging mabuting Katolikong may dangal, sa salita at gawa, ang malalim na pagtingin sa ating buhay – pananampalataya upang ipanganak din ang mga bagong Jesus sa ating lipunan na nagmula sa isang marangal na angkan ng mga katulad nina Uno.

 

 

Fr. Jun

 @ 2007 Diocese of