The Roman Catholic Diocese of

Home BishopStude SundayMassMP3 FromthePriests Directory Offices Schools NewsArchives Gallery BalangaRocks

 

PATAWAD!

 

Minsan, sa pagdalaw ko sa mga matatanda at mga maysakit na hindi na makapunta sa simbahan, ginulat ako ni Mang X.  Matagal na siyang nasa higaan, hindi na makabangon. Lagi na lang siyang nakahiga, doon na pinakakain, doon na lahat - ang mundo niya sa 24 oras ay isang kahoy na higaan.  Mahina na, halos hindi na maigalaw ang mga kamay.  Ito lagi ang "eksena" na  inaabutan ko tuwing dadalawin ko siya.  Pero, kapag ang pinag-uusapan ay ang panganay niyang kapatid na lalaki, bigla siyang lumalakas.  Ang dahilan? - hindi niya pinatatawad ito.  May matagal na silang away.  Bagama't pinatawad na siya ng kapatid niya, ayaw itong tanggapin ni Mang X.  Kaya kapag napupunta sa kanya ang usapan - sa hindi ko maipaliwanag na dahilan, bigla siyang lumalakas, nanginginig pa nga - sa galit.  Naisip ko tuloy minsan, kapag may hindi ka pinatatawad - lumalakas ka.  Oo.  Kagagawan ito ng demonyo, upang tumagal ang buhay mo at upang bigyan mo ng papuri ang diyos ng kadilimian.  Kung tutuusin, ayaw ka niyang bigyan ng katahimikan, ng kapayapaan ng puso.  Kapag laging ganito, ang buhay mo ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng kadiliman.

 

Mga kapatid, pagpapatawad ang tema ngayon.  Hindi upang yakapin lang natin ang mga kasamaan na natanggap natin o kaya ay balewalain na lamang ang mga gumawa sa atin ng masama.  Kung babalikan natin si Papa Pablo II, at ang muntik nang makapatay sa kanya na si Mahmet Ali Agca.  Ikinulong si Mahmet Ali Agca pero dinalaw siya ng Papa nang gumaling na siya, pinatawad, pero nanatili si Mahmet sa kulungan.  Ang pagpapatawad ay laging nakabatay sa katarungan. 

 

Sa iba't ibang yugto ng buhay natin, maaring tayo ay nangangailangan ng pagpapatawad o tayo mismo ang magpapatawad.  Lagi nating alalahanin si Hesus na nagbigay sa atin ng halimbawa.  Ang pagpapatawad ay isang pagkakataon ng pagbabagong buhay.  Hindi upang magkondena, kundi upang bigyan pa ng isang pagkakataon ng bagong pag-asa.  Ito ang nagpapaiba sa atin sa mga nilikha ng Diyos - ang kakayahang magpatawad, ang kakayahang magbigay ng bagong pag-asa sa kapwa - walang labis, walang kulang. Ang pagpapatawad ay hindi lamang sa nguso, kundi laging nasa puso.

 

Ipagdasal natin ngayon ang mga nagawan natin ng sama ng loob, at hilingin sa Diyos ang biyaya ng pagpapatawad....

 

Amen.

 

Fr. Jun

 @ 2007 Diocese of