![]() |
||
Home BishopStude SundayMassMP3 FromthePriests Directory Offices Schools NewsArchives Gallery BalangaRocks |
||
KAPISTAHAN ng PAGBIBINYAG KAY HESUS ika-9 ng Enero 2005
Maraming paalala sa atin ang kapistahang ito. Hindi lamang upang palalimin natin ang ating kaalaman ukol sa binyag, kundi, upang tingnan din natin ang hamon na nakapaloob sa sakramentong ito. May isang pari na sa kanyang pagbibinyag ay isinakongkreto niya ang pangako ng bawa’t Kristiyano sa oras ng binyag. May malaki kasing tukso na mauwi sa isang hungkag na ritwal na lamang ang sakramento ng binyag—maraming ninong at ninang, mas abala sa pakimkim, mas abala sa handa at hindi rin makapasok sa tunay na diwa ng binyag. Sa gitnang bahagi ng pagbibinyag, may pangako tayo: ang pagtatakwil sa kasalanan at ang pagpapahayag ng ating pananampalataya. Minsan, ang paring ito ay pinalitan ang dating pormula sa pangako. Ang dati kasi ay: “itinatakwil ba ninyo si satanas?”, “itinatakwil ba ninyo ang pang-aakit ni satanas?”, atbp. at, “sumasampalataya ba kayo kay Kristo...?” Sa pagbibinyag ng pari, pinalitan niya ito ng: “itinatakwil ba ninyo ang shabu?” “itinatakwil ba ninyo ang pagiging makasarili?” “itinatakwil ba ninyo ang pang-aapi sa maliliit?” “Handa ba kayong mag-alay ng buhay para sa ating Simbahan?” “Handa ba kayong magbigay na walang hinihintay na kapalit?”, atbp. Tunay na ikinabahala ng mga tao sa loob ng simbahan. Oo nga naman. Sinong satanas ang itinatakwil natin? Baka akala natin ang satanas na ito ay isang tao. Ang satanas na ito ay nagsasangayon sa mga nagpapahirap sa ating lipunan—tulad ng shabu, ng makasariling ugali at iba pa. Tunay nga na ang pagsampalataya natin ay hindi lamang sa pag-recite ng credo, bagkus sa pagsunod sa kalooban ng Diyos sa ngayon at dito ng buhay natin—ang pagiging bayani at banal, ang pagsunod sa yapak ni Hesus. Minsan pa, sa ating pagpapabinyag, alalahanin natin ang mga bagay na ito. Doon lamang natin mapapahalagahan ang kapistahang ito. Hindi sa maka-melodramatikong pagbigkas ng mga salita, hindi sa makasentimental na panonood ng mga simbolo sa binyag—kundi sa pagsasangayon ng liturhiya ng binyag. Nagsasalita ang sakramento ng Binyag ngayon. |
||||