![]() |
||
Home BishopStude SundayMassMP3 FromthePriests Directory Offices Schools NewsArchives Gallery BalangaRocks |
||
OKTUBRE 2
Minsan, sa isang pahayagan dito sa New York ay naiulat ang pagsasara ng isang parokya kasi bankrupt na daw. Hindi ko nais bigyan ng pansin sa ngayon ang relasyon ng pananalapi sa pagbubukas o pagsasara ng isang parokya. Ang nais kong bigyan ng pansin ay ang mga sinabi ng mga tao: ang nangingibabaw na dahilan ay ang NAKARAAN nila. Sabi nila, ilang daang tao na ang nagkaroon ng mahal-banal na relasyon sa Diyos dahil sa kanilang pagsisimba dito? gaano karami na ang naging Kristiyano kasi may simbahan dito? Gaano karami na ang nakatanggap ng absolusyon sa kanilang mga kasalanan kasi may simbahan dito? Pati ba naman ang pananamplataya nila ay nakakahon na rin sa takbo ng negosyo na porke lugi na ay kailangang isara na? Ilan lang ito sa mga hinaing ng mga taong parokyano sa lugar na ito. Binanggit pa nga ng ilan na maraming ipinadalang misyonero dito upang ipagpatuloy ang pagpapakilala kay Hesus, pero ano ang ginawa nila? Sa matalinghagang pananalita, ipinapatay daw nila ang mga ito sa pagsasara ng kanilang parokya.
Sa Linggong ito mga kapatid, muling ipinakikita sa atin ang isang allegory: Ang may-ari ng ubasan ay ang Diyos. Ang mga nangalaga sa ubasan ay ang mga namumuno dito, at ang mga ipinadala Niyang tauhan ay ang mga naunang propeta. At higit sa lahat, ang kanyang anak na isinugo at ipinapatay din ay si Hesus. Hindi lang ukol sa kasaysayan ang Ebanghelyo. Tungkol din ito, higit sa lahat, sa mga isinugo ng Diyos upang pangalagaan ang Kanyang Simbahan. Naalala ninyo si Fr. Neri Satur? Si Archbishop Oscar Romero? at iba pang modernong tao na ipinapatay kasi dala nila si Hesus upang ipagpatuloy ang misyon ng ebanghelisasyon?
Sa araw na ito, alalahanin natin ang mga naunang Kristiyano na nagbuwis ng buhay para sa atin - sa kahi't anong bahagi ng mundo naroroon ang ubasan ng Diyos. isang pag-aalaala na may kakambal na responsibilidad. Sa ngayon, ano na ang pangangalaga na ginagawa natin sa ating mga parokya? mga kumbento? mga komunidad? ang mga simbahan natin? Naaalala ba natin ang paghihirap ng mga nauna sa atin upang tamasahin natin ang kinatatayuan natin ngayon?
Sa pamamagitan ng Banal Na Misa, nawa'y patuloy nating hingin ang biyaya ng pasasalamat sa nakaraan, sa kasalukuyan at ang ating responsibilidad sa kinabukasan. Amen. |
||||