![]() |
||
Home BishopStude SundayMassMP3 FromthePriests Directory Offices Schools NewsArchives Gallery BalangaRocks |
||
SI YAEL, ANG MUSLIM CAP at ang ADBIYENTO
Maraming nagtaka nang makita nila na meron akong isang Muslim cap. Alaala ng isang kaibigan, si Yael (hindi tunay na pangalan). Hindi na ito ang original na souvenir niya sa akin. Nawala na ang original na cap. Matalik kong kaibigan si Yael noong 2nd year college kami sa Bicol, sa ROTC, (CMT na yata ngayon?), 1978 noon. Dayo sila sa Bicol. Ang mga magulang niya ay nagtitinda ng mga perlas galing sa Mindanao. Basta Mindanao. Ganoon lang. Naging kaibigan ko na rin ang mga magulang niya at 2 kapatid. Umalis sila at bumalik sa Mindanao at hindi ko na siya nakasabay mag graduate.
Simula 1978 hindi na kami nagkita hanggang noong 1992, sumali ako sa isang nationwide songwriting contest, bagama’t hindi ako nanalo, nakasama ako sa 10 finalists. Nakalagay ang aking litrato sa Inquirer. Makalipas ang 2 linggo, may bisita ako sa seminaryo. Si Yael. Pagkatapos ng 14 taon nagkita kami. 2 linggo daw siya sa Maynila at nagpasyang hanapin ako. Maraming pag-aalinlangan. Pareho kami nag-alinlangan kung siya nga o kung ako nga. Pangalan ko lang ang pinanghawakan niya. At ang nunal lang niya sa may kaliwang bahagi ang naalala ko. Pareho na mataba. Maraming nagtaka sa seminaryo. Ano ang ginagawa ng isang Muslim sa seminaryo. May mga pangamba. Una daw, nag-alinlangan siya. Lalo na nang mabasa niya na ako ay isang seminarista. Sabagay noong nasa college kami, hindi naman namin pinag-uusapan ang relihiyon. Sabi niya, baka mas mangingibabaw ang pagkakaibigan namin kaysa pagkakaiba ng relihiyon. Kasama na siya ng isang grupo na hindi nakikipagkaibigan sa pamahalaan. Marami na kaming pagkakaiba. Matingkad na sa akin ang pagiging Katoliko. At siya rin, sa kanyang Allah. Ang isang pinag-usapan namin ay tungkol sa sitwasyon namin noon. Inirereklamo niya ang kapayapaan sa Mindanao. Ang kanyang 12 taong gulang na anak ay baka maging sundalo na rin. Totoo nga kasi noong isang taon, may isang TV documentary tungkol sa mga batang sundalo sa Mindanao. Magkaiba kami ng pananaw dito. Pero ang punto ay iisa. Pareho kami naghahangad ng kapayapaan. Ang hanap niya ay kapayapaan ng Muslim na makipamuhay kasama ang mga Kristiyano. Ibinigay niya sa akin ang isang muslim cap bilang alaala na kahi’t magkalayo kami, pag nakikita ko ang muslim cap na bigay niya, hiling niya ang aking panalangin sa aking Diyos, at siya sa kanyang Allah – panalangin para sa kapayapaan. Marahil may pagkakaiba. Pero sa aking palagay, kapag hinanap natin ang pagkakaiba, laging meron. Pero pwede rin nating hanapin ang pagkakapareho. Muslim man o Kristiyano, iisa ang hangarin - kapayapaan. Sa Unang linggo ng Adbiyento, nais kong hintayin ang pagsilang ng isang bagong sabsaban sa ating puso – ang pagsilang muli ng Prinsipe ng kapayapaan sa ating makabagong sabsaban – sa ating puso. |
||||