![]() |
||
Home BishopStude SundayMassMP3 FromthePriests Directory Offices Schools NewsArchives Gallery BalangaRocks |
||
BAGONG TAON 2005
TULAY
Sa Mt. Samat, noong ika-27 ng Nobyembre ay nakilala ko sina Aling Mameng, 64 taong gulang, at si Wilson, 9 na taong gulang. Sila ay dalawa lamang sa humigit-kumulang na 15,000 Katolikong nagdasal, naglakad paakyat sa bundok, nagbalik-alaala, at nangarap. Sila ang naging tulay ko upang balikan ang nakaraan at mangarap sa isang mabiyayang bukas.
Sa pag-akyat ni Aling Mameng, binalikan niya ang alaala ng kanyang amang namatay sa digmaan. Hindi man niya naalala ang mukha ng kanyang ama, sa pamamagitan ng mga kuwento ng kanyang ina, nakilala niya ang katapangan ng kanyang ama. Tatlong taong gulang pa lamang si Aling Mameng nang makipaglaban ang kanyang ama at mamatay sa kamay ng mga Hapon. Alam niya, matapang ang kanyang ama. Alam ni Aling Mameng na sa bawa’t paghakbang niya sa bundok na ito, may mga natuyong dugo ng mga bayani ang nagdilig sa lupang kanyang sinilangan. Alam ni Aling Mameng na marami pang ibang katulad ng kanyang ama ay nagdilig din ng buhay sa peninsulang ito.
Sa isang bahagi ng pulu-pulutong na Katoliko ay si Wilson. Biyernes pa lang daw ay hindi na halos ito makatulog. Tulad ng ibang bata, ang pagpunta sa Mt. Samat ay parang sine, may dalang excitement. Hindi man halos ininda ang pagod, hindi man halos maintindihan ang pagsindi ng mga kandila, hindi man halos maunawaan ang dahilan ng krus sa bundok, nagpatuloy siya, nakasaya, nakiawat, at tiyak, nakidasal din.
Mga kapatid, ngayong bagong taon, ang ating Diyosesis ay nasa gitna ng mga Aling Mameng at mga Wilson. Napapagitnaan tayo ng kahapon at bukas na punong puno ng kabayanihan at kabanalan. Kabayanihan at kabanalan ng mga nauna sa atin at ng mga susunod sa atin. O marahil, wala talagang linya kung nasaaan tayo. Parang baybayin sa dagat, hindi mo alam kung hanggang saan ang lupa o hanggang saan ang dagat. Marahil nga ay kabilang pa tayo sa mga henerasyon nina Aling Mameng at Wilson. Ito ang lalong nagpapalalim sa kahulugan ng pagdiriwang ng Bagong Taon.
Hindi lingid sa kaalaman ng bawa’t isa ang nararanasang krisis ng ating bansa. Minsan, nauuwi tayo sa sisihan. Minsan pa nga, kasama ang Simbahan sa paglutas nito, katulad ng Pondo ng Pinoy ng Maynila at karatig lugar. Minsan, nakakasawa nang pakinggan ang mga balita ng katiwalian, ng kawalang-trabaho, kawalang-pag-asa, panloloko, at pag-aabuso sa buhay ng tao. Naitatanong pa nga minsan, bakit mura ang buhay sa isang bansang may mayamang tradisyon ng Kristiyanismo. Saksi tayo sa mga balita ng mga namumuno sa ating bayan na sangkot sa katiwalian at habang ginagawa nila ang panloloko ay may imahen pa ng Santo Niņo at ng Mahal na Birhen sa kanilang mga opisina. Mas higit sa ano pa man, ang ating bansa ay nangangailangan ng mga bagong bayani at banal.
Kailangan natin ang isang pagpapanibago ng kahulugan ng kabayanihan at kabanalan. Hindi na katulad ng kabayanihan ng ama ni Aling Mameng, o ng iba pang nagbuhos ng dugo at buhay sa Death March, simula Mariveles hanggang Tarlac. Ang kabayanihan ay maipapakita natin sa katapatan sa paglilingkod bilang gobernador, congressman, mayor, barangay captain, kagawad, guro, pari, driver, mangingisda, magsasaka, tindera at kung nasaan ka sa ngayon at dito ng buhay mo. Maipakikita natin ang kabayanihan at kabanalan sa pagiging huwaran sa mga Wilson ng ating panahon. Marahil nagsisimula sa disiplina sa sarili, sa paggalang sa matatanda, sa pagiging tapat sa pagbabayad ng buwis, sa pag-iwas sa mga bisyo, sa pagiging isang honest na pulis, na politiko at mamamayan. Maipakikita natin ang kabanalan hindi lamang sa loob ng simbahan o sa pagsuot ng abito at belo at paghawak ng rosaryo. Kabanalan din ang pagsusumikap na damayan ang kapwang tunay na nangangailangan ng kalinga. Kabanalan din ang magpakumbaba at sundin ang kalooban ng Diyos, kahi’t hindi ka pari o madre.
Saan na tayo pupunta simula sa bagong taon na ito? May maibibigay tayo sa ating bansa. Ibang-iba ang Bataan – narito ang libu-libong bayani noong nakaraang pahanon. Narito ang maraming banal na nag-alay ng dugo para sa bayan. Narito ang maraming nagpasan ng krus upang magkaroon ng kalayaan ang ating bansa. Hindi tayo dapat mawala sa ugat ng kasaysayan. Ang ating Diyosesis ay maaring maging isang launching pad ng isang pangarap. Kaya natin ito. Hindi tayo pababayaan ng Diyos sa banal na pangarap na ito. Hnidi tayo iiwan ng mahal na Birhen sa landas ng buhay na ito.
Magiging mabiyaya ang taong ito kung pagsusumikapan nating baguhin ang mukha ng mga dati at nakaugalian na. Ngayon ang simula ng bagong pangarap. Ngayon ang unang hakbang sa mahabang paglalakbay tungo sa kabayanihan at kabanalan. Bawa’t isa ay may papel na gagampanan sa paglalakbay na ito. Gawin nating makahulugan ang pagdiriwang ng Bagong Taon. May higit pa sa mga paputok, may higit pa sa mga minsang hungkag na pagbabatian ng “Happy New Year!” Ito ang pagsamo ng ating peninsula – muling iaalay ang pangarap, muling patunayan ang kabayanihan at kabanalan. Ito ang tunay na Bagong Taon ng ating kasaysayan. Muli, Happy New Year! |
||||