The Roman Catholic Diocese of

Home BishopSoc SundayMassMP3 FromthePriests Directory Offices Schools NewsArchives Gallery BalangaRocks

SALAMAT PO!

Hulyo 3, 2006

Kapistahan ng Apostol Santo Tomas

 Ikalawang Taon ng biyaya ng  pamumuno ng Obispo Soc B. Villegas

Sa Diyosesis ng Balanga

 

Unang Sinodo ng Balanga

 

Makasaysayan at makabuluhan ang taong 2006 para sa Diyosesis ng Balanga. Sa taong ito ng Panginoon, ipinagdiwang natin ang kauna-unahang Sinodo sa lalawigan ng Bataan. Bagamat ang Diyosesis ay tatlumpu’t isang taon pa lamang, ang Kristiyanismo sa Bataan ay lampas na sa apat na raang taon. Tunay na masasabing ang taon 2006 ay taon ng Unang Sinodo ng Balanga. Inihanda natin ang Bayan ng Diyos sa pagtitipong ito sa pamamagitan ng paghubog sa pananampalataya na tinagurian nating “Bataan: Bayani at Banal”. Sa pamamagitan ng mga nilagom na kasagutan sa mga tandis ng paghubog, nabuo natin ang larawan ng kasalukuyan sa Bataan. Sa pamamagitan ng liwanag ng Diyos at ng ating pinagbuklod na pangarap, nabuo natin ang nais nating tahaking landas upang maging HERO ang bawat Katoliko sa Bataan. Ang panawagan sa pagdiriwang ng Unang Sinodo ay ginanap natin noong ikalabing-apat ng Setyembre, kapistahan ng Banal na Krus, sa karangalan din ng Krus ng Samat na siyang pangunahing bantayog sa Bataan.

Ang mga katuruan, pahayag at atas ng Sinodo ay akin nang pinagtibay at ngayon ay ipinatutupad na. Nabuo na natin ang Sangguninang Pastoral ng Diyosesis na siyang mangunguna sa pagbuo ng Pangkalahatang Planong Pastoral para sa buong Bataan. Sa awa ng Diyos, sana ay mabuo natin ang planong ito bago matapos ang taong kasalukuyan upang ang simula ng 2007 ay tunay na maging bagong simula para sa Simbahan sa Bataan.

Mga Paghubog

Patuloy ang paghubog ng mga punong lingkod ng mga parokya. Nakapagpatapos na tayo ng limampu at limang (55)laykong lingkod na hinubog ng   Pandayan ng Layko ng Diyosesis o PALAD. Mayroon pang halos ay anim na raang layko na naghihintay makatapos ng kanilang paghubog. Magbubukas na naman tayo ng bagong “panahon ng paghubog” na gagawin sa limang “pandayan” sa iba’t ibang bukluran.

Patuloy ang gawaing paghubog para sa mga kaparian, madre at laykong lingkod. Dagdag sa buwanang  paghubog, ang kaparian ay dumaan din sa limang araw na paghubog at limang araw na banal na pagsasanay noong Setyembre at Abril. May kapansin-pansing sigla at pagdalo sa mga pagpupulong katambal ng sigasig na ilapat sa buhay pastoral ang mga napag-aralan sa paghubog.

Sa kasalukuyan ay mayroong labing siyam mag-aaral ng religious education ang ating Diyosesis upang sa ilang taon ay magtamo ang Bataan ng katekistang propesyunal. Maipagmamalaki natin na apat sa mga mag-aaral upang maging katekista ay mula sa mga katutubong Aeta. Nagbubukas ito ng bagong yugto sa buhay pananampalataya ng mga katutubong kapatid.

Obispo Celso N. Guevarra, Utang na Loob po namin sa Inyo!

Nailipat na rin natin ang mga labi ng ating yumaong unang Obispo Celso N. Guevarra, sa tanging himlayan para sa mga Obispo sa Katedral ng San Jose. Ito ay isang hayagang pagkilala na utang na loob sa ama  sa pagkapari ng marami sa atin. Manatili nawang buhay ang diwa ng utang na loob sa ating lahat

Microfinancing- Asa Philippines

Nailunsad na rin ang microfinancing program sa Bataan upang matulungan ang mga dukha nating kapatid na makaahon sa kanilang kalagayan. Ang ASA Philippines ang nagtataguyod nito katuwang ang Ministri ng Pag-unlad at Kawanggawa ng ating diyosesis. Sa ngayon ay mayroon ng sangay sa Balanga, Orani, Mariveles at Dinalupihan. Mayroon nang 2,028 na tao ang napahiraman ng puhunan simula lamang nitong Marso 2006. Mahigit ng pitong milyon ang salaping nailabas upang makatulong sa mga dukhang nais na mamuhunan. Pangarap nating makapagpahiram ng puhunan sa anim na libong Bataeno bago matapos ang taon. Halos kasabay ng ating programang pantulong sa mg dukhang nangangailangan ng puhunan ay ang nutrition program para sa mga bata sa pamamagitan ng Hapag-Asa. Mayroong siyam na parokya ang nagpapakain sa halos isang libong bata upang tiyakin  ang kanilang kalusugan ng isip at katawan lalo na sa kanilang paglaki.

Mga Katolikong Paaralan

Kung ang taong 2005 ay taon ng pagtatayo, ang taong 2006 naman ay taon ng pagbubukas ng limang bagong Katolikong paaralan sa Bataan. Noong 2004, mayroon tayong limang paaralang parokyal na mayroong tatlong libong batang mag-aaral. Sa ngayon, mayroon nang 3,560 na batang nag-aaral sa Katolikong paaralan. Ito ay tanda ng ating pagmamahal sa mga bata at kabataan at sagisag ng ating pangangalaga sa kinabukasan ng Bataan.

Kung kalooban ng Diyos, mabuksan sana natin ang bagong paaralang Katoliko sa Morong upang matulungan ang mga kabataan doon. Dagdag sa St. Nicholas Catechetical  Center (SNCC) sa Mariveles, may pangarap ding magbukas ng paaralang Katoliko sa Mountain View at sa Sta Elena sa Orion. Idalangin natin ang katuparan ng mga pangarap na ito.

Bundok ng Samat sa Ikalawang Akyat

Sa ikalawang pagkakataon, sama-sama tayong umakyat sa Bundok ng Samat upang doon ay ipagdiwang ang ating pagiging Katolikong taga Bataan. Ayon sa bilang ng kapulisan, mahigit na tatlumpung libong tao ang umakyat sa Samat noong nakaraang Nobyembre. Napasimulan na natin ang kaugaliang magpugay sa Panginoon sa pamamagitan ng taunang lakbay panalangin sa Samat. Pinagtibay na ng Sinodo na gawin itong taunang debosyon ng diyosesis.

Mother’s Festival sa Ikalawang Kabanata

Sa ikalawang pagkakataon din, ipinagdiwang sa Bataan ang Mother’s Festival na sa taong 2006 ay ginanap sa Bagac, Bataan. Pinarangalan sa pagtitipon ang Inang kalikasan, ang Inang Birheng Maria at an gating Ina. Sa kabila ng ulan at malakas na hangin, nagkatipon ang libu libong tao sa tabi ng dagat ng Bagac upang parangalan ang mga ina.

Mga Bagong Tatag na Parokya at Bahay Pari

Mula sa dalawampu at apat (24) na parokya at isang chaplaincy noong 2004, mayroon na tayong tatlumpu at tatlong(33) parokya at dalawang(2) chaplaincy. Salamat sa kagandahang loob ng mga kapatid na paring relihiyoso, ang mga bagong tatag sa parokya ay salamin ng bagong sigla sa mga sumisibol na pamayanan. Salamat din sa Diyos sa mabilis na pagsibol ng ugnayang magkakapatid sa mga relihiyoso at diyosesano. Nabasbasan na rin natin ang bagong Bahay Pari sa Balanga upang maging bahay pahingahan at tagpuan ng kaparian na nais magpahinga o magnilay.

New Accounting system

Napasimulan na natin ang pinapanibagong accounting system para sa mga parokya ng Bataan. Ito ay susubukan nating ilapat sa ating pamamahala ng parokya upang sa takdang panahon ay makagawa tayo ng sariling parish accounting manual na tugma sa pangangailangan ng ating diyosesis.

Paninindigan Laban sa Sugal

Ang taong ito ay naging taon din ng sama-samang paninindigan laban sa paglaganap ng pasugalan sa Bataan. Sa pamamagitan ng isang paninindigan pastoral, tinuligsa natin ang pasugalan lalo na ang small town lottery (stl) at nag-alay ng pamalit na pantulong sa hanapbuhay ng mga dukha. Ang paninindigan ito ay umani ng pagbatikos at galit mula sa mga kinauukulan ng pamahalaan. Sa pamamagitan ng malayang pagpapahayag ng paninindigan, nagtagpo ang mga pinuno ng Simbahan at pamahalaan. Ang ganito ring katayuan ang nagbunsod upang ang iba’t ibang pastor at ministro ng mga Kristiyanong Simbahan sa Bataan ay manindigan laban sa sugal. Kinikilala pati ng mga pastor at ministro ng iba’t ibang simbahan ang pamumuno ng Simbahang Katoliko sa usaping ito.

Sa ikalawang taong ito ng sama-sama nating paglalakbay, ang sinasambit ng ating labi ay isang awit ng pasasalamat. Salamat sa Diyos! Salamat sa Birhen! Salamat kay San Jose! Salamat sa bawat isa!

Ang alingawngaw ng awit ng pasasalamat ay isang panalangin ng pagsusumamo upang ang mga buwan at taon pang darating ay lalo pang maging hitik sa mga bagong sibol at matamis na bunga! Ang sugat ay pinaghilom nang ganap. Ang pusong dati’y nagugulumihanan ay pinayapa na at panatag. Ang pananaw na dati’y laging malamlam na nakatanaw sa kanluran ay masaya ng nagbabantay sa silangan ng bukang liwayway.

Ang Bataan ay lubhang napakadakilang biyaya sa akin bilang pari! Sa kalagitnaan ng aking buhay, natagpuan ko ang dahilan kung bakit ako isinilang—para sa Bataan!

Salamat po.

 

 

SOCRATES B. VILLEGAS

       Obispo ng Balanga                  

 

Home

Bishop Soc

 @ 2007 Diocese of