The Roman Catholic Diocese of

Home BishopStude SundayMassMP3 FromthePriests Directory Offices Schools NewsArchives Gallery BalangaRocks

 

KATAPATAN NI JESUS, KATAPATAN NG MGA PARI

Liham Pastoral para sa Taon ng mga Pari

 

"Kailangan natin ang pari sapagkat kailangan natin si Jesus!" ito ay mga katagang nagmula sa labi ng Beata Teresa ng Calcutta. Ang pari ay larawan ng pag-ibig ng Diyos para sa kanyang bayan. Ang pari ay isang lalaking hinugot ng Diyos sa tadyang ng pamayanan, hinirang at itinalaga para sa mga banal na bagay, isinusugo at kinakasangkapan sa pagtataguyod ng kaharian ng Diyos.

Itinalaga ng Santo Papa Benedicto XVI ang taong ito, simula ikalabing siyam ng Hunyo-- Dakilang Kapistahan ng Mahal na Puso ni Jesus--hanggang sa ganito ring araw sa susunod na taon, bilang taon ng mga pari upang sama sama nating alalahanin ang ikasandaan at limampung taon ng kamatayan ng patron ng mga kura paroko, San Juan Maria Vianney. Ang taon nawang ito ay maging panahon ng panibagong pagpapahalaga ng bayan ng Diyos para sa biyaya ng pagkapari. Ito rin sana ay maging panahon ng tagsibol sa mga pari upang sariwain ang biyayang tinanggap sa ordinasyon.

Panawagan sa Bayan

Kung ayon sa awit ay "mahiwaga ang buhay ng tao", higit pang mas mahiwaga ang buhay ng pari. Ang pari ay namumuhay sa mundo subalit siya ay hindi para sa mundo. Ang pari ay namumuhay na mag-isa subalit ang Diyos ay lagi niyang kasama. Ang pari ay tao lamang subalit ang kapangyarihang kaloob sa kanya ay hindi man lamang iginawad sa mga anghel.Ang pari ay nagbabasbas, nagtuturo at tumutulong bagamat siya man ay kailangan ding basbasan, turuan at tulungan ng kanyang bayan. Mahiwaga ang buhay ng pari sapagkat mahiwaga ang Diyos na humirang sa kanya.

Ang pari ay tinawag ng Diyos. Ang pagpapari ay bokasyon mula sa Diyos. Nang marinig ng pari ang tawag na "Sumunod ka sa akin" narinig din niya ang kasunod na tinig "Mamatay ka para sa akin". Ang pagpapari ay pagsunod kay Kristo hanggang sa kamatayan ng krus tungo sa pagkabuhay. Kung paanong hindi maaaring ikuwento ang buhay ni Jesus nang walang krus, gayundin naman hindi maaaring mamuhay ang pari bilang tunay na pari nang walang sakripisyo Ang pamumuhay na dukha at payak ay pananagutan ng pari. Ang mahaba at taimtim na panalangin ay tungkulin ng pari. Ang maglingkod nang kubli at tumulong na walang sukli o kapalit ay pananagutan ng pari. Walang sariling tinig ang pari sapagkat siya ay alingawngaw lamang ng tinig ng kaisa-isang pari ang Panginoong Jesus.

Kailangan ng bayan ang pari sapagkat kailangan ng bayan si Jesus. Ang pari ay si Jesus na kapiling natin sa ating pamayanan.

Panawagan sa Kaparian

Nang kausapin naman ng Beata Teresa ng Calcutta ang kaparian ng buong mundo, panawagan niya sa mga pari "Ibigay ninyo sa amin si Jesus, si Jesus lamang, si Jesus tuwina". Iisa lamang ang tungkulin ng bawat pari—maging banal na paring larawan ni Jesus. Kailangang akayin ng bawat pari ang bawat tao sa landas ng kabanalan.

Ano ang saysay na makisangkot tayo sa pagtataguyod ng kapayapaan at katarungan at maghandog ng kawang gawa kung hindi naman tayo sumasampalataya sa buhay na walang hanggan? Ano ang saysay ng malawakang katekesis kung wala na sa kamalayan ng mga kabataan ang katotohanan ng kamatayan, ng langit, ng impiyerno at purgatoryo? Maraming usaping panlipunan ang tinatalakay natin at pinagtatalunan subalit nasa kamalayan pa ba natin ang tungkol sa grasya ng Diyos, tungkol sa kasalanan o tungkol sa kaluluwa? Nakapag-ipon na tayo ng maraming salapi upang pagandahin ang simbahan at pagyamanin ang pagsamba subalit nawawala naman ang ating pagpapahalaga sa mga bagay na banal. Dahil sa pagnanais na balikan diumano ang "dalisay na pananampalataya" binawasan o tuluyan nang inalis ang prusisyon, rosaryo, nobena at iba pang debosyon. Ang mga nabanggit ay mga tanda lamang na tunay nating kailangan ang taon ng mga pari upang panariwain ng kaparian ang pagpapahalaga sa mga tunay na mahalaga at akayin ang bayan sa ganito ring pagpapahalaga.

Idalangin ang mga Pari

Bilang bayan ng Diyos sa ating diyosesis, tayo sana ay sama-samang manalangin para sa ikababanal ng kaparian at sa ikapapanibago ng ating pananampalatayang Katoliko. Muli akong nananawagan na ugaliin nating magsimba at tumanggap ng Komunyon araw-araw. Simulan nawa ng mga magulang ang pagdarasal ng rosaryo sa tahanan kasama ang buong mag-anak. Sa bawat misteryo ay idagdag ang panalangin "Kabalanan ng kaparian, kabanalan ng sambayanan, dinggin mo ang aming kahilingan". Tuwing unang Biyernes ng buwan, manalangin tayo sa harap ng Kabanal-banalang Sakramento at gumawa ng Banal na Oras sa ikababanal ng kaparian.

 

Kailangan ng bayan ang banal na kaparian. Kailangan naman ng kaparian ang panalangin ng sambayanan. Sa buhay ng bawat tapat at banal na pari, masalamin nawa ng pamayanan ang tapat na pag-ibig ni Jesus.

 

Mula sa Katedral ng San Jose, Lungsod ng Balanga, ikalabing siyam ng Hunyo, 2009.

 

 

 

+SOCRATES B. VILLEGAS

Obispo ng Balanga

Home

BishopSoc

 @ 2007 Diocese of