![]() |
||
Home BishopStude SundayMassMP3 FromthePriests Directory Offices Schools NewsArchives Gallery BalangaRocks |
||
PANG-APAT NA AKYAT Fourth Diocesan Pilgrimage to Mount Samat Mount Samat, Pilar, Bataan Disyembre 1, 2007
Ito ang ikaapat na taon ng ating panata sa bundok ng Samat. Apat na taon na ang nakalilipas nang simulan natin ang ating taunang tagpuan sa Samat, bundok ng mga bayani at banal. Handa ba kayong maging banal tulad ni San Jose? Handa ba kayong maging bayani katulad ng mga tagapagtanggol ng Bataan?
Apat na taon na tayo dito sa Samat! Limampung taon mula ngayon baka isa na sa inyo ang magiging Obispo ng Balanga na magmimisa sa taunang tagpuang ito! Darating ang panahon marami sa inyo ay makakasama na ng Obispo sa altar sa pagmimisa sapagkat pari na kayo ng Bataan! Sino sa inyo ang nais magpari? Baka ang isa sa inyo ngayon ay siya ng Gobernador ng Bataan o baka Pangulo ng Pilipinas limampung taon mula ngayon!
Kapag kayo na ang mga punong lingkod dito sa Bataan, ipangako ninyo sa harap ng Diyos na ipagpapatuloy ninyo ang taunang pag-akyat sa bundok na ito upang ipagdiwang ang pananampalatayang Katoliko dito sa Bataan! Promise?
Bakit nga ba mahalaga ang Samat? Ang tawag sa bundok na ito ay Dambana ng Kagitingan. Ito ay alaala ng mga bayaning Pilipino na nagtanggol at nakidigma para sa bayan. Ang ilan sa kanila ay namatay noong digmaan. Ang ilan ay sumakabilang buhay matapos maghirap sa Death March. Ang ilan ay buhay at kapiling natin, mga buhay na bayani na dapat nating tularan.
Paano natin nakikilala ang tunay na bayani? Paano natin maipakikita ang totoong kagitingan? Ang tunay na magiting ay nakikita lamang kapag madilim. Sa kadiliman, ang tunay na bayani ay nagniningning. Real heroes turn luminous in darkness. Kahit madilim na, ang mga tunay na bayani ay may dalang apoy ng liwanag na gagapi sa kadiliman at magbibigay ng pag-asa. Ang tanghaling tapat ay sagisag ng ating tagumpay at ginhawa. Kung mayroon ka mang kandilang may sindi, hindi ito lubusang nakikilala kapag may sikat ng araw. Sa dilim, sa dapit hapon, sa hatinggabi, sa madaling araw, kahit ang maliit na kandila ay nagiging maganda at mahalaga. Iyan ang kabayanihan sa dilim ng buhay.
Huwag tayong matakot sa dilim. Huwag nating isumpa ang dilim. The brave who walk through the dark night will be able to see the lovely moon and the brilliant stars. Huwag nating itago sa aklat ng kasaysayan ang Fall of Bataan. Nang sumuko ang Bataan nagdilim ang Pilipinas subalit, maraming bayani ang naging bituin sa ibabaw ng langit sa Bataan! Ipahayag nating ang Bataan ay sumuko kung paanong isinuko ni Jesus ang Kanyang sarili sa krus. Sa pagsuko ni Jesus, tayo ay naligtas. In the Fall of Bataan, many more stars were added to our skies. We are now more beautiful, we are now more free because of the heroes of Bataan. Kapag madilim, huwag matakot. Labanan natin ang dilim sa pamamagitan ng liwanag sa ating pusong bayani at banal. Maganda ang maghapon kapag may sikat ang araw. Maganda ang dilim dahil may mga bayaning nagbibigay liwanag sa dilim. At kayo mga kabataan ng Bataan ang liwanag sa dilim!
Kung hinahanap natin ang kagitingan, saan pa tayo maaaring maghanap? Ang tunay na bayani ay nakikita hindi lamang sa madilim na paligid kundi sa mahirap na katayuan din. Mahirap maging bayani. Walang naging bayani sa ginhawa. Walang naging banal sa pasarap ng buhay. Walang naging dakila ng hindi nahirapan.
Nahirapan tayong umakyat sa bundok na ito. Ito ay pagsasanay ng ating lakas ng loob na huwag urungan ang mahirap. Huwag matakot mahirapan. Sa awa ng Diyos at sa ating pagsisikap, pagtitiyaga at pagtitiis tayo ay dahan dahang nahuhubog upang maging bayani para sa bayan.
Mga kabataan, huwag ninyong iasa sa inyong mga magulang ang ganda ng kinabukasan. Huwag lang basta mamulot ng bunga. Mas magandang magtanin, mangalaga sa tanim, maghintay at sa tamang panahon ay mamitas ng bunga. Huwag lang maghintay mamulot ng laglag na bunga. Magsikap. Magtiyaga. Huwag matakot at huwag ikahiya ang hirap. Ang paghihirap ay hindi sagabal sa kadakilaan.
Ang kahirapan ay maraming anyo. Hirap sa pera. Hirap sa sakit. Hirap ng loob dahil sa pangungulila. Hirap ng isip dahil hindi makapag-aral. Hirap ng katawan dahil sa trabaho. Anumang paghihirap ito, kapag inihandog natin sa Diyos ay nagiging hirap ng pagpapalala. Kahirapan ay nagiging biyaya para sa ating kabutihan.
Mahirap tayo dito sa Bataan. Subalit may hiyas ang Bataan na yaman nating maipagmamalaki. Ang una ay ang ating pananampalataya. Ang ikalawa ay ang ating kasaysayan ng kabayanihan. Ito ang iaambag ng Bataan sa pagpapanibago ng Pilipinas. Sanay tayo sa hirap at hinubog sa hirap. Likas sa taga Bataan ang maging bayani at banal. Mga Pilipinong bayani at banal ang tunay na kailangan. Subok sa hirap. Sanay sa hirap. Matatag sa hirap. Matapang sa hirap. Kayo ito. Mahal na kabataan ng Bataan!
Real heroes become luminous in darkness. Real heroes are formed in adversity. At sa huli, ang tunay na bayani ay nasusubok sa kaguluhan. Hindi mapanggulo ang magiting na tao sapagkat siya ay alagad ng kapayapaan. Subalit hindi takot sa gulo ang totoong bayani. Hindi tayo basagulero pero hindi tayo duwag. Bawal ang duwag sa Bataan. Bawal ang tumahimik kapag may nakikita tayong kamalian sa ating lipunan.
Kapag nanahimik tayo kahit may masamang nangyayari, hindi tayo bayani. Tayo ay taksil sa simbahan at sa bayan. Kapag pinili natin na huwag makialam kahit alam nating may pinagsasamatalahan, ninanakawan o sinasaktan, ito ay katahimikang kasuklam suklam sa Diyos. May parusa ang Diyos sa mga taong ayaw manindigan. Ang wika ng Panginoon: “Hindi ka malamig o mainit. Ikaw ay maligamgam. Ikaw ay isususuka ko at sa iyo'y wala akong kinalaman”. Ang tunay na bayani ay nakikita sa kaguluhan at ang kanyang pakikialam at pakikisangkot ang nagiging daan upang magbago ang bayan.
Magulo nga marahil ang buhay ng mga tunay na bayani subalit magulo man ang kanilang buhay ay payapa ang kanilang isip at kalooban sapagkat batid nilang may kabuluhan ang pagharap sa gulo at paninindigan para sa kaayusan. Piliin na nating magulo ngayon dahil nanindigan kaysa manahimik ngayon at magdusa sa kabilang buhay.
Mga minamahal kong kabataan at kababayan sa Bataan. Madilim na naman. Oras na naman ng kabayanihan. Mahirap umakyat. Mahirap bumaba. Ang hirap na ito ay huhubog sa atin sa kadakilaan. At kapag may nakatagpo tayong kaguluhan, huwag umurong. Salamat sa dilim nagliliwanag ang mga bayani! Salamat sa hirap nahuhubog ang mga dakila. Salamat sa kaguluhan lumulutang ang totoong magiting! Sumikat nawa sa Bataan ang bagong araw at sumilang ang mga kabataang bayani at banal! Amen. |
||